Marian Rivera asks for compromise with GMA-7 in TV comeback

Marian Rivera on doing a daily talk show: "Ako na lang ang hinihintay nila. Medyo ano lang ako, unti-unti. Kasi, Sunday Pinasaya, tapos mag-e-Encantadia. Sabi ko nga, bigyan lang nila ako ng time na unti-unti, maano ko ang sarili ko. Separation anxiety ang tawag dito."


Pagkatapos ng tatlong buwang pamamahinga ay nagbabalik sa telebisyon ang Kapuso Primetime Queen na si Marian Rivera.

Nakalatag na ang mga proyektong gagawin niya sa kanyang home network, ang GMA-7.

Pahayag ni Marian sa PEP.ph (Philippine Entertainment Portal), “Nakakatuwa, ang sabi ko nga, ang GMA talaga ay nandiyan palagi sa akin para ibigay ang mga proyektong para sa akin.

“Actually, ang daming nakalatag na soap opera.

“Sa sobrang bait nila sa akin, parang gusto talaga nila, lumabas na ako sa primetime. Kasi, ang tagal ko nang wala.”

Ang huling teleserye ni Marian ay ang Carmela noon pang 2014.

Dapat sana ay siya rin ang bida sa 2015 primetime series na The Rich Man’s Daughter ngunit dahil sa maselang pagbubuntis niya sa kanilang unang anak ni Dingdong Dantes, ay pinalitan siya ni Rhian Ramos.

Patuloy ni Marian, “Pero talagang nakipag-compromise sila na, ‘Yan, baka puwede mong gawin ito.’

“Tapos meet halfway pa kami sa cut-off ko.

“Kaya sabi ko kay Dong, ‘Ano sa tingin mo?’

“Kaya nag-usap kaming mag-asawa na walang dahilan para tanggihan ko siya.

“Kasi, lahat ng hiling ko para maalagaan ko ang anak kong mabuti at nandiyan pa rin ako kay Zia, e, ibinigay nilang talaga.”

SPECIAL ROLE. Habang baby pa lang ang anak na si Maria Letizia ay tumanggi muna raw si Marian na gumawa ng teleserye.

Pero nakiusap ang pamunuan ng Kapuso network na tanggapin niya ang very special role na Ynang Reyna, ang reyna ng mga diwata sa kaharian ng Lireo, sa remake ng fantaseryeng Encantadia.

Si Dawn ang orihinal na gumanap na Ynang Reyna sa Encantadia noong 2005.

Sabi ni Marian, “Big project din ito ng GMA kaya walang dahilan para hindi ko rin sila suportahan sa kabaitan nila sa akin.”

Kung si Marian ang Ynang Reyna, sino naman ang gaganap na Raquim na unang ginampanan ni Richard Gomez?

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Sagot ng aktres, “Hintayin niyo na lang. Huwag na lang ako ang mag-announce, siya na lang. Baka may sarili rin siyang presscon.”

Hirit pa niya, “Hindi ko alam kung sino siya, chos!”

Ang mister ni Marian na si Dingdong ay naging bahagi ng orihinal na Encantadia, kung saan ginampanan nito ang papel na Ybarro/Ybrahim.

BACK TO SUNDAY PINASAYA. Sa Linggo, February 21, ay babalik na rin si Marian sa weekly comedy-variety noontime show na Sunday Pinasaya.

Pahayag niya, “Ayan, sabi ko nga, yung APT Family ko, sobrang kinu-consider din ang oras ko. 

“Every Saturday kailangan kong mag-rehearsal para sa Sunday Pinasaya.

“Yung oras ko, every two hours lang, after that, uwi na ako.

“Ganun lang talaga, rehearsal; Sunday Pinasaya, ang call time ko, nine o’clock.

“Pagkatapos naman nun, 2 P.M., e, diyan lang naman ang mommy ni Dong sa QC, iwan ko muna dun [si Baby Zia].

“Sobrang inayos namin, inareglo namin ang oras namin na literal, half-day lang akong mawawala.”

Kahit sobrang hands-on si Marian bilang isang ina, wala raw siyang planong isama ang anak sa trabaho.

“Hindi, e, kasi noong isinama ko nga siya, naawa ako pag-uwi, parang latang-lata.

“So, sa bahay na lang, maalagaan siya ng mga lola niya. Mama ni Dong at saka mommy ko.”

Bukod sa Sunday Pinasaya at guest role sa Encantadia, isang daily talk show rin ang nakatakdang gawin ni Marian.

May nabalitaan kami kung ano ang magiging tema ng daily talk show ni Marian, pero hihintayin naming manggaling ito mismo sa network.

Nang matanong si Marian kung may pine-peg ba siya sa gagawing talk show, sagot niya, “Wala, as is lang. Kung ano ako sa sarili ko, yun ako.

“Mas mahirap pa yung may pine-peg ka, e. Mas maganda yung totoo lang, natural, at walang ginagaya.”

Kung kailan daw magiging okey si Marian saka sisimulan ang daily talk show niya sa GMA-7.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

“Ako na lang ang hinihintay nila. Medyo ano lang ako, unti-unti.

“Kasi, Sunday Pinasaya, tapos mag-e-Encantadia

“Sabi ko nga, bigyan lang nila ako ng time na unti-unti, maano ko ang sarili ko.

“Separation anxiety ang tawag dito,” nakangiti niyang sabi.


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN