Susan Roces attests to German Moreno's selflessness

Susan Roces said German "Kuya Germs" Moreno never thought about talent fee or his exposure in a project. "Ang priority ni German, sa pagkakakilala ko kay German, ay kung ano ang makabubuti sa lahat," she said.


"Katulad ng lahat ng nasa movie industry, ako rin ay nalulungkot."

Ito ang pahayag ng beteranang aktres na si Susan Roces tungkol sa pagpanaw ng Master Showman na si German "Kuya Germs" Moreno.

Sa maiksing panayam ng media sa tinaguriang Reyna ng Pelikulang Pilipino, pinatotohanan niya ang kabutihan ni Kuya Germs, na kanyang kasabayan sa industriya ng showbiz.

"Sa mga pinagsamahan naming mga pelikula, ang hindi ko makakalimutan ay ang Dance-O-Rama [1963] dahil marami kaming dance numbers doon," simula ni Susan.

Dahil sa pagpanaw ni Kuya Germs, ayon kay Susan, "Nawalan tayo ng isang matalik na kaibigan; isang taong masyadong dedicated sa pelikula, sa stage shows, at sa lahat ng entertainment; naging magandang ehemplo kung papaano maging loyal ng isang tao."

"Hindi lamang sinukat ni German kung ano ang magiging talent fee niya, kung ano ang papuri na matatanggap, hindi.

"Ang priority ni German, sa pagkakakilala ko kay German, ay kung ano ang makabubuti sa lahat.

"Sa kapwa talent niya, marunong siyang mag-share, hindi siya madamot.

"Hindi niya sinusukat kung magkano ang ibabayad sa kanya para sa kanyang serbisyo basta matuloy ang show.

"Ang importante sa kanya ay magtanghal ng isang magandang programa saan mang larangan, sa stage show o sa TV.

"Noong nabago ang timeslot niya at naging Walang Tulugan, he took it with a good sense of humor.

"Siya pa ang nagbiro at naging Walang Tulugan."

Dahil sa mga naipakita ni Kuya Germ sa mga kapwa-artista, sabi ni Susan, "Talagang kahanga-hanga si German.

"Kailanman ay hindi namin siya makakalimutan. Mahal na mahal namin si German Moreno."


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN