President Noynoy Aquino to call DepEd’s attention over students’ lack of knowledge about Apolinario Mabini

Sa talumpati ni Pangulong Noynoy Aquino sa Gawad Apolinario Mabini kahapon, September 29, sinabi nitong nakarating na sa kanyang kaalaman ang tungkol sa naging katanungan ng ilang mga estudyante tungkol sa bayaning si Apolinario Mabini. Kaya naman daw isasangguni niya sa Department of Education kung ano ang karampatang aksyon para maipamalas sa mga kabataan ang kahalagahan ng naiambag ni Mabini sa kasaysayan ng bansa.


Nakarating na sa kaalaman ni Pangulong Benigno "Noynoy" Aquino III ang tungkol sa ilang mga kabataan at estudyante na hindi kilala nang lubos ang bayaning si Apolinario Mabini.

Nag-ugat ito sa isang Facebook post ni Epy Quizon, ang gumanap na Apolinario Mabini sa pelikulang Heneral Luna, noong September 24.

Ipinagtataka ng aktor kung bakit may mga kabataang nakapanood ng pelikula ang lumapit sa kanya at nagtanong kung bakit hindi man lang siya tumayo sa kabuuan ng pelikula.

Ibig sabihin, hindi nila alam na lumpo si Mabini dahil sa pagkakaroon nito ng polio.

Read: Epy Quizon dismayed by students' lack of awareness about Apolinario Mabini: “What have we been teaching these kids in our history classes?”

Kaya naman sa talumpati niya sa Malacañang kaugnay sa Gawad Apolinario Mabini kahapon, September 29, sinabi ng Pangulo na tatawagan niya ang pamunuan ng Department of Education (DepEd) upang isangguni ang nararapat na aksyon kaugnay ng isyung ito.

“Nito lang po, may umiikot na balita sa diyaryo at social media tungkol sa pelikulang Heneral Luna.

“Aminin ko po, di ko pa napanood ito.

"Tampok po rito ang aktor na si Epy Quizon, na gumanap bilang si Apolinario Mabini.

“Ang sabi po niya, tinanong siya ng isang grupo ng mga estudyante sa kolehiyo kamakailan kung bakit ang karakter niyang si Mabini, ni isang beses, ay hindi man lang daw tumayo sa pelikula.

“Ang komento pa raw ng ilang netizens, baka pagod lang daw noong mga panahong iyon si Mabini.

"Talagang napailing po tayo noong ikinuwento sa amin ito.

"Sabihin mang iilang estudyante lang ang nagpahayag nito, masasabing isa rin itong repleksiyon sa pagkukulang sa kaalaman sa kasaysayan ng ilang kabataan sa kasalukuyan.

"At maya-maya ay tatawagan natin si Bro. Armin [Luistro] para ayusin ito."

Si Bro. Armin Luistro ang kasalukuyang secretary ng DepEd.

Para sa mga hindi nakakaalam, si Mabini ang tinaguriang “Utak ng Rebolusyon” noong panahon ng mga Amerikano.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Binansagan din siya bilang "Dakilang Paralitiko" dahil sa kanyang mga naging kontribusyon para makamit ang kalayaan sa ilalim ng mga dayuhang Amerikano, sa kabila ng kanyang kapansanan.

Dagdag pa ni PNoy sa kanyang talumpati, “Napapanahon nga pong balikan ang isang tanong: Bakit ba natin itinuturing na isang bayani si Apolinario Mabini?

“Hindi po matatawaran ang laki at lawak ng ambag sa ating bansa ng tinaguriang 'Dakilang Paralitiko' at 'Utak ng Rebolusyon.'

“Siya ang kumakatawan sa talino at paninindigan ng lahing Pilipino.

"Talas ng isip ang kanyang naging sandata upang patibayin ang pundasyon ng ating mga demokratikong institusyon.

“Ipinamulat niya sa lahat na hindi lamang ang nasa katungkulan ang may tangan ng kapalaran ng bayan; may boses ang mamamayan, at sila ang bukal ng kapangyarihan sa ating bayan.

“Kaya nga po, sa kabila ng kondisyon ni Apolinario Mabini, ganoon na lang ang paggalang at pagdakila sa kanya, kahit pa sa panahon ng gulo at digmaan.”

Napili ang Heneral Luna bilang Philippine entry sa Best Foreign Language Film category ng 2016 Oscars.

May kasalukuyan ding petition sa change.org na humihimok sa DepED, local government authorities (LGUs), at Commission on Higher Education (CHED) upang ipalabas ang pelikula sa mga paaralan at pampublikong lugar.


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN