Gloc-9 says AlDub does not need a song from him to be more popular: "Hanggang Pluto po yata ay pinapanood sila."

Gloc-9 is one of the celebrated rap artists in the entertainment scene, he reflects on his 18-year singing career: "Minsan, napapailing ako kapag tinatawag kaming rapper lang. Ang pagra-rap po, kung bibigyan niyo ng oras at dedikasyon, ay isang marangal na klase ng musika."


Hindi maikakaila na si Gloc-9 ang maituturing na pinakamatagumpay na rap artist ngayon sa bansa, na sumunod sa popularidad at mainit na pagtanggap ng mga tao sa yumaong si Francis Magalona.

Pero masaya raw si Gloc-9 na marami pa rin ang nabibigyan ng break sa pagra-rap.

Saad niya, “Ako po ay natutuwa na nabibigyan ng break ang ibang rap artists na katulad ko.

“Pero ako ay nagwi-wish na mas malaki pa ang suporta na makuha ng rap artists.

“Palagi nga pong sinasabi na maraming magagaling na rap artists.”

Masasabi ba niyang may kaibahan ang estado ng Original Pilipino Music (OPM) ngayon kumpara noon?

Pahayag ni Gloc-9, “Halos pareho pa rin, nagkaroon lang po ng pagkakaiba sa music ngayon dahil sa social media? sa YouTube, sa Facebook.

“Pero yung OPM before is still the same, siguro nagkakaiba lang din ng suporta, kumbaga yung boost, iba.

“Pero in terms of talents, mas gumanda pa.”

Hindi ba niya binalak na pasukin din ang pag-arte?

“Sa totoo lang po, tina-try ko na mag-practice [umarte] sa bahay.

“Pero matagal na rin na na-realize ko, every time na pina-practice ko, iisa lang ang expression ko, isa lang ang acting.”

WRITER'S BLOCK. Naranasan na rin daw ni Gloc-9 ang tinatawag na writer's block sa pagsusulat ng kanta sa loob ng 18 years na niya sa music industry.

“Meron po, meron naman.

“Pero ang ginagawa ko po, kapag alam kong hindi puwede, hindi ko pinipilit.

“Siguro nagpapahinga lang ako ng ilang araw, wala naman po akong matandaan na hindi ko talaga magawa.

“Unless it's a song na hindi ko gustong gawin, ibang usapan yun.”

Paano niya napapanatili yung energy niya sa pagra-rap?

Ayon kay Gloc-9, “Siguro meron lang po talagang nabiyayaan, minsan po naiisip ko rin yun.

“Minsan may napapanood akong ibang artists na kumakanta ng kanta ko, I'd like to think na kayang gawin ng lahat yun.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

“Nakikita ko na yung breathing technique na natutunan ko sa trabaho ko.

“Kaya minsan, napapailing ako kapag tinatawag kaming rapper lang.

“Ang pagra-rap po, kung bibigyan niyo ng oras at dedikasyon, ay isang marangal na klase ng musika.

“Nakatulong din na hindi ako nag-i-smoke at bihirang-bihira lang din akong nainom, sobrang takaw kong matulog.

“Yung mga kasama ko, nagtataka kapag nagko-coordinate kami.

“Alas-nuwebe pa lang ng gabi, hindi na ako sumasagot, tulog na po ako nun.”

ELECTION SONG. Diumano'y si Davao City Mayor Rodrigo Duterte ang napupusuan ni Gloc 9 na iendorso sa pagka-presidente sa 2016 elections, pero hindi raw ito tatakbo.

Kuwento ng 37-year-old rapper, “Nababanggit lang ng management na may mga nag-i-inquire.

“As much as possible, gusto ko munang pag-isipang mabuti.

“Araling mabuti ang mga susunod naming gagawin sa susunod na panahon.”

May naiisip na ba siyang kanta para sa 2016 elections?

“Meron na po akong ginawa, actually ni-release na po namin yun last September, ang title po ay “Payag.”

“It's a song na, bakit ka pumapayag sa alam mong puwede mo pang makuhang mas maganda?

“May kasabihan nga, kuwento sa akin na ang Filipino raw ay napakagaling sa pagtanaw ng utang na loob.

“Kapag binigyan mo ang isang pamilya ng isang kilong bigas, tatanawin nila na malaking-malaking utang na loob yun.

“Pero ang hindi nila alam, ang nakalaan sa kanila ay isang kabang bigas, yun po ang essence ng song.”

Aware din si Gloc-9 kung gaano kasikat ang AlDub loveteam nina Alden Richards at Maine Mendoza (Yaya Dub).

Kung sakali, gusto niya rin ba itong gawan ng kanta?

Sagot ni Gloc-9, “Oo naman po, sobrang idol ko sina Tito, Vic & Joey, anything in connection with them, buong puso ko pong gagawin.

“Wala pa po akong oras para magsulat, pero kung ako'y lalapitan nila, puwede.

“Pero hindi na nila kailangan ng rap ni Gloc-9 para mag-promote ng sarili nila.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

“Hanggang Pluto po yata ay pinapanood sila.”

Isa sa mga awiting nilikha at inawit ni Gloc-9 na tumatak sa marami ay ang “Ako'y Isang Sirena.”

CONCERT SERIES. Samantala, magkakaroon ng concert series si Gloc-9 sa Music Museum sa Oktubre.

Paano nila naisip yung title ng concert na Ang Kuwento ng Makata?

Ayon kay Gloc-9, “Na-associate na lang po namin ang makata word sa akin bilang isang rap artist.

“Tumutula po ako, kung aalisin po natin ang music and anything, tumutula po ako.”

Bukod sa 18th anniversary ni Gloc-9 sa showbiz, ipagdiriwang din niya ang kanyang kaarawan sa October 18.

At sa apat na Saturdays ng concert niya sa October 10, 17, 24, at 31, bongga lahat ng guests niya tulad nina Aiza Seguerra, Regine Velasquez, Ogie Alcasid, Yeng Constantino, Chito Miranda, Bamboo, at Jolina Magdangal.

Ayon kay Gloc-9, talagang inupuan at pinag-isipan nila ito ng kanyang management na PPL Entertainment Inc., na siya ring nagprodyus ng concert niya.

“Inupuan po talaga namin ng PPL, siyempre isa rin si Perry [Lansigan, his manager]sa nag-isip.

“Pero lahat po ng nandiyan ay mga kaibigan namin.

“Ako po ay busog na busog ang puso nang malaman na sila ay pupunta.”


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN