Alden Richards to star in Pinoy version of My Love From The Star?

Isiniwalat ng direktor na si Joyce Bernal na ang susunod niyang teleserye sa GMA Network ay pagbibidahan ni Alden Richards at "Korean inspired" daw ang tema nito. Kaya naman may mga humuhulang si Alden ang gaganap na Matteo Do sa Pinoy version ng hit Koreanovela na My Love From The Star.


Isiniwalat ng direktor na si Joyce Bernal na si Alden Richards ang bida sa teleseryeng gagawin niya sa GMA Network pagkatapos ng That's My Amboy nina Barbie Forteza at Andre Paras.

Ito ang magsisilbing ikatlong beses na makakatrabaho ng direktora ang Pambansang Bae.

Una ay sa 2013 movie na 10,000 Hours at sa Eat Bulaga! Lenten special na God Gave Me You.

Pahayag ni Direk Joyce sa PEP.ph (Philippine Entertainment Portal), “Kasama ko si Alden sa 10,000 Hours, although flashback siya dun.

“I really want to work with Alden, matagal na, bago pa man siya sumikat.

“After ko siyang makasama sa 10,000 Hours, sabi ko, isa siya sa gusto kong makatrabaho.”

Excited na rin daw si Direk Joyce sa proyektong gagawin niya dahil "Korean-inspired" ito.

Hindi man binanggit ni Direk Joyce ang titulo ng "Korean-inspired" na project na ito, napabalita na noong mga nakaraang linggo na nakuha ng Kapuso network ang rights para sa Pinoy version ng hit 2014 Koreanovela na My Love From The Star.

Pinagbidahan ito ng Korean superstars na sina Kim Soo Hyun at Jun Ji Hyun, at ipinalabas din sa GMA-7.

Kaya malaki ang posibilidad na si Alden ang gumanap bilang si Matteo Do.

Nang tanungin kung si Maine Mendoza ba ang makakapareha ni Alden at posibleng gumanap bilang Steffi Cheon, sagot ni Direk Joyce: “Ang alam ko si Alden, pero di ko alam kung si Maine.

“Ang alam ko siya [Alden], siya ang sinabi sa akin.”

Pero gusto rin daw ni Direk Joyce na makatrabaho ulit si Maine.

“Si Maine, yeah with Alden, kasi may chemistry sila, e.”

May nararamdaman na ba siyang pressure sa kanyang susunod na TV project?

Sagot ni Direk Joyce, “Pressure? Siguro pagdating ko na lang dun saka ko iisipin 'yan, pero sa ngayon excited lang.”


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN