Gladys Reyes pissed off at BIR for freezing her bank accounts

Actress Gladys Reyes on BIR's decision to freeze her bank accounts: "May hawak kaming katibayan na matagal nang settled ito kaya sana wala ng delaying tactics. Paano naman yung mga obligasyon na kailangan ko rin i-settle? Paano yung mga penalties kung patatagalin pa nilang i-freeze ang account na wala naman akong kasalanan?"


Ayaw magsalita ng aktres na si Gladys Reyes tungkol sa kumalat na isyung nagkaproblema diumano siya sa Bureau of Internal Revenue (BIR).

Pero hindi niya itinangging apektado siya sa pagkukulang na ginawa sa kanya ng ilang kawani ng BIR.

Napag-alaman ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) na na-freeze ang limang bank accounts ni Gladys dahil sa problema niya sa BIR.

Ito ay dahil hindi pa raw nase-settle ng aktres ang dapat niyang bayaran.

Mayroon palang sinisingil ang BIR kay Gladys ilang taon na ang nakararaan at lagi raw siyang pinapadalhan ng notice.

Ang notice ay ipinapadala sa address ng dating tanggapan kung saan nakatira ang personal assistant ng aktres.

Hindi raw ito nakakarating kay Gladys, pero alam naman daw ng aktres na may dapat siyang bayaran sa BIR dahil naa-update ito ng accountant niya.

Binayaran daw nila ito at agad at tiniyak ni Gladys na wala siyang pagkukulang sa BIR.

Ngunit sa kabila nito, panay pa rin ang padala ng notice na hindi naman nakakarating kay Gladys.

FREEZE ACCOUNTS. Hanggang nung nakaraang linggo lang ay naglabas ng order ang BIR na ipa-freeze ang bank accounts ni Gladys.           

Nagbabakasyon sa Bohol noong nakaraang linggo si Gladys at ang asawa nitong si Christopher Roxas nang ibinalita sa aktres ang pagpi-freeze sa limang accounts niya.

Galit si Gladys sa nangyari kaya ipinaayos niya ito agad sa accountant niya.

Nilinaw naman ito ng accountant ni Gladys sa mga taga-BIR.

Napatunayang matagal nang bayad ng aktres ang sinisingil nila, pero hindi lang nai-post agad ng BIR sa kanilang record.

Nag-sorry naman daw ang BIR kay Gladys dahil sa kanilang kapalpakan.

Aayusin daw nilang ma-lift agad ang garnishment para hindi na naka-freeze ang bank accounts ng aktres.

Sinubukan ng PEP na hingan ng pahayag si Gladys tungkol dito, pero tumanggi itong magsalita at magbigay ng buong detalye ng pangyayari.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

“Ang focus ko lang po muna ngayon na ma-lift na ang pagka-freeze para magamit ko naman ang matagal ko nang pinag-ipunan,” text nito sa amin.

Pero hanggang sa ngayon ay hindi pa rin nali-lift ang order ng BIR sa bangko, kaya frozen pa rin ang bank accounts niya, na lalong ikinalungkot ni Gladys.

May mga kumukumbinsi kay Gladys na magsampa ng legal na aksyon laban sa ilang taga-BIR, pero wala pa raw muna ito sa isip niya ngayon.

Gusto lang sana niyang maayos na ito ng BIR sa lalong madaling panahon.

Text ni Gladys sa PEP: “Nakakalungkot lang naman dahil working mom lang po ako, nagbabayad naman nang tama.

“Sana maayos naman po nila ito.

“Wala naman akong inaagrabyado. In good faith akong nagtatrabaho.

“May hawak kaming katibayan na matagal nang settled ito kaya sana wala ng delaying tactics.

“Paano naman yung mga obligasyon na kailangan ko rin i-settle?

“Paano yung mga penalties kung patatagalin pa nilang i-freeze ang account na wala naman akong kasalanan?”


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN