Vhong Navarro admits It’s Showtime ratings greatly affected by phenomenal success of Eat Bulaga’s AlDub

Pinabulaanan ni Vhong Navarro ang balitang hanggang February 2016 na lang diumano ang kanyang kinabibilang noontime show sa ABS-CBN na It’s Showtime. Wala pa naman daw sinasabi ang management sa kanila tungkol dito. Hindi rin niya alam ang napipintong reformat daw ng show nila na kadalasan ay nakapagtatala na lamang ng 1-digit rating kumpara sa kalaban nitong Eat Bulaga.


Aminado si Vhong Navarro na labis na naapektuhan ang kinabibilangan niyang noontime show sa ABS-CBN, ang It’s Showtime, dahil sa biglaang pagsikat ng tambalang AlDub nina Alden Richards at Maine Mendoza, na napapanood sa “Kalyeserye” ng katapat nilang programa sa GMA Network, ang Eat Bulaga.

Pahayag ng Kapamilya comedian-TV host, “Oo. Oo, naman. Hindi naman natin ikakaila yun.

“Sabi ko nga, kumbaga, that time, ang Eat Bulaga parang gumanun [taas-baba] sila, kami rin nararamdaman din namin ngayon yun.

“So far, may nagsabi rin kanina na unti-unti na kaming bumabalik, marami pong salamat.

"Dahil bumabalik sila ulit para panoorin kami."

Hulyo nitong taon nang aksidenteng nabuo ang tambalan ni Alden at ni Maine (Yaya Dub).

Mula nang sumikat ng AlDub, nahirapan ang It’s Showtime na makaungos sa ratings kumpara sa Eat Bulaga.

Ano ang naging vibes nila sa studio nang naramdaman nila ang pagkatalo sa kalaban?

Sabi ni Vhong, “Natatawa ako kasi para kaming hindi naapektuhan.

“Dapat kasi, sabi nga namin, ‘Panghawakan natin yung sinabi natin sa mga tao na paliligayahin natin sila kahit anong mangyari.’

“Kaya sabi nga namin, kahit isang tao lang nanonood sa atin, hindi tayo bibitaw. Kasi may nanonood pa rin sa atin, na meron pa ring nagbabayad ng kuryente.

“Na nagbibigay ng oras para panoorin tayo, bakit naman tayo hindi kikilos?

“Meron pa ring isang nanonood, ibigay natin, magpasaya pa rin tayo.”

Nakausap ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) at ilan pang media si Vhong sa grand presscon ng Buy Now, Die Later, ngayong Huwebes, December 3.

Ang Buy Now, Die Later ay entry ng Quantum Films sa 2015 Metro Manila Film Festival (MMFF).

Kasama ni Vhong sa pelikula sina Alex Gonzaga, Rayver Cruz, John 'Sweet’ Lapus, Lotlot de leon, TJ Trinidad, at introducing si Janine Gutierrez.

UNTIL FEBRUARY 2016? Dumating ba sa point na sinabihan sila ng management na kapag hindi umangat sa ratings ang It's Showtime ay tatanggalin na lang ito?

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Saad ni Vhong, “Yun nga kanina, may narinig akong nagsabi na hanggang February [na lang kami].

"Sabi ko, ‘Ako, hindi ko pa narinig na hanggang February na lang.

“Siguro naman, kung merong isyung ganun, siguro naman ipapaabot sa amin para naman naka-ready kami or ano pa ang puwede pa naming ibigay pa.

“Basta sabi ko nga, kung anuman yung dumating, kung anuman yung magiging desisyon ng management, hindi na natin kontrolado yun.

“Basta kami, hanggang nandito ang It’s Showtime, magbibigay kami ng saya sa kanilang lahat.”

Lumabas din ang balitang magri-reformat daw ang kanilang show para makasabay ito sa Eat Bulaga. Alam ba niya ito?

May halong birong sagot ni Vhong, "Parang may dinadagdag lang, hindi ko alam yung pagri-reformat. Sana kung mag-reformat man, sana kasama pa rin ako."

ROLLER-COASTER RIDE. Hindi rin ikinaila ni Vhong na isang roller-coaster ride ang nararanasan ng It’s Showtime ngayon.

“E, may time naman… ang Eat Bulaga naging ganun din naman.

"Alam naman din naman natin… from 30-plus years, alam naman natin ang inabot nila, yun talaga ang roller-coaster talaga.

“Kumbaga kami, baby pa lang yung roller-coaster namin kumpara sa inabot nila.

"At sinasabi namin, kami ni Jhong [Hillario], Streetboys kami, naging part kami ng Eat Bulaga.

"So, alam namin yung parang nakita namin ang konting pinagdaanan nila that time.

"Kaya po kami, ako, naging inspirasyon ko po sila dahil nanggaling din po ako dun."

Paano ba nila napapanatili ang mataas na morale sa show kahit na may dinadaanan silang pagsubok?

Saad ni Vhong, “Kasi solid kami, e. Sabi ko nga, yung nakikita niyo sa kamera na para kaming naglalaro, totoo yun.

“Naglalaro talaga kami kasi ini-enjoy lang namin yung trabaho namin.

"Kasi alam naman natin na minsan, ang trabaho, sakit ng ulo 'yan, e. Nakakatanda 'yan.

"Kaya kapag nagtatrabaho kami, ano lang tayo, magpasaya lang tayo.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

“Bakit naman natin poproblemahin ang magpasaya, e, gusto natin ‘to?

“Kumbaga, off-cam, yun din kami.

"Kaya para sa amin, ang pagkakaiba lang off-cam, on-cam, may nakabukas na kamera, may nanonood.

"Off-cam, kami-kami lang."

Sa ngayon, halos nagbalik na ang saya sa kanilang hosts ng It's Showtime dahil tumataas na raw muli ang kanilang ratings at bumabalik na raw ang kanilang regular viewers.

Sabi pa ni Vhong, “Depende kasi sa mga manonood e. Hindi naman po namin kontrolado sila, e.

"Ang sabi po namin, kung ano po ang maibigay namin sa kanila, mapapasaya sila o mapapaligaya sila, ibibigay po namin lahat."


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN