Pokwang not bothered by being compared with Ai-Ai delas Alas

"Alam niyo, kahit wala na siya dito or ano, yung mga tao ang nagbigay sa kanya ng pagiging Comedy Queen. Ibigay na natin sa kanya yun," Pokwang said about Ai-Ai delas Alas.


Halatang ayaw ni Pokwang na magkaroon ng isyu sa itinuturing na Comedy Queen na si Ai-Ai delas Alas. 

Napakaingat nito sa pagsagot at talagang hangga’t kaya niyang iwasan, iniiwasan na lang niya na sagutin o magkaroon ng isyu sa pagitan nila ni Ai-Ai.

Sa ginanap na presscon ng We Will Survive, ang pre-primetime teleserye nina Pokwang at Melai Cantiveros sa 9501 Restaurant kahapon, February 24, pilit ngang pinagre-react si Pokwang na sa pag-alis daw ni Ai-Ai sa bakuran ng Kapamilya network, siya na ang puwedeng ituring na bagong Comedy Queen ng ABS-CBN.

Ayon kay Pokwang, “Alam niyo, kahit wala na siya dito or ano, yung mga tao ang nagbigay sa kanya ng pagiging Comedy Queen. Ibigay na natin sa kanya yun.

“Kagaya ng sinabi ko, ako, masaya ‘ko na marami ‘kong trabaho, hanggang doon na lang po yun.”

Pero nanggagaling ang pagbibigay sa kanya ng titulong bagong Comedy Queen daw ng network dahil sa pag-alis na nga ni Ai-Ai.

Mabilis na sagot naman ni Pokwang, “Ay, hindi naman siguro.”

Paano kung ganun na nga?

“Hindi ko iniisip, ayoko, pressure ‘yan,” natawa niyang sabi.

Dugtong pa niya, “Hay naku, hayaan na lang natin. Basta ako, thankful ako, maraming trabaho.”

Parang bina-block ba niya ang ideya sa sarili mismo?

“No, no, hindi ko siya bina-block. Never na pumasok sa isip ko na someday, magiging kagaya niya ‘ko or ano, pero siyempre, maganda rin sa bawat tao na may pangarap ka sa buhay, may goal ka sa buhay.

“Pero ngayon, feeling ko, napaka-blessed ko na, okey na ‘ko.”

PRESSURE TO BE SEXY? Ang Pasion de Amor ang papalitan ng We Will Survive sa time-slot simula sa Lunes, February 29.

May pressure talaga siyang nararamdaman lalo na’t seksi-seksihan ang temang papalitan nila?

“Hello! Sexy rin naman kami, ah! Hindi lang halata. Hello, my God!,” natawang sabi niya.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

“Pero siyempre, oo naman, kahit ano namang ginagawa, may pressure talaga.”

NEVER MINDING INTRIGUES. Ano ang mga mako-consider niya na matitinding intriga sa career niya na nalampasan na niya?

“Marami ring intriga—well, siyempre, noong nawala ang noontime [show] namin, yung  Wowowee, siyempre, ang laking ano rin sa akin nun.  Siyempre, alam niyo naman, I love hosting, I love doing live na show.

“Pero sa ngayon, hindi rin naman ako nalulungkot dahil ang ganda ng mga ibinibigay nila sa akin.”

Kung titingnan nga siya, ang laki ng tiwala sa kanya ng network, hindi lamang bilang isang komedyante kung hindi maging isang dramatic actress.

“Oo nga, e. Kasi, nakikita ko naman yung istorya ng proyekto, ang ganda rin. Sayang naman kung pababayaan mo at hindi mo bibigyan ng atensiyon, ‘di ba?”

WORKING WITH MELAI. Unang pagkakataon nga na magkasama sila ni Melai sa isang proyekto.

Kumusta naman itong katrabaho?

“Hayan, baliw. Kita niyo naman, ‘di ba?  Bilang nakatatanda ako sa kanya, pero, may nakukuha pa rin ako sa kanyang inspirasyon. Tulad ng pagdating sa love life, sa kanya, saan mo nakukuha ang mga sinasabi mo, yun, ganun.”

Aminado si Pokwang na matagal na raw niyang gustong makasama si Melai.

Sabi nga niya, “Sa loob pa lang ng PBB ‘yan, maniwala kayo sa hindi, binoboto ko ‘yan.  Kami ng mga yaya ko sa bahay.  Very inspiring din kasi ang buhay ng isang ‘yan.

“At saka alam niyo, kapag nangangarap ang isang tao, huwag nating pipigilan.  Wala tayong karapatang pigilan ang gusto niya sa buhay.”

POKWANG'S LOVE LIFE. Pagdating sa lovelife, masaya pa rin nga si Pokwang sa piling ng American boyfriend na si Lee O’ Brien.

May proposal na ba?

“Wala, wala pa, darating din tayo riyan.”

Kumusta sila?

“Well, masaya kami. Suportahan kami sa isa’t isa. Napapasaya ko siya at napapasaya niya ‘ko, that’s it.  Natatanggal ang mga pagod namin sa isa’t isa.”

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Wala pa ba silang planong mag-baby?

“Hindi na muna, trabaho muna kasi, kawawa rin ang mga katrabaho ko.”


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN