Alden Richards ready to court Maine Mendoza for real?

Binalikan nina Maine Mendoza at Alden Richards ang kanilang unang pagkikita sa selebrasyon ng kanilang second monthsary ngayong araw, September 16.


Sinariwa nina Alden Richards at Maine Mendoza ang kanilang unang pagkikita sa selebrasyon ng second monthsary ng tambalang AlDub.

Sa pagsisimula ng Kalyeserye ng Eat Bulaga! ngayong araw, September 16, umupo si Alden sa eksaktong lugar kung saan siya unang nginitian ni Maine, bilang Yaya Dub.

Tandang-tanda naman daw ito ni Maine, pati na ang eksaktong oras: "July 16, 2015. 1:47 P.M."

Katulad ng kanyang ipinangako, may ilang sorpresang ibinigay si Alden kay Maine para sa kanilang 2nd monthsary.

Una ay ang locket necklace na ibibigay sana ni Alden kay Yaya Dub noong 7th weeksary nila, ngunit hindi niya naibigay dahil dinukot silang pareho ni DuhRizz.

Pangalawa ay ang dose-dosenang red roses at isang bouquet of flowers na inabot ng napakaraming bata kay Maine sa Brgy. Bangkulasi, Navatos City; kasama sina Jose Manalo, Wally Bayola, at Paolo Ballesteros.

Pangatlo ay isang card na may handwritten message ni Alden.

Ito ang nilalaman ng sulat ni Alden para kay Maine, na binasa nang live ng Pambansang Bae habang ipinapakita ang ilan sa di malilimutang tagpo ng kanilang “love story”:

"Hi Maine. Kumusta ka na?

"Kahit dalawang buwan pa lang ang nakakaraan, ang dami nang nangyari. May masasaya, may malulungkot, may masasakit.

"Pero lahat ng ito mayroon tayong natututunan. At walang hindi makakayanan basta handa tayo at ito ang gusto natin.

"At kung may may maniniwala sa atin, at may naniniwala sa atin at nagmamahal, ngayon pa ba tayo susuko?

"May mga naiba na sa buhay natin. Marami na. Pero maraming bagay din na hinding-hindi na magbabago kahit kailan.

"Alam mo na yun. At alam natin na kahit na ano mang pagdaanan natin, darating ang tamang panahon.

"Aldub you, Alden"

Dahil dito ay hindi napigilang mapaluha ni Maine.

Maliban dito, hinarana rin ni Alden si Maine nang live.

Kinanta ng Pambansang Bae ang isa sa theme song niya para kay Yaya Dub, ang “Thinking out Loud” ni Ed Sheeran, at ang kanyang sariling awitin na “Wish I May.”

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Habang kumakanta ay nagsulat ng fan sign si Alden para kay Maine na ang nakasulat ay ito: “Wish I MAINE, Wish I Might Be The One.”

At ang panghuling sorpresa ni Alden ay ang pag-aabot ng P100,000 sa napili nilang “Sugod Bahay” winner.

Matatandaang noong September 5 ay naglaban sina Maine at Alden sa wildcard edition ng “Bulaga Pa More, Dabarkads Pa More” at ipinangako nila kay Lola Nidora (Wally) na kanilang ibibigay ang cash prize sa mapipili nilang “Sugod Bahay” winner.

Noong araw na iyon din naganap ang unang pagkikita nina Maine at Alden sa personal.

Ang napiling "Sugod Bahay" winner nina Maine at Alden, kasama na sina Jose, Wally, at Paolo, ay si Aling Nena, na bumati noon kay Vic Sotto para sa engagement nila ng nobyang si Pauleen Luna.

Read: Vic Sotto gets teased about engagement to Pauleen Luna; quips, "Sinisigurado ko lang, baka maunahan ako ng AlDub."



TOTOHANAN NA? Habang nagpapasalamat naman si Aling Nena ay sinabi nito kay Alden na: “Sana magkatuluyan kayo…”

Ang ibig tukuyin dito ni Aling Nena ay magkatuluyan sa totoong buhay sina Alden at Maine.

Nagsigawan naman ang halos lahat sa audience nang marinig ito.

Pagkatapos nito ay nagpalitan ng fan signs sina Alden at Maine, na tila totoo na ngang may nararamdaman para sa isa’t isa.

Alden: "Happy 2nd Monthsary. Sana sa susunod... kasama na kita, Maine."

Maine: “Sana.”

Buwelta naman ni Alden: “E, di ngayon na.”

Sagot ulit ni Maine, “Sabi mo 'yan, ha,” sabay sulat ng araw at petsa kung kailan ito sinabi ni Alden: “9/16/15 2:15 P.M.”

Hamon pa ni Maine kay Alden: “Panindigan mo ‘yan.”

Sagot dito ni Alden: “What’s bound to happen will find its way.”

Biro naman ni Maine: “Paalam ka muna sa tatay ko… kay Dodong.”

Alden: “Darating din ang tamang panahon.”

Maine: “Ikaw talaga, Den.”

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Mas lalong kinilig ang mga manonood nang isulat ni Alden ito: “Ready na ako!”

Tila sinasabi ng Kapuso actor-TV host na handa na siyang maglaan ng panahon para sa panibagong pag-ibig pagkatapos ng ilang taong walang girlfriend.

Kahit tapos na ang Kalyeserye segment ay humirit pa si Maine ng fan sign at tinanong kay Alden: “Seryoso ka ba talaga?”

Pero hindi na siya napansin ni Alden dahil pinagkaguluhan na ito ng mga tao sa audience na nagpapa-picture at humahalik sa kanya.

Ngunit hindi nakaligtas sa Dabarkads ang huling hirit ni Maine, kaya sabi tuloy ni Vic: “Sabi ko na nga ba, e, baka maunahan pa ako ng dalawang ‘to, e!”

Biro naman ng katabi niyang si Joey de Leon: “Gusto mo ngayon na, e!”

Kumambiyo si Vic at sinabing, “Teka, may shooting pa ako.”

THANKS TO ALDUB NATION. Sa kanyang Twitter account (@aldenrichards02), nagpasalamat naman si Alden sa AlDub Nation sa suporta ng mga ito sa tambalan nila ni Maine.

Hindi kami magsasawang magpasalamat sa inyo #AlDubnation kayo ang nagbibigay inspirasyon sa amin para magpatuloy! Tuloy ang forever! 🙌🏻

— Alden Richards (@aldenrichards02) September 16, 2015

Ni-retweet ni Maine ang mensaheng ito ni Alden.


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN