Maine Mendoza prefers Faulkerson over Richards as surname; celebrates 15th weeksary with Alden

Alden Richards and Maine Mendoza celebrate their 15th weeksary as a love team on today's episode of Kalyeserye in Eat Bulaga.


Limang araw pagkatapos ng "Tamang Panahon" concert na ginanap sa Philippine Arena noong Sabado, October 24, muling nagkita nang harapan sina Alden Richards at Maine Mendoza sa Eat Bulaga.

Bilang pagdiriwang ng kanilang 15th weeksary ngayong Huwebes, October 29, ay sinorpresa ni Alden si Maine nang personal siyang magtungo sa location ng "Juan For All, All For Juan" segment sa Muntinlupa City.

Sa pagsisimula ng Kalyeserye kanina ay biglang sumulpot ang riding-in-tandem, na tinangka na namang kunin ang diary na hawak ni Lola Nidora (Wally Bayola).

Hinabol nina Lola Nidora at Maine ang dalawang lalaking nakasakay sa motor.

Ilang sandali pa ay bumaba ang lalaking nasa likuran.

Umasta naman sina Lola Nidora at Maine na tila handang makipagbakbakan sa lalaking naka-helmet, naka-shades, at naka-face mask.

Pero pagkatapos ng ilang sandali ay tinanggal ng lalaki ang kanyang helmet, shades, at face mask, at dito na nga tumambad ang mukha ni Alden.

Halatang nasorpresa si Maine, 20, nang makita si Alden, 23, dahil hindi niya inaasahang magkikita sila ngayong araw.

Pero halatang masayang-masaya siya na muling makita si Alden.

Sa isang punto, habang magkatabi sina Alden at Maine, ay itinulak ni Lola Tinidora (Jose Manalo) si Alden; dahilan upang mapayakap ang Pambansang Bae kay Maine at magkalapit ang kanilang mga pisngi at muntik nang maghalikan.

Pagkatapos nito ay binati nina Alden at Maine ang isa't isa ng "Happy weeksary," na ikinakilig ng halos lahat ng audience sa Broadway Centrum.

Dito na rin iniabot ni Alden ang isang box ng roses na dapat sana ay ibibigay niya kay Maine noong nasa Philippine Arena sila.

Naghanda rin si Alden ng maliit na mesa at mga pagkain para sa selebrasyon ng 15th weeksary nila ni Maine; kasama na ang isang pinggan ng isaw na nilantakan nilang pareho.

Habang kumakain ay tinanong ni Alden kung nagulat ba si Maine sa pagdating niya.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Panay lang ang tawa ni Maine at sinabing: "Hindi ako na-orient!"

Tinukso rin ni Lola Tidora (Paolo Ballesteros) si Maine na hindi ito makatingin nang diretso kay Alden.

Kaya sinabihan sila ni Lola Tinidora na magtinginan sila, pero hindi makatagal si Maine na nakatitig kay Alden.

Tinanong naman ni Allan K, na nasa studio, kung nasorpresa si Maine sa pagdating ni Alden.

Sagot ni Maine: "Nagulat po ako, sobra."

Kinilig lalo ang lahat nang sabay ulit mag-Dubsmash sina Alden at Maine; habang si Maine ay panay ang pabebe kay Alden.



WEEKSARY MESSAGE. Dahil nga 15th weeksary nila ngayong araw, hiningan ni Lola Tidora sina Alden at Maine ng mensahe para sa isa't isa.

Alden: "Maine, happy 15th weeksary. Sana magtuluy-tuloy na 'to sa forever."

Maine: (pabebeng boses) "Alden, happy 15th weeksary. Thank you sa surprise, ha. Na-surprise ako talaga."

Dagdag pa ni Maine, sa tonong seryoso, "Sana magtuluy-tuloy na 'to forever...

"Thank you sa surprise, nagulat ako na nandito ka. And siyempre, happy ako...

"Sana magtagal pa... magtagal ang AlDub, magtagal pa tayo."

Sagot naman ni Alden, "Promise," sabay pinky swear kay Maine.

Sundot namang tanong ni Tinidora: "Papaano kung dumating ang panahon na isa sa inyo magbago?"

Matagal bago nakasagot sina Alden at Maine.

Pero pagkatapos ng ilang sandali ay sumagot si Alden at sinabing, "Siguro wala pong magbabago sa amin kasi..."

Singit ni Joey, "Hindi, Alden, tuturuan kita ng magandang sagot: 'Magbabago lang sa 'yo apelyido mo.'"

Sabi naman ni Maine, "Apelyido ko po yata magbabago."

Pero seryosong sagot ni Alden sa tanong: "Siguro po lahat magbabago, pero kami hindi."

Tanong ni Joey kay Maine: "Kung magbabago ang apelyido mo, anong apelyido ang gusto mo?"

Susog naman ni Senator Tito Sotto: "Mamili ka, Richards o Faulkerson?"

Richard Faulkerson Jr. ang tunay na pangalan ni Alden.

Sagot ni Maine, "Kung ano po ang mas bagay..." At saka sinundan ng "E, di siyempre yung totoo!"

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Sambit ulit ni Tito: "Nicomaine Faulkerson... maganda tunog, a!"

Nicomaine Dei Mendoza ang tunay na pangalan ni Maine.

LOLA NIDORA'S REMINDER. Pero may paalala si Lola Nidora kina Alden at Maine: "Mabuti na rin 'yang magkakilala kayong mabuti bago 'yang palitan ng mga apelyido, na nakakakilig naman sobra.

"Magandang maging magkaibigan muna kayo. Diyan nagsisimula ang matibay na pag-iibigan.

"Maging magkaibigan para sa matibay na pag-iibigan."

Nagpasalamat naman sina Alden at Maine kay Lola Nidora.

Dagdag pa ni Alden, 'Huwag po kayong mag-alala, Lola, lagi po naming isasapuso ang mga payo niyo sa amin since the beginning of time. Maraming-maraming salamat po."

Pinasalamatan din nina Alden at Maine ang AlDub Nation dahil nakaabot na sila ng 15th weeksary.

Sambit pa ni Alden, "Tuluy-tuloy na ang forever!"

Hanggang sa huling sandali ng Kalyeserye kanina ay pinakilig nina Alden at Maine ang mga manonood.

Nang tumunog ang busina, bilang hudyat ng pagtatapos ng Kalyeserye, ay niyakap nina Alden at Maine ang isa't isa para ganun ang maging posisyon nila habang naka-freeze.


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN