Alden Richards and Maine Mendoza finally have a selfie together; #ALDubEBforLOVE doubles previous record

Ito ang kauna-unahang selfie photo nina Alden Richards at Maine Mendoza, halos tatlong buwan pagkatapos mabuo ang kanilang AlDub loveteam sa Kalyeserye ng Eat Bulaga.


Pagkatapos ng halos tatlong buwan ay nagkaroon na rin ng kanilang first selfie photo na magkasama sina Alden Richards at Maine Mendoza.

Naganap ito sa unang pag-akyat ng ligaw ni Alden kay Yaya Dub (Maine) sa Kalyeserye ng Eat Bulaga! ngayong araw, September 26.

Sulit na sulit para sa mga tagasubaybay ng AlDub loveteam ang naganap na pagdalaw ni Alden kay Yaya Dub sa mansyon nina Lola Nidora (Wally Bayola), Lola Tidora (Paolo Ballesteros), at Lola Tinidora (Jose Manalo).

Umapaw kasi sa kilig ang mga eksenang nasaksihan ng mga manonood kanina.

Pagkatapos ng ilang aberya ay nakarating nang maayos si Alden sa mansyon.

May dala-dala rin siyang apat na bouquet of flowers para kina Yaya Dub, Lola Nidora, Lola Tidora, at Lola Tidora.

Siyempre pa, nagbitbit din si Alden ng mga pagkain, kasama na ang chicharon na hiling ni Lola Nidora. Galing daw ang chicharon sa misis ni Senator Tito Sotto na si Helen Gamboa.

At gaya ng bilin sa kanya ng mga Dabarkads, nagpunas at nagtanggal pa ng sapatos si Alden bago pumasok sa mansyon.

Ang mga sumalubong sa kanya ay sina Tidora at Tinidora na excited sa pagdating ni Alden.

Ipinakita muna nina Tidora at Tinidora ang ilang bahagi ng mansyon, pati na ang mga lumang litrato nilang magkakaptid.

Hindi rin nakalimutan ni Alden ang bilin ng mga Dabarkads na huwag siyang uupo hangga't hindi pinauupo, na ikinatuwa naman nina Tidora at Tinidora.

Ilang sandali pa ay bumaba na rin si Lola Nidora at nagbigay-pugay naman sa kanya si Alden sa pamamagitan ng pagmamano at pagbibigay ng bulaklak.

At dumating na ang pinakahihintay ni Alden nang bumaba na rin sa wakas si Maine.

Hindi naitago ni Alden ang kanyang pagkakilig nang makita si Maine at talagang todo-ngiti siya.

Sa kabilang banda, hindi naman makatingin nang diretso kay Alden.

Bago pa man magsimula ang Eat Bulaga! ay inamin ni Maine, sa pamamagitan ng Twitter, na excited na rin siya sa pagkikita nila ulit ni Alden:

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Oh my oh my thiz izzzz eeet! Ano kayang mangyayari mamaya? Excited na ba kayo? (.........kasi ako, sobra! Secret lang ha!😋) #ALDubEBforLOVE

— Maine Mendoza (@mainedcm) September 26, 2015

At gaya ng ipinangako ni Lola Nidora, nagkalapit na sa wakas sina Alden at Maine na halos mahawakan na nila ang isa't isa.

Pero may ilang pagkakataong itinutulak nina Tinidora at Tidora sina Alden at Maine para magkadikit sila.

Maging sina Alden at Maine ay nagbibiruan din na tila gustung-gusto na nilang hawakan ang isa't isa.

Panay naman ang sukat ni Lola Nidora kung one foot away pa rin sina Alden at Yaya Dub.

Halatang kilig na kilig din ang De Explorers sisters sa mga eksenang nasasaksihan; si Tinidora nga ay umikot pa sa sahig.


THE MERIENDA. Pagkatapos ng ilang sandali ay niyaya na ni Lola Nidora sina Alden at Yaya Dub na kumain.

Bilang gentleman, hinila ni Alden ang upuan ni Maine para makaupo ito.

Pero bago ito ay nag-Trip to Jerusalem muna sila para matukoy kung saan sila uupo.

Sa huli ay sa kabisera umupo si Alden habang nasa kaliwa niya si Yaya Dub.

Nang magsisimula na silang kumain ay biglang tumayo sina Tinidora at Tidora, para sana hayaang makapagsolo sina Alden at Yaya Dub.

Hindi naman nakaramdam si Lola Nidora kaya pinilit ng kanyang mga kapatid na tumayo na rin at umalis.

Dito na nagkaroon ng pagkakataong mapag-isa sina Alden at Maine, kung saan nagkausap sila at nagda-Dubsmash paminsan-minsan.

Pinagsaluhan nila ang palabok at cake, at paminsan-minsan ay nagsusubuan pa sila.

Sa isang punto ay nabulunan si Yaya Dub kaya binigyan siya ng tubig ni Alden.

Habang pinapainom ni Alden si Yaya Dub ay nahawakan ni Yaya Dub ang mga kamay ni Alden, na lalong ikinakilig ng mga manonood.

Ilang sandali ay lumabas naman si Rihanna, na ginagampanan din ni Wally, ang mayordoma sa mansyon.

Nakipag-selfie ito kina Alden at Yaya Dub.

Pagkatapos ay ni-request ni Alden na sila naman ni Maine ang magpakuha.

Dito na nga nakunan ang unang selfie ng AlDub loveteam.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

At kahit magkadikit na sila, maingat pa rin si Alden na huwag hawakan si Maine.

Lumabas na rin sina Tidora at Tinidora para makipag-selfie rin kina Alden at Yaya Dub.

Ilang sandali pa ay bumalik na rin si Lola Nidora at nagparinig na magsi-siesta na siya.

Kaya naman nagpaalam na si Alden bilang hudyat na tapos na ang kanyang pagdalaw.

Pero bago siya umalis ay may inabot sa kanyang sulat si Yaya Dub.

Pambubuking naman ni Paolo, ang nakasulat sa labas ng envelope ay ang totoong pangalan ni Alden na Richard.

Ang buong pangalan ni Alden ay Richard Faulkerson Jr.

Ang sulat na ito ang ipinakitang isinusulat ni Maine habang kumakanta nang live si Alden ng "God Gave Me You" sa Broadway studio.

Read: Alden Richards cries while singing "God Gave Me You" for Maine Mendoza

Bago makalabas ng mansyon si Alden ay hindi maalis ang kanyang tingin kay Maine.

At nang makaalis na si Alden, narinig na sumigaw si Yaya Dub ng "This must be love!"

ALDUB RULES TWITTER. Bilang pagpapakita ng kanilang suporta sa unang pagdalaw ni Alden kay Yaya Dub at sa National Pabebe Wave Day ng Eat Bulaga, beast mode and AlDub Nation sa pagtu-tweet.

Madaling-araw pa lang ay nakaantabay na sa Twitter ang AlDub fans at wala pang isang oras ay naka-one million tweets ang hashtag ngayong araw na #ALDubEBforLOVE.

Hindi pa man tapos ang Eat Bulaga! kanina ay na-break na nito ang 12.1 million tweets na naitala ng #ALDUBMostAwaited Date.

At bandang 4 P.M. ay nasa mahigit 21 million na ang tweets para sa #ALDubEBforLOVE.

Ibig sabihin, hindi malayong madoble nito ang record na naitala ng #ALDUBMostAwaited Date.


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN