Tapos na ang hidwaan sa pagitan ng aktor na si Aljur Abrenica at ng kanyang home network na GMA-7.
Ito ang inamin ni Aljur nang makausap siya ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) sa press conference ng URL Presents Relationship Goals, na ginanap sa 17th floor ng GMA Network Center, nitong Huwebes, November 17.
Sa presscon proper ng episode na pagbibidahan nila ni Janine Gutierrez ay humingi ng tawad si Aljur sa mga tagapamahala ng Kapuso network dahil sa naging isyu nila noon.
Matatandaang naghain ng reklamo si Aljur laban sa GMA Network noong 2014 sa tangkang tapusin na ang kanyang kontrata rito.
Read: Aljur Abrenica files complaint to terminate contract with GMA Network
Pagkatapos ng presscon proper ay tinanong ng PEP ang aktor kung bakit siya huming ng tawad sa GMA-7.
Paliwanag niya, “Well, it’s more on thankful, sa network, kasi sa kabila ng mga nangyari before, nabigyan nila ako ng project.”
Sabi pa ni Aljur, “Matagal na kaming nagkaayos ng network, iyon, just to clear things.”
Bakit siya nagpasalamat ulit samantalang matagal na pa silang nagkaayos?
Ayon sa StarStruck alumnus, “Thankful kasi ako, e. Kasi finally natapos na yung… cleared! Tapos na talaga yung conflict.”
Wala nang kaso sa korte sa pagitan nila ng GMA Network?
“Yes, wala na! Yes,” pagkumpirma ni Aljur.
Kailan ito nangyari?
“Several months ago, matagal na,” sabi niya.
Amicable settlement daw ang nangyari sa magkabilang partido na tila, “Wala na, kalimutan na natin ang mga nangyari.”
Dagdag ni Aljur, “So, kaya ayun, di ba, nabigyan kami ng projects ni Janine, kahit ongoing pa noon [ang kaso].
“Tapos ngayon, nabigyan pa rin kami ng URL.
“So, nasabi ko na thankful ako, nag-apologize ako ulit.”
Bago ang URL Presents Relationship Goals, nagkapareha rin sina Aljur at Janine sa Dangwa at Once Again.
Dahil sa pakikipag-ayos niya sa Kapuso network, inaasahang mabibigyan na naman si Aljur ng malalaking proyekto.
“I’m excited!” bulalas niya.
ENZO PINEDA. Napunta naman ang usapan sa pag-alis ng kapwa niya StarStruck alumnus na si Enzo Pineda, na nasa ABS-CBN na ngayon.
Pahayag ni Aljur, “Bilang StarStruck [graduate], ang masasabi ko sa paglipat niya, ni Enzo, I’m happy for him.
“For me kasi, ang concern ko is the welfare of the artist, di ba?
“As an artist… artist kasi tayo, di ba? Ang gusto lang naman natin is maging masaya tayo sa ginagawa natin.
“Networks are just opportunities para magawa mo yung mga bagay na gusto mong gawin and mapasaya yung mga tao.
“Ganun ko siya nakikita.”
Sa ngayon, gaano ka-loyal si Aljur bilang isang Kapuso?
Tugon niya, “Well, ako kasi, as much as... kung ako ang tatanungin, gusto kong mag-stay talaga sa GMA. Kasi dito ako nagsimula, e.
“At excited din ako sa io-offer ng network sa akin next year.”
May existing contract si Aljur sa GMA Artist Center, ngunit wala siyang network contract.
Ilang taon ang kontrata niya sa GMAAC?
“Huwag na nating pag-usapan!” at tumawa si Aljur.
Pero taon ang itatakbo ng kontrata niya sa GMAAC?
“Huwag na nating pag-usapan kasi baka…
“I’m just careful right now dahil kakatapos lang ng kaso ko, e!” at muling tumawa ang Kapuso hunk.