Susan Roces says daughter Grace Poe is ready for presidency

“Sa ngayon, ang aking pananatiling tahimik ang makakatulong,” says Susan Roces about her daughter Grace Poe's presidential bid in 2016.


Masaya ang veteran actress na si Susan Roces sa pinakabagong resulta ng isinagawang presidential poll ng Social Weather Stations para sa 2016 elections.

Lumabas kasi sa naturang survey na nangunguna pa rin ang anak niyang si Senator Grace Poe, na sinundan naman nina Secretary Mar Roxas at Vice President Jejomar Binay.

Pahayag ni Susan, “Well, nagpapasalamat ako. Maraming salamat sa kinalabasan ng survey. What more can I say at this point?”

Sandaling nakapanayam ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) at iba pang entertainment reporters ang dating movie queen sa press conference ng TV remake ng Ang Probinsyano kagabi, September 21.

Matipid ang kanyang sagot tungkol sa planong pampulitika ng kanyang anak.

Gayunman, kapansin-pansin sa sagot ni Susan ang matinding suporta niya kay Grace, na sa tingin niya ay handang gampanan ang mas mataas na posisyon sa gobyerno.

“Bilang magulang, lahat naman siguro tayong mga magulang, ibig nating makamit ng mga anak natin ang kanilang inaasam sa buhay.

“Si Grace, ang napiling kurso sa kolehiyo ay Political Science.

“Alam ko na nakahanda siyang harapin kung anuman concerns ang related sa trabaho niya.”

Nang tanungin si Susan kung naging handa siya sa desisyon ni Grace na tumakbo bilang Pangulo sa susunod na taon, sagot niya, “Bilang ina, never kang handang-handa.

“May mga pangyayari na bigla ka na lang magugulat.

“Pero siyempre, para sa magulang, ang anak ko muna bago ang sarili ko.

“It will be very selfish as a parent to be the one to decide kung ano ang para sa anak, not unless ang opinyon mo ay hinihingi.

“Pero kapag nakikita mo na desidido sa kanyang ginagawa, nandito ka lang para manalangin at kung ano ang magagawa mo para makatulong.”

Sa ngayon, ayon sa movie queen, “Ang aking pananatiling tahimik ang makakatulong.”


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN