Julia Montes dismisses rumored transfer to GMA Network after Doble Kara

IMAGE Noel Orsal

Julia Montes on "Daytime Drama Queen" tag given by ABS-CBN: "Hindi po sumagi sa isip ko at sa dream ko na mangyayari po ito. Kaya nga sabi ko, sometimes talaga, kapag nagdarasal ka, overflowing talaga yung ibinibigay sa iyo ng Diyos."


Pinabulaanan ni Julia Montes ang balitang lilipat na raw siya ng TV network pagkatapos umere ng pinagbibidahan niyang ABS-CBN afternoon teleseryeng Doble Kara, na ang final episode ay ipalalabas sa February 10.

Ilang write-ups kasi ang lumabas sa mga diyaryo na nagsasabing lilipat umano si Julia sa GMA Network.

Nilinaw ni Julia ang isyung ito nang matanong siya ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) sa thanksgiving at finale presscon ng Doble Kara kagabi, January 30, sa 9501 restaurant sa loob ng ABS-CBN compound.

Pahayag ng 21-year-old actress, “Masaya po ako kung nasaan po ako ngayon.

“At inaalagaan po ako ng ABS-CBN and Dreamscape, nina Sir Deo, so wala pong ganun.”

Si Deo Endrinal ang head ng ABS-CBN business unit na Dreamscape.

So, hindi totoo ang balitang ito?

“Yes po,” sagot ni Julia.

Wala rin bang offer mula sa ibang network?

“Wala po.”

Nagulat ba siya na nagkaroon ng isyu ng lipatan?

“Yes, opo,” sambit ng Kapamilya actress.

“Honestly kasi, parang never din naman sumagi sa akin from the very start.

“Siguro noon naisip ko na tumigil mag-showbiz, pero hindi lumipat.

“Kasi, from the very start, naramdaman ko naman na never akong napabayaan ng network, tapos from Star Magic hanggang naging Cornerstone po ako.

“Especially na Dreamscape, na lahat ng trabaho ko na under sa kanila.

“Pati rin po sa Star Cinema, yung mga movie na naibibigay sa akin.

“Napagkakatiwalaan po ako ng mga ganun, so wala, hindi po sumagi sa isip ko.”

DAYTIME DRAMA QUEEN. Hindi raw puwedeng basta na lang itapon ni Julia ang pagtitiwalang ibinigay sa kanya ng ABS-CBN at Dreamscape.

Lalo na ngayong binigyan na siya ng titulo bilang “Daytime Drama Queen.”

Ito ay dahil sa consistent na mataas na national TV ratings at pagiging number one sa daytime ng Doble Kara, base sa datos ng Kantar Media.

Ano ang reaksyon ni Julia nang nalaman niyang may titulo na siya bilang “Daytime Drama Queen”?

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Pahayag niya, “Hindi po sumagi sa isip ko at sa dream ko na mangyayari po ito.

“Kaya nga sabi ko, sometimes talaga, kapag nagdarasal ka, overflowing talaga yung ibinibigay sa iyo ng Diyos.

“So, iyon po, unexplainable yung pakiramdam.

“Ang sarap lang din po sa pakiramdam dahil mas lalo po akong na-inspire na pagbutihin ko pa po kada role, kada trabaho na ginagawa ko.

“Kasi, para sa kanila iyan, para sa mga nagbigay sa akin nito.”

Pero hindi ba siya nag-aalala na baka puro panghapong teleserye na ang ibigay sa kanya dahil sa titulo niyang ito?

Tugon niya, “Ako po, wala naman pong kaso sa akin kung mapa-umaga, mapa-hapon, mapa-gabi.

“Kahit po midnight, okay lang sa akin, basta po may trabaho ako at nasusuportahan po ng mga tao, natutuwa yung mga tao.

“Yung habang nanonood sila, nagiging part na sila ng buong kuwento.”

NEXT PROJECT WITH ABS-CBN. Patunay rin daw na hindi aalis si Julia sa ABS-CBN ay may susunod na siyang proyektong inaayos ng Dreamscape.

Saad niya, “Meron po, abangan niyo po kapag puwede na naming i-announce kung ano po iyon.

“Ako, personally, nae-excite ako kasi bagong ako, hindi lang po sa role.

“Physically, emotionally, ang dami kong kailangang pagpreparahan para doon sa susunod.

“And yung mga makakasama ko po, it’s another dream come true na team, na buong cast.

“Ia-announce na lang po namin kapag final na.”

Magpapahinga ba muna siya pagkatapos ng Doble Kara o tuluy-tuloy na ang trabaho para sa susunod niyang proyekto?

Ayon kay Julia, “Actually, pag ano, dire-diretso po siya, e.

“Pagkatapos po ng Doble Kara, magsisimula na po kami ng mga meeting, kung ano yung mga dapat gawin.

“So, magdire-diretso na po.”


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN