Nora Aunor proud of Alden Richards’s success: “Ang wish ko lang, huwag ikakalaki ng ulo.”

Noon pa man daw ay nakitaan na ng Superstar na si Nora Aunor ng galing bilang artista si Alden Richards nang makasama niya ito sa isang short film. Masaya raw si Nora sa tagumpay nito ngayon at hiling lang niya na sana ay huwag lumaki ang ulo ng Kapuso actor.


Halata sa tono ng pananalita ng Superstar na si Nora Aunor ang galak sa tinatamasang kasikatan ng anak-anakan niyang si Alden Richards.

Pahayag ni Ate Guy, “Natutuwa naman po ako sapagkat nakikita ng tao yung kanyang mga pinaghirapan upang maging magaling na artista.

"At mas makikita pa nila yun pag magtagal. At natutuwa naman po ako dun.

"Sana po ay anuman yung mga nararanasan niya na gusto siya ng mga tao na huwag sanang… ang wish ko lang, huwag iaakyat… huwag ikakalaki ng ulo.

“Pero alam ko naman na sa bait ni Alden, hindi mangyayari yun.”

Nagkasama ang Superstar at ang tinaguriang Pambansang Bae ngayon na si Alden sa isang short film noong 2014, ang Kinabukasan.

Read: Alden Richards works with Nora Aunor for short film titled Kinabukasan

Hindi pa masyadong sikat noon ang Kapuso star.

Pagkatapos ang lagpas isang taon, naging phenomenal ang pangalan ni Alden nang mabuo ang tambalang AlDub nila ni Maine Mendoza, a.k.a. Yaya Dub, sa "Kalyeserye" ng Eat Bulaga.

Aminado mang hindi nakakanood si Nora ng anumang episode ng "Kalyeserye" ay may mga nagpaparating naman daw sa kanya tungkol dito.

Nitong nakaraang Sabado, November 7, ginaya nina Alden at Maine ang sikat na tambalan nina Nora at Tirso Cruz III noong '70s na Guy and Pip. Pero hindi rin daw ito napanood ng beteranang aktres.

Read: Are Maine Mendoza and Alden Richards the new Guy and Pip?

Gusto rin ba niyang makilala si Maine?

Mabilis na sagot ni Nora, “Bakit hindi, bakit hindi?”

Ano naman ang masasabi ng Superstar na inihalintulad sa kanyang phenomenal success ang kasikatan na tinatamasa ngayon ni Maine?

Saad niya, “Alam mo, mahirap magsalita kung ako ang tatanungin niyo.

"Yung mga tao na lang ang tanungin niyo pagdating doon sa ganun kasi napakaano naman kung ako ang sasagot."

Nakausap ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) at ilang media si Nora sa grand presscon ng upcoming primetime series ng GMA Network na Little Nanay, nitong Martes ng gabi, November 10.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Ginanap ang presscon sa Studio 6 ng GMA Annex Building sa may Quezon City.


IMPERSONATING THE SUPERSTAR. Dito na rin nabuksan ang usaping may mga ayaw rin palang klase ng panggagaya sa kanya si Nora.

Saad niya, “Minsan nanonood ako ng mga impersonator… may mga napapanood akong nanggagaya sa akin…

"Minsan naiinis ako kasi minsan nagiging OA yung pag-ano, e, yung pag-impersonate sa akin.

“Hindi na maganda.

"Sa kanila kasi, ginagaya nila ng kahit na… kasi gusto nila matuwa yung tao, makapagbigay ng entertainment sa tao, pero minsan hindi maganda para sa ginagaya.

"Kasi hindi naman ako ganun, e."

LOLAY ANNIE BATONGBUHAY. Sa Little Nanay, gagampanan ni Nora ang role ni Lolay Annie Batongbuhay, ang lola ng karakter ni Kris Bernal na si Tinay.

Sabi ni Nora, maraming kapupulutang aral ang mga manonood sa kanilang show dahil tinatalakay nito ang isang sensitibong kalagayan ng isang babae, ang mga problema ng pamilya, ng magkakapitbahay, at magkakaibigan.

Magsisimula na sa November 16 ang Little Nanay, na mapapanood pagkatapos ng 24 Oras.

Bukod kina Nora at Kris, makakasama rin sa show sina Eddie Garcia, Bembol Roco, Gladys Reyes, Keempee de Leon, Paolo Contis, Mark Herras, Juancho Triviño, Hiro Peralta, Chlaui Malayao, Renz Fernandez, Jinri Park, Rafa Siguion-Reyna, Winwyn Marquez, at Sunshine Dizon.

Ito ay mula sa direksiyon ni Ricky Davao.


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN