Nakilala raw ni Vice Ganda kung sino ang kanyang mga tunay na kaibigan bago matapos ang 2015 at sa pagpasok ng 2016.
Sa episode ng Gandang Gabi Vice ng ABS-CBN noong Linggo, February 20, nagsalita si Vice tungkol sa pinagdaanan niya noong Christmas season.
Guests niya sa naturang episode sina Ethel Booba, MC, at Lassy—tatlo sa pinakamalapit niyang kaibigan sa showbiz.
Inilahad ni Vice na dahil sa isyung kinasangkutan niya noong Christmas season, nawalan siya ng maraming kaibigan.
“Itong bago matapos ang taon [2015] at hanggang pagpasok ng taon [2016], lalo kong na-realize kung sino ang mga mahahalagang kaibigan ko.
“Yung mga totoo... kasi, di ba, nung pumasok ako sa showbiz, nung nagkaroon ako ng maraming blessings, nung umayos yung alagwa ng karera ko, ang dami kong kaibigan.
“Tapos nung nagkaroon ng konting aberya, ang daming nawala na akala nila mawawala na rin ako.”
Dugtong ni Vice, “Di ba, alam niyo naman ang pinagdaanan ko bago matapos ang taon?
“Pinagtulung-tulungan ako, nakakaloka.”
Hindi tinukoy ni Vice ang kinasangkutan niyang isyu, pero noong November 2015, naiulat dito sa PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) ang tungkol sa tweets ni Vice kung saan sinabihan niya ang kanyang bashers na itigil na ang pamba-bash sa kanya.
Read: Vice Ganda tells his bashers: 'Don't waste your time to bash me.'
October 2015 naman nang naging kontrobersiyal ang statement ni Vice na hindi matatalo ng It's Showtime ang kalabang programa nila sa GMA Network, ang Eat Bulaga!, na umalagwa nang husto ang ratings noong mga panahong iyon dahil sa tagumpay ng AlDub.
Read: It's Showtime host Vice Ganda concedes defeat to Eat Bulaga: “Hindi namin matatalo 'yan.”
Pero dahil sa karanasang iyon, na-realize daw ni Vice ang mga taong hindi nang-iwan sa kanya.
“Tapos dun ko nalaman kung sino ang totoo.
“Tapos nung mga panahong iyon, hindi ko kailangang ipagtanggol ang sarili ko dahil may mga totoong nagtatanggol sa akin, yung mga nakakakilala sa akin, nakakaalam ng totoong-totoo.”
Sa puntong iyon, pinasalamatan ni Vice ang tatlong kaibigan niya, gayundin ang kanyang mga tagasuporta.
“Kayo yung mga kaibigan na di ko alam ang pangalan, tahimik lang kayo, pero alam niyo kung paano ako susuportahan.
“Kayo yung mga taong kaibigan ko nang lihim na alam na alam kung paano ako itataas sa pagkakataong ang daming nagbababa sa akin.
“Sobra kong na-realize ang value ng family at ang value ng real friends.”