(UPDATED) Dick Israel remains will be cremated on Tuesday, October 18

IMAGE Arniel C. Serato

Nakatakdang i-cremate ang mga labi ng namayapang aktor na si Dick Israel sa October 18. Nagpapasalamat ang buong pamilya sa lahat ng nakisimpatiya at nakikiramay sa kanilang pagdadalamhati.


Sa Tuesday, October 18, na ang cremation para sa mga labi ng namayapang aktor na si Dick Israel o Ricardo Michaca sa totoong buhay.

Sabay ang cremation ng aktor at ng kanyang asawang si Marlyn Michaca na pumanaw ngayong gabi, October 15.

Pumanaw ang beteranong aktor sa edad na 68 nitong nakaraang Martes, October 11.

Read: Veteran actor Dick Israel dies at 68

Noong Miyerkules, nauna nang nagpakita ng kanilang pakikiramay sa mga kaanak ni Dick sina Nadia Montenegro, Ynez Veneracion, Patricia Javier, at Jay Manalo.






“HE WAS FIGHTING.” Kagabi, October 14, nakilamay ang PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) sa mga kaanak ng namayapang aktor.

Idinaos din ang necrological services para kay Dick na pinangunahan ng Oasis of Love.


Una naming namataan sa St. Peter’s Chapel ang beteranang aktres at pangulo ng Damay Kamay Foundation na si Vivian Velez.


Ayon kay Vivian, marami silang pinagsamahang pelikula ni Dick. Masayahing tao raw at palabiro ito.

Nitong nakaraang Hulyo, nasunog ang bahay ni Dick, at malaking bagay ang nagawa ng Damay Kamay, ang samahan ng mga artistang tumutulong sa kapwa artistang nangangailangan.

Sila ang nanguna upang makalipat sa bagong bahay ang pamilya ng aktor.

Sabi pa ni Vivian, “Nakita ko naman sa kanya kahit ganyan ang kanyang sitwasyon, he was still fighting. Parang hindi siya naggi-give up.”

Dagdag pa niya, masaya raw siya ngayon na maraming artista ang nagpapaabot ng tulong sa Damay Kamay para sa mga nangangailangan.

Dagdag pa niya, “Siguro kami lang yung way… managing the donations.

"We see to it na mapunta sa tama ang mga donasyon. Kami as mga officers, tumutulong din [mula sa aming mga sariling bulsa] pero ang maganda dun, yung mga artista mismo, sila mismo, tatawagan nila ako magtatanong kung saan ipapadala ang mga tulong nila.”

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Bukod kay Vivian, namataan din ng PEP sa lamay kagabi sina Pen Medina, Jay Manalo, Tess Antonio, at Rez Cortez.




THANK YOU. Nakausap din ang PEP si Laralyn Michaca, ang pangatlong anak ni Dick na galing pang Dubai.


Mangiyak-ngiyak itong humarap sa amin. Sabi niya, napaka-thoughtful daw ng kanyang ama at lagi nitong sinasabing siya ang paborito niyang anak.

Aniya, “Lagi ako nami-miss niyan, e. Mami-miss ko yung lagi niya akong kinakamusta kasi ako lang yung malayo.”

Malaki ang pasasalamat niya sa mga taong nakikiramay sa kanila at sa mga artistang tumutulong sa kanilang pamilya.


Sabi pa niya, “Marami pong salamat kasi tinatangkilik niyo yung tatay ko na magaling siya.

"Salamat po sa pagmamahal, sa mga taong pumupunta dito, sa mga taong sumusuporta, sa mga natatanggap naming messages saka sa pakikiramay sa pamilya namin, maraming-marami pong salamat.”

Ngayong gabi ang huling lamay para kay Dick.


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN