PEP EXCLUSIVE. Dingdong Dantes gives update on wife Marian Rivera's condition after giving birth

Dingdong Dantes on being a father: “Ano siya… talagang magkakaroon ka ng bagong chapter sa buhay mo. Ako, nagsimula na yun noong oras na makita ko siya at marinig ko siyang umiyak.”


Ikinuwento ni Dingdong Dantes sa PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) ang mga kaganapan mula sa pagli-labor hanggang sa pangananak ng misis niyang si Marian Rivera sa una nilang anak na si Maria Letizia Gracia Dantes.

Isinilang ni Marian ang panganay na anak nila ni Dingdong noong Lunes, November 23.

Read: Marian Rivera and Dingdong Dantes welcome their first child, Maria Letizia

Nalaman namin mula kay Dingdong na pinili nilang makasama agad si Maria Letizia sa kuwarto ni Marian sa Makati Medical City sa halip na sa Nursery Room muna katulad ng ibang bagong panganak na sanggol.

Totoo bang halos isang buong araw nag-labor si Marian?

Ayon kay Dingdong, “Sabihin na lang nating matagal. Matagal talaga.

“And, yes, nandun ako sa tabi niya the whole time.”

May pakiramdam ba si Dingdong na parang siya ang manganganak habang nakikita ang pagli-labor ni Marian?

Nakangiting sagot ng aktor, “Hindi, hindi... ni wala sa kalingkingan na maiintindihan mo ang nararamdaman o sakit na pinagdadaanan nila.

“So, ang pinaka… the most that you can do na lang is to really be there for them, especially for mothers na nagli-labor.

“Kakaibang pagkabilib ang natuklasan ko, lalung-lalo na sa mga pagkakataon na ganun.”

Nangiti si Dingdong nang tanungin ng PEP kung hindi ba siya napaiyak nang makita niyang lumabas na ang kanilang anak.

“Gaya nga ng sabi ko, mas naka-focus ako sa safety ng dalawa [Marian and Maria Letizia] over kung anuman ang magiging emotion ko.

“Siyempre, sariling moment ko na yun kung meron man.

“But ang mahalaga nung time na yun, ang kaligtasan ng dalawa.

“And nagpapasalamat kami sa mga doctors na nandun that the two were okay under their supervision.”

Eksklusibong nakausap ng PEP si Dingdong sa turnover at pagpapahayag ng suporta ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP) sa #nowph campaign ng National Youth Commission, kunsaan si Dingdong ang tumatayong commissioner-at-large.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Ito ay ginanap sa Manila Polo Club nitong Martes, November 24.

DINGDONG IS NOW A FATHER. Bilang isang aktor at maging sa mga adbokasiya niya ay marami nang natanggap na awards at recognitions si Dingdong.

Pero hindi raw nito mapapantayan ang pagsilang ng kanyang anak at pagiging ganap niyang ama.

“Hindi talaga, ni hindi mo siya maikukumpara.

“Ano siya… talagang magkakaroon ka ng bagong chapter sa buhay mo.

“Ako, nagsimula na yun noong oras na makita ko siya at marinig ko siyang umiyak.”

Ano ang nabago agad sa kanya ngayong ama na siya?

Saad ni Dingdong, “Siyempre nag-flashback agad yung sa akin. Na ganito rin pala ako noong ipinanganak ako.

“It will make you appreciate life more dahil hindi mo naman naranasan o naaalala yun noong ikaw ang lumabas, when I was in that position.

“Ngayon, parang alam ko yung exactly na pinagdaanan natin... yun talaga is a really miracle in itself, unfolding in your own two eyes.”

Magiging spoiler o disciplinarian kaya siya kay Maria Letizia?

“Masyado pang maaga para sabihin yun!” natawang sagot ni Dingdong.

Sa kanila ni Marian, sino kaya ang magiging mas spoiler?

“Masyado pang maaga, hindi ko pa masabi!” ulit niya.

HOW IS MARIAN? Kinumusta rin namin kay Dingdong ang kundisyon ngayon ni Marian matapos nitong manganak.

Ayon sa Kapuso Primetime King, “Okey siya, nagre-recover siya ngayon at ang focus ng lahat ay sa kanyang fast recovery.”

Dahil normal ang naging delivery ni Marian at gising ito habang nanganganak, ano ang naging reaksiyon ng aktres nang masilayan na ang anak nila?

Ayon kay Dingdong, “Okay, siyempre hindi ko naman puwedeng maipaliwanag through words.

“Mahirap talagang masabi and put in a sentence.

“Siguro kahit yung pinakamagaling na writer na nandun, hindi niya maa-articulate kung ano ang naramdaman namin noong panahong yun.”

Kailan naman kaya nila ibabahagi ang buong larawan ng kanilang anak?

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Sabi ni Dingdong, “Well, I don’t think na kailangang planuhin.

“Gaya nga ng sabi ko, may tamang pagkakataon.

“So, kung naramdaman namin na okey yung chance, opportunity, probably in an event, family gathering, nandiyan naman ‘yan. So, yun.”

Kaugnay nito, may kumalat na litrato sa social media ng isang sangggol at sinasabing ito raw si Maria Letizia.

Marami ang naniwalang iyon nga ang anak nina Dingdong at Marian, pero napatunayang peke ang nasabing larawan at hindi ito si Maria Letizia.

May mensahe ba si Dingdong sa kumalat na pekeng larawan ng kanilang anak?

Aniya, “Wala naman, wala naman.

“Hindi lang naman kami ang Maria Letizia sa mundo.

“Yun lang, more than that, nakatuon ang aming pagpapasalamat sa lahat ng nagdasal na kasama namin.”

MARIA LETIZIA. Bukod sa pangalan ng lola ni Dingdong at tiyahin ni Marian, pareho raw kagustuhan ng mag-asawa na may pagka-classic ang pangalan ng kanilang anak.

Ano naman ang magiging palayaw o nickname ng baby nila?

Sabi ni Dingdong, “Marami, maraming palayaw, kanya-kanya ‘yan.

“We will have our own and puwede siyang bigyan ng palayaw ng kahit sino, hindi naman ipinagbabawal yun.

“Basta ang kanyang official at totoong pangalan ay Maria Letizia.”

Ayon rin kay Dingdong, mas malaki ang pagkakahawig ng anak kay Marian.

Ano naman ang nakuhang features ng bata sa kanya?

“Kayo na lang ang manghusga!” natawang sagot ng aktor.


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN