Ai-Ai delas Alas fails in her first attempt to talk to Jiro Manio's Japanese father

Sa tulong ng kanyang mga kaibigan na nasa Japan, natunton ng grupo ni Ai-Ai delas Alas ang kinaroroonan ni Yusuke Katakura, ang estranged father ni Jiro Manio. Ngunit nabigo silang makausap ito.


Tinupad ni Ai-Ai delas Alas ang pangako niya sa anak-anakang si Jiro Manio na pupunta siya sa Japan para hanapin ang Japanese father ng multi-awarded actor, na ilang buwan nang ginagamot sa isang wellness clinic sa Quezon City.

Lumipad si Ai-Ai sa Tokyo noong Huwebes, September 10.

Sa tulong ng kanyang mga kaibigan na nasa Japan, natunton nila ang kinaroroonan ni Yusuke Katakura, ang estranged father ni Jiro.

Ipinakita ngayong gabi, September 13, sa Kapuso Mo, Jessica Soho ng GMA Network ang video ng misyon ni Ai-Ai sa Kamata, Southern Tokyo, ang lugar na tinitirhan ng ama ni Jiro.

Sa pamamagitan ng palitan ng text messages, nalaman ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) mula kay Ai-Ai na hindi nito nakausap nang personal si Yusuke Katakura.

Kasalukuyan daw maysakit ang ama ni Jiro at hihintayin muna raw nila itong gumaling.

Inamin ni Ai-Ai sa PEP na masyadong marami ang kumplikasyon at hindi niya alam kung paano uumpisahan ang masalimuot na kuwento sa likod ng matagal na hindi pagkikita ng mag-ama.

"Super complicated pero hindi ako susuko. May magandang resulta ito. Lalambot din ang puso ng tatay ni Jiro," pahayag ng Philippine Queen of Comedy.

Hindi nawawalan ng pag-asa si Ai-Ai at naniniwala siyang sa tulong ng mga dasal, darating ang panahon na magkakasama ang mag-amang Yusuke at Jiro.


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN