Arthur Solinap reveals details of his upcoming wedding to Rochelle Pangilinan

IMAGE Noel Orsal

Target nina Arthur Solinap at Rochelle Pangilinan na sa August 8 maikasal dahil ito rin ang anniversary date nila. 


Plano nina Arthur Solinap at Rochelle Pangilinan na sa Agosto ngayong taon magaganap ang kanilang kasal.

Ito rin daw kasi ang kanilang anniversary month.

Ayon pa sa Kapuso star, nakipagmiting na sila sa kanilang wedding organizer nitong January, pagkatapos magdiwang ng kanyang kaarawan.

Kuwento ni Arthur sa PEP.ph (Philippine Entertainment Portal), “First meeting pa lang naman, pero wala pang final.

"Kakausapin pa lang namin ang organizer, masaya.”

May naisip na raw ang kasintahan na gagawing motif ng kasal.

Saad pa niya, “Yung dream wedding niya, kung ano ang gusto niya, yun ang masusunod.

“Doon pa rin kami sa Tagaytay, yun pa rin kasi ang pinaka-memorable sa kanya."

May kinalaman sa namayapang ama ni Rochelle ang lugar, kaya raw memorable sa dancer-actress ang Tagaytay.

Sabi ni Arthur, "Yung memories ng tatay niya. Bago kasi mamatay, doon sila palaging pumupunta.

"Tapos, doon din kami unang nagkakilala, sa Daisy Siyete noong 2008."

THE ONE. Pagmamalaki pa ni Arthur, si Rochelle na raw ang masasabi niyang ‘the one’ para sa kanya.

Nakangiti niyang kuwento, "Before pa yung proposal, sabi ko talaga, next step na.

"Gusto ko na talagang magka-family. Dati pa naman may mga future plans na, pero this time talaga, medyo nagmadali na ko. Kailangan ko nang magpakasal, magka-anak.

"Gusto ko nang magka-family. Oo, nagkakasama kami palagi, pero iba yung as one. May children talaga. Gusto ko na marami rin kaming magiging anak."

Biro pa niya, "Mga basketball team sana. Mga four, five."

Naihanda na rin ni Arthur ang bahay na titirhan nila ni Rochelle pagkatapos ng kasal.

Aniya, "Doon muna kami, then may dream kami na lilipat dahil may nakuha kaming lupa. Malapit lang sa bahay niya."

Sa ngayon, hindi pa raw makumpirma ni Arthur kung ano ang eksaktong date ng kasal nila. Pero posibleng sa last quarter daw ng taon.

Target nila, August 8 sana, bilang ito ang anibersaryo nila.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

GODPARENTS. Hindi pa raw kumpleto ang listahan ng mga napili nilang tatayong ninong at ninang, pero may ilan nang pangalang sigurado silang gusto nilang tumayo bilang godparents.

Ayon pa sa kanya, "Sa side niya, siyempre, si Joy Cancio, malapit sa kanya.

"Si Tita Malou Choa-Fagar, TVJ [Tito Sotto, Vic Sotto, Joey de Leon], Mr. T. [Antonio Tuviera]—yun talaga ang family niya, Eat Bulaga, yun talaga ang naging part ng buhay niya.

"Ako naman, mga relatives ko na malapit sa akin na nasa Iloilo, tito ko na nasa States.

"Si Direk Bert de Leon, si Tita Lilybeth [Rasonable]."

Si Michael V. naman, na kasama niya sa Pepito Manaloto, ay isa raw sa mga best men niya.

Kung sakali, ang gusto raw nila ay maging intimate wedding lang ito.

Pero natatawang kuwento ni Arthur, "Intimate lang, pero sa pamilya ko lang, ang dami na. Naglilista kami, binitawan ko na ang ballpen."

FAMILY-ORIENTED PERSON. Ang malinaw na nakikita raw ni Arthur, sa loob ng walong taong magkarelasyon sila ni Rochelle, ay ang pagmamahal ng nobya sa pamilya.

Isa raw itong dahilan kaya mas lalong napamahal sa kanya si Rochelle.

"Grabe yung love niya sa family niya," saad ni Arthur.

"'Di ba, ang role niya sa TV, parang kikay, magaling magsayaw sa TV. Pero, opposite siya sa totoong buhay.

"At saka, iba ang values niya sa family. Kapag ganun siya sa family niya, siyempre, ganun din siya sa magiging pamilya niya."

Hindi naman ikinaila ni Arthur na marami rin silang disgusto, tampuhan, o naging away ni Rochelle.

Kuwento nga niya, "Dati hindi magkasundo, maraming hindi napagkakasunduan.

"Ano rin kasi siya, parang alpha female, hindi nagpapatalo. Talagang nagka-clash kami.

"Maliliit na bagay, lumalaki.

"Pero, unti-unti namin yun inaayos.”

Sa loob ng walong taon, hindi ba sila nag-break?

Pag-amin nito, "Meron, mga cool-off, cool-off, ilang beses rin. Pero cool-off lang. Siguro ang pinakamahaba na, mga two months."

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

WEDDING PLANS DROPPED? Diretsahan namang inusisa ng PEP si Arthur tungkol sa ilang usap-usapang muntik na raw hindi matuloy ang plano nilang pagpapakasal.

May katotohanan ba ito?

Tugon ng binata, “Hindi naman. Siguro kaya lang nabalita yun dahil hindi natuloy last year, kasi naging busy nga.

"Ako lang yung palaging nagsasalita na gusto ko, December [last year].

"Parang yung mga tao, kaya ba ng December yun? So, akala, pino-postpone."

Dugtong pa niya, "Mga away lang, pero hindi naman dahil sa away na yun, hindi na kayo magpapakasal. Mga test lang talaga ng relationship."

Sa katunayan, ipinagpapasalamat nga raw ni Arthur ang mga naging pagsubok at pinagdaanan nila ni Rochelle sa kanilang relasyon.

Katwiran niya, "Kung hindi namin pinagdaanan yun, baka hindi ko ma-realize na kailangang ayusin.

"At saka, isa sa nangyari sa akin, mas marami akong na-realize kung ano ang mga dapat gawin, hindi dapat gawin."

Mas epektibo ba sa kanila ni Rochelle yung long-term relationship?

"Yes, oo," pagsang-ayon niya.

Dagdag pa niya, "Kasi, kung kinasal kami noon, baka naghiwalay na rin kami. May right timing talaga si God."

Diretsahang sinabi ni Arthur na hindi talaga sila nag-live in ni Rochelle. Hindi raw kasi sila naniniwala sa ganitong set-up.

Ayon nga rito, "Hindi talaga kami naniniwala, e.

"Pareho rin kasi kaming Christian, at may paniniwala kami."


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN