Nora Aunor hopes Alden Richards stays the same despite his immense popularity

Nora Aunor on continuing to learn despite her many awards: "Ang isang artista, sa paniniwala ko, hindi dapat huminto sa pag-aaral o kagustuhan na matuto pang lalo. Kailangan sa bawat pelikula o sa bawat role na iniaatang sa ‘yo, dapat iba-iba ang kailangang maging atake dun sa karakter na ibinibigay sa ‘yo."


Hiningan ng mensahe ang Superstar na si Nora Aunor kaugnay ng tinatamasang tagumpay ngayon ng Kapuso matinee idol na si Alden Richards.

Nagkatrabaho ang dalawa noong 2014 sa short film ni Adolf Alix Jr. na Kinabukasan, at dito ay naging anak-anakan ng aktres ang young actor.

Read: Alden Richards overawed by Superstar Nora Aunor: "Parang naka-jackpot ako!"

Pahayag ni Nora tungkol kay Alden, “Magaling na artista 'yan!

“Magaling na artista yung anak kong ‘yon.

“Huwag lang siyang magbago. Hindi dapat mawala kung ano ang nakilala sa kanya bilang siya.

“Iyon pa rin ang dapat na makita ng mga tao na nakakakilala sa kanya, lalo na yung mga fans.”

Sikat na sikat ngayon ang loveteam ni Alden at ng kasamahan niya sa Eat Bulaga! na si Maine Mendoza o Yaya Dub.

Si Maine ay kilala sa pagda-Dubsmash nito ng mga kanta at maging linya sa mga pelikula.

May mga linya si Nora sa kanyang mga pelikula na dina-Dubsmash din.

Ano ang masasabi ng Superstar dito?

“Maganda nga yun, e, dahil ikaw ang ginagaya. Ikaw ang ginagawan ng ganun.

“Siyempre nakakatuwa naman ‘yon.”

Nakausap ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) si Nora sa shooting ng bago niyang pelikula, ang Kabisera, sa Bulacan.

LEARNING FROM THE YOUNG STARS. Maliban kay Alden ay marami pang kabataang artista na nakatrabaho si Nora.

Halos lahat sila ay nagsasabing marami silang natututunan sa Superstar.

Ano ang reaksiyon ni Nora dito?

Saad niya, “Kasi ako, masaya na marami ang gustong matuto, ‘no?

“Isang malaking karangalan para sa akin 'yan na ganun ang sinasabi nila.

“Pero alam ko, sila [young stars], may sarili silang pag-arte na hindi lang nila siguro natutuklasan sa sarili nila.

“Depende sa role na ibibigay sa kanila, e.

“Kapag mabigat ang role na ibinigay sa isang artista, natural na magku-concentrate ang isang artista, at bibigyan talaga ng importansiya ang kanyang role.”

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

May natutunan din ba ang isang beterana at multi-awarded actress na gaya ni Nora sa mga baguhang artista?

Sagot niya, “Natural! Marami.

“Ang isang artista, sa paniniwala ko, hindi dapat huminto sa pag-aaral o kagustuhan na matuto pang lalo, na hanggang dun ka na lang, kung ano ang kinatatayuan o narating mo na.

“Hindi puwede.

"Kailangan sa bawat pelikula o sa bawat role na iniaatang sa ‘yo, dapat iba-iba ang kailangang maging atake dun sa karakter na ibinibigay sa ‘yo.”

Ano ang masasabi niya na halos lahat ng mga artista ay nangangarap na makatrabaho siya?

Pahayag ni Nora, “Alam mo, nakakatuwa rin naman.

"Kasi yung pagiging artista, noong araw kasi, mga pakanta-kanta [sa pelikula].

“Tapos nag-eksperimeto ako na, 'O, ibahin ko nga,' para hindi naman lahat ng oras, e, iyon ang nakikita ng mga tao.

“So, nag-concentrate ako sa bawat role na ibinibigay sa akin sa isang pelikula o ng isang producer.

“Ayun, tumatama naman.”


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN