Alden Richards returns to Eat Bulaga for bittersweet reunion with Yaya Dub

Isang malaking sorpresa ang hatid ng Eat Bulaga! para sa mga manonood dahil sa pagbabalik ni Alden Richards sa Kalyeserye. Ngunit naging masalimuot ang pagkikita ni Alden at ni Yaya Dub (Maine Mendoza) dahil si Yaya Dub naman ang kailangang umalis.


Pagkatapos ng isang linggong pagkawala ay nagbalik na sa Eat Bulaga! ang Pambansang Bae na si Alden Richards.

Mula noong October 6, Martes, ay hindi napanood si Alden dahil sa kanyang ibang commitments; gaya ng out-of-town shows, shooting ng pelikulang My Bebe Love, at ang Kapuso Pinoy TV 10th anniversary show sa Tokyo, Japan.

Noon pang Lunes, October 12, nakabalik ng Pilipinas si Alden ngunit nagpahinga muna siya ng isang araw.

At ngayong Miyerkules, October 14, ay balik-hosting at Kalyeserye na ang Pambansang Bae.

Ang akala ng mga tagasubaybay ng Eat Bulaga! ay hindi pa rin sisipot si Alden dahil nang magsimula ang programa ay wala siya.

Ngunit nasorpresa ang lahat nang bigla siyang sumulpot sa kalagitnaan ng Kalyeserye.

Iyon nga lang, naging bittersweet ang muling pagkikita nila ni Yaya Dub o Maine Mendoza.

BITTERSWEET REUNION. Sa episode kasi ng Kalyeserye ngayong araw ay paalis na si Yaya Dub papuntang probinsiya.

Ito ay alinsunod na rin sa kagustuhan ni Lola Nidora (Wally Bayola) na umalis muna si Yaya Dub upang hindi siya matunton ng kanyang tunay na ina na si Isadora.

Pinapunta muna nina Lola Nidora at Tinidora (Jose Manalo) si Yaya Dub kay Tiya Bebeng sa Cebu.

Nang nakasakay na si Yaya Dub sa kotse ay saka naman dumating sa studio ng Broadway si Alden, bitbit ang regalo at bulaklak para kay Maine.

Nagsigawan naman ang mga nasa audience nang makita si Alden.

Kung akala ng lahat ay doon na matatapos ang eksena ay binigyan ng moment sina Alden at Maine na magpalitan ng Dubsmash, na matagal hindi napanood sa kanila.

Ngunit pagkatapos ng ilang sandali ay kinailangan nang umalis ni Yaya Dub na ikinalungkot naman nang labis ni Alden.

Ngunit nag-iwan si Lola Nidora ng madamdaming mensahe para kina Alden at Yaya Dub, na ikinaiyak ng mga nasa audience pati na ang hosts na sina Vic Sotto at Allan K.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Sabi ni Lola Nidora, tungkol sa paghihiwalay nilang muli, "Ang hindi kayang hawakan ng kamay mo, hawakan mo ng puso mo."

Sinabihan din niya ang dalawa ng: “Malayo man kayo, ipikit niyo lang ang mga mata niyo at mararamdaman niyo ang tibok ng puso niyo.”

Sabi pa ni Lola Nidora kay Alden: "Umalis ka dahil kailangan mong gawin yun.

"Pero sa pag-alis mo, nabigyan mo ng pagkakataon na makilala ni Yaya ang sarili niya. Ganun din siguro sa 'yo.

"Malaki ang mundong ito para paikutin niyo lang sa iisang tao.

"Alden, ang pag-ibig ay hindi madamot. Hindi araw-araw kilig. Hindi araw-araw Pasko.

"Pero anuman ang mangyari, makita niyo sana na may dahilan ang mga nangyayari sa buhay niyo.

"Hindi mo puwedeng hatiin ang puso mo pati katawan mo. May oras sa lahat ng bagay.

"Alden, hijo, huwag kang bibitiw dahil malapit na ang tamang panahon. Malapit na."

Dagdag pa ni Lola Nidora: "Marami ang hindi nakakaunawa. Naniniwala sa gusto nilang paniwalaan, husgahan kayo.

"Pero tanging kayo lamang ang may hawak ng katotohanan sa idinidikta ng puso niyo.

"Kung si Yaya ang mahina, maging malakas ka.

"Kailangan niyong akayin ang sarili niyo para makarating kayo sa gusto niyong marating.

"Makakarating kayo dun sa tamang panahon. Huwag na huwag kang susuko."

Nangako naman si Alden na hindi siya susuko at maghihintay sa tamang panahon.

Nag-sorry rin si Alden kay Yaya Dub dahil nahuli siya ng dating.


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN