Sen. Bong Revilla sets aside presidential ambition in 2016: “As of now, I want to clear my name muna.”

Ayon kay Senator Bong Revilla, kailangan muna niyang linisin ang kanyang pangalang inaalagaan ng ilang taon bago niya isipin ang pagtakbo sa matagal na niyang ambisyon—ang maging Pangulo ng bansa.


Ipagpapaliban muna raw ni Senator Ramon ‘Bong’ Revilla Jr. ang kanyang balak na tumakbo sa pagka-presidente sa 2016 dahil sa mga kasong kinakaharap nito sa kasalukuyan.

Sa panayam sa kanya ng GMA News ngayong Miyerkules, September 30, inamin ng mambabatas na maaaring ang kanyang maagang pagpapahayag ng planong pagtakbo bilang presidente ang naging dahilan kung bakit siya nasa piitan ngayon.

“Aaminin natin na talagang plano nating tumakbo sa pagka-Pangulo.

“Sa tingin ko nga, isa yun sa dahilan kung bakit ako nandidito sa kulungan.”

Nakapanyam ng media si Senator Bong sa pre-trial ng kanyang plunder case sa Sandiganbayan First Division kanina.

Nahaharap ang senador sa kasong pandarambong at patung-patong na kaso ng kurapsiyon na may kaugnayan sa diumano’y pagbulsa niya ng mahigit P225 million mula sa kanyang Priority Development Assistance Fund (PDAF).

Diumano, napunta ang malaking bahagi ng kanyang PDAF sa bogus non-government organizations (NGOs) ng pork barrel fund scam mastermind na si Janet Lim Napoles.

Kapalit nito ang kickbacks na umabot diumano sa daang milyong piso.



“I WANT TO CLEAR MY NAME.” Higit isang taon nang naka-detain si Senator Revilla sa Philippine National Police (PNP) Custodial Center sa Camp Crame, Quezon City, mula pa noong June 2014.

Bukod sa kanya, na-detain din sina Senators Jinggoy Estrada at Juan Ponce Enrile kaugnay pa rin sa malawakang pork barrel fund scam.

Kamakailan lamang, nakalaya si Enrile sa pamamagitan ng piyansa dahil na rin sa kanyang kalusugan at edad.

Ayon kay Senator Bong, isinantabi na muna niya ang usaping pagtakbo sa pinakamataas na posisyon sa pamahalaan dahil prayoridad niya ngayon ang paglinis sa nadungisang pangalan.

Saad ng actor-politician, “As of now, I want to clear my name muna.

"Yung pangalan na iningatan ko sa napakahabang panahon, sinira ng ganun kabilis.

“Yung pagtakbo, I’m not in a hurry. I’m still young.

"Ang importante sa ngayon, lumabas ang katotohanan at malinis ko ang pangalan ko."

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Forty-nine years old pa lamang ngayon ang senador.

Samantala, iniurong ang pagdinig sa kaso ni Senator Bong sa Pebrero 2016 dahil hindi pa raw tapos ang pagmamarka sa mga ebidensiya.

Labis naman ang panghihinayang ni Senator Revilla sa pangyayari.

Aniya, “Sayang at medyo madi-delay na naman yung ating trial proper.

"One year and three months na 'ko ngayon sa piitan, ganun talaga.

"Pero may awa din ang Diyos."

“BABANGON SI BONG REVILLA.” Bukod sa karerang pampanguluhan, may iba pa ba siyang posisyong nais takbuhan?

Tugon ni Senator Bong, “Well, bahala na, let’s wait and see… I really don’t know yet. I’m at a loss.”

Hindi naman daw niya bibitawan ang kanyang ambisyong tumakbo sa mas mataas na posisyon sa darating na mga taon.

Pagtatapos pa ng mambabatas, “Basta ang masasabi ko, bata pa ako.

"Babangon si Bong Revilla. Hintayin natin sa tamang panahon."


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN