Bayani Agbayani hoping for Sen. Jinggoy Estrada's release when Duterte assumes presidency

Bayani Agbayani is hoping that his friends Senators Jinggoy Estrada and Bong Revilla will be released after President-elect Rodrigo Duterte assumes office. Bayani says, "Kasi sumuporta naman sila kay Digong. At pinangakuan sila… ewan ko nga kung dapat kong sabihin 'to, parang sabi nga raw, 'Ano pa ang ginagawa niyo diyan pag-upo ko?' Sana naman magkatotoo."


Umaasa si Bayani Agbayani na sa pagpapalit ng administrasyon at sa pag-upo ng sinuportahan niyang si President-elect Rodrigo Duterte ay makalaya na rin ang kaibigan niyang si Senator Jinggoy Estrada.

Kasalukuyang naka-detain si Senator Jinggoy, kasama ang kapwa senador at aktor na si Bong Revilla, sa PNP Custodial Center sa loob ng Camp Crame, dahil sa kinahaharap nilang kaso ng plunder at graft kaugnay ng pagkakasangkot diumano nila sa pork barrel scam.

Pahayag ng comedian, “A, oo, kasi sumuporta naman sila kay Digong.

“At pinangakuan sila… ewan ko nga kung dapat kong sabihin ‘to, parang sabi nga raw, ‘Ano pa ang ginagawa niyo diyan pag-upo ko?’

“Sana naman magkatotoo.”

Nakausap ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) si Bayani sa press preview ng pelikulang kinabibilangan niya, Ang Tatay Kong Sexy, na ginanap sa Gateway Cinema noong Biyernes, May 27.

Bida sa pelikula sina Senator Jinggoy at Maja Salvador, na parehong hindi nakadalo sa special preview.

CHRISTMAS WITH JINGGOY & BONG. Ayon kay Bayani, dalawang taon na siyang nagpa-Pasko kasama sina Jinggoy at Bong sa Camp Crame.

“Sabi ko nga, ‘Sana naman wala nang Christmas tayo na pupuntahan dito. Sana sa susunod, sa labas na tayo.’

“Pero at least, sabi ko sa kanila ni Kuya Bong, ‘Sana yung unang Christmas eve na wala kayo rito sa Crame, magkasama kayo sa labas para mas masaya.’”

Dagdag pa ni Bayani, matagal na silang magkaibigan ni Jinggoy. 

Kuwento niya, “Alam niyo dati, hindi ko naman kaibigan si Senator Jinggoy. 

“Noong dati, sa Veterans, isinama ako ni Tita A [Aster Amoyo], nakita ko na ganito pala talaga ang buhay kapag nakakulong.

“So, ang ginagawa ko, pagkatapos ng noontime show ko, pumupunta-punta ako sa Veterans, araw-araw.

“Tapos may isang Christmas eve na sinabi ko sa asawa ko, 'Puntahan natin si Kuya Jinggoy, doon tayo mag-Noche Buena, sa Veterans.'

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

“Noong nakaalis na siya [Jinggoy] sa Veterans, hindi na ako nagpapakita, hinanap niya ako. 

“Sabi niya, ‘Bakit hindi ka na nagpapakita sa akin?’

“Sabi ko, ‘Masaya ka na.’ Kaya lang naman ako nagpapakita noon… 

“Ako kasi, kapag malungkot ang kaibigan, saka ako nandoon.

“Siguro ang tawag sa akin, martyr, ganun. 

“Tapos sabi niya, 'Dito ka na mag-Christmas eve sa bahay namin, sama mo ang buong pamilya mo.'”

May walong taon na raw sigurong kasama niya at ng kanyang pamilya si Jinggoy tuwing Christmas eve.

“Talagang every Christmas, hanggang doon sa Crame.

“Pero sabi ko sa kanya, sana next Christmas, hindi naman dito.

“Kasi kapag dalawang Christmas eve na, nakakalungkot.”

Biniro naman ng press si Bayani na nakakatipid naman pala silang pamilya tuwing Pasko.

“Oo, nakakatipid, masarap ang pagkain, Christmas, e,” birong pagsang-ayon din niya.

May pakimkim ba sa kanila ang senador?

“A, hindi, ako na ang nagbibigay sa kanila. Wala na silang mga pera, e!” hirit ni Bayani.

LOYALTY. Paano naman sinusuklian ng senador ang tapat na pakikipagkaibigan niya rito?

Pahayag ni Bayani, “Si Kuya Jinggoy, minsan nga nagugulat ang iba, kasi kahit kailan ko tawagan, sinasagot niya. 

“Sabi niya, ‘4 A.M. ngayon.’ Sabi ko, ‘Nasaan ka ba?’ ‘Nandito ako sa Amerika.’

“Sabi ko, ‘Bakit mo sinagot?’ ‘Tumawag ka.’ Imagine mo, 4 A.M., sinasagot.”

May mga pabor na rin ba siyang nailalapit sa senador na hindi napagbigyan?

“Wala,” mabilis niyang sagot.

Birong hirit pa niya, “Minsan nga ako pa nagbibigay ng tulong diyan. Kapag nagigipit siya. 

“E, palagi talaga akong maraming pera.”

Patuloy ni Bayani, “Pero alam niyo, ang kaibigan, kapag nakita talaga ang totoong intensiyon, bukod sa pagiging magkaibigan niyo, doon ka mamahalin ng kaibigan mo.

“Kasi alam mo, yung mga nasa politics at sikat na artista, ‘yan ang maraming mga kaibigan kapag sikat.

“Kaya nga sabi ko sa ‘yo, noong lumaya na siya, hindi na niya ako nakita.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

“Kasi masaya na siya, pero hinanap pa niya ako.”

Mas masakit daw para sa isang kaibigang tulad niya na makitang lumaya na ito noon at makulong na naman ngayon.

“Imagine, akala mo okey na. Lumaya na siya tapos meron na naman.

“E, kasi, nag-declare agad siya na tatakbo siyang vice president, ayun. 

“Kaya ang galing talaga ni Duterte!” natawang sabi niya.

DUTERTE SUPPORTER. Patunay na solid supporter ni incoming President Duterte si Bayani, kahit tapos na ang kampanya ay suot pa rin niya ang baller nito.

Nalaman din namin kay Bayani na isa siya sa maghu-host sa thanksgiving party ni Duterte sa Davao City sa darating na Sabado, June 4.

Kung sakali, may gusto ba siyang hinging posisyon sa gobyerno rito?

“Wala, ang gusto ko lang yung vision niya na ilagay yung criminal…

“Alam niyo, ang nangyayari ngayon sa Davao, habang nag-uusap tayo, pinapatay na ang mga pushers. 

“Merong isang sabog, sabog na sabog siya ng drugs, nagtago siya sa Department of Health, kasi may humahanap na sa kanya.

“Sumuko na siya at hindi na raw siya magsa-shabu kahit kailan.”

TITA ANGGE. Kinumusta rin ng PEP kay Bayani ang kalagayan ng dati niyang manager na si Cornelia “Angge” Lee, na comatose pa rin hanggang ngayon.

Saad niya, “Sobrang lungkot. Alam mo, pinuntahan ko na agad sa hospital, pinuntahan ko rin sa bahay niya. 

“Tulog pa rin siya. Hindi pa rin siya dumidilat. Machine pa rin.

“Two months na alam ko.”

Nagre-respond ba ito kapag may kumakausap?

“Well, ang sabi sa akin nung kinamusta ko sa anak niyang panganay, gumagalaw-galaw na raw. 

“Awa ng Diyos... wala namang imposible sa panalangin.”


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN