Nag-status si former Senator Ramon “Bong” Revilla Jr. sa Facebook hinggil sa pagkumpronta ng veteran singer at miyembro ng APO Hiking Society na si Jim Paredes sa mga tagasuporta ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Nangyari ang kumprontasyon sa selebrasyon ng 31st anniversary ng EDSA Revolution, sa People Power Monument, noong February 25, Sabado.
Ang pagdiriwang ay dinaluhan ng mga nagpoprotesta sa pagbabalik ng pamilya Marcos sa gobyerno, na sinalihan din ng mga tagasuporta ni dating Pangulong Benigno “PNoy” Aquino III.
Si Jim ay kilalang loyal supporter ni PNoy at ng yumao nitong ina na si dating Pangulong Corazon Aquino.
Vocal critic din si Jim ng administrasyong Duterte.
Sa ginanap na EDSA anniversary rally noong Sabado, may ilang miyembro ng Duterte Youth ang dumating upang ipakita ang kanilang suporta sa Pangulo.
Sa na-upload na video, mapapanood ang pagkumpronta ng singer sa Duterte Youth tungkol sa kanilang “deluded” support kay Duterte, sa kabila ng pagiging responsable diumano nito sa higit 7,000 kaso ng extra-judicial killings kaugnay ng kampanya ng kasalukuyang administrasyon laban sa ilegal na droga.
Umani ng iba't ibang reaksiyon ang pagkumpronta ni Jim sa mga tagasuporta ni Duterte, na kinabibilangan din ng mga artistang pro-Duterte kagaya nina Arnell Ignacio at Elizabeth Oropesa.
BONG’S FACEBOOK STATUS. Matatapang na salita ang ginamit ni Bong laban kay Jim sa kanyang Facebook post noong Linggo, February 26.
Tinawag ng actor-politician ang singer na "kahiya-hiya," "tyrant," at "diktador."
Si Bong ay kasalukuyang naka-detain sa PNP Custodial Center dahil sa kanyang pagkakasangkot diumano sa pork barrel scam.
Ito ang kabuuang post ni Bong:
“Jim Paredes, kahiya-hiya ka. For someone claiming to be pro-freedom and pro-democracy, you sure look like a tyrant! Sa nagmamalaking tagapagtaguyod ng kalayaan at demokrasya, ikaw ang diktador!
“Para sa isang nangangalandakan ng pagiging disente, inilabas mo ang napakasahol mong asal.
“The future belongs to the youth, and those youth exercised their freedom to express their beliefs. You stood in their way saying they had no right to do so.
“Ipinakita mo ang tunay na kaanyuan ninyong mga dilawan. Na sa inyong mga utak, kayo lang ang tama at kung hindi niyo kakampi, dapat ihiya at pagdusahin.”
Ang dilawan ay terminong ginagamit sa pagtukoy sa mga kaalyado at tagasuporta ng mga Aquino.
“Yan nga mismo ang ginawa niyo sa akin,” ayon pa sa status.
“Ganunpaman, hindi ito tungkol sa akin kundi tungkol sa inyo.
“Hindi kayong mga dilaw ang People Power. Ang Pilipino ang People Power.
“Kayong mga dilaw ang umagaw nito sa mga tao para makinabang at mamunini.
“Kayo ang nagnakaw ng EDSA sa tao. You ruined EDSA.
“Kayo ang bumaboy sa People Power, na kitang-kita sa ginawa mo. You do not embody the Filipino. In fact, kahiya-hiya kang matawag na Filipino.
“You do not embody the Filipino’s dreams, aspirations and ideals.
“In fact, ikaw ang balakid para makamit ng mga pilipino ang mga hangarin at aspirasyon. Hindi ka nakakatulong. You simply cannot accept that you are no longer relevant; that you can no longer fool the Filipino.”
Sinubukan ng PEP (Philippine Entertainment Portal) na kunin ang reaksyon ni Jim kaugnay ng pahayag ng dating senador, subalit tumanggi ang singer na magbigay ng komento rito.
Mananatiling bukas ang PEP sa panig ni Jim.