Tita Angge, Sylvia Sanchez's talent manager, dies

IMAGE Courtesy of DWIZ

Pumanaw ang talent manager na si Cornelia Lee, aka Angge, ngayong Huwebes ng gabi, March 2. Isang taon naratay si Angge mula nang magkaroon siya ng massive heart attack noong March 2016.


Sumakabilang-buhay na ang talent manager na si Cornelia Lee, aka Angge, bandang 9 P.M. nitong Huwebes, March 2.

Isang taon naratay si Angge mula nang magkaroon siya ng massive heart attack noong March 5, 2016.

Ibuburol ang mga labi ng talent manager sa Arlington Memorial Chapel Halls B and C sa Quezon City, simula bukas, March 4, hanggang sa Martes, March 7.

Nakatakdang isagawa ang memorial service sa South Cemetery, Makati City, bandang 8 a.m. sa Miyerkules, March 8.

Si Lee, na mas kilala sa showbiz bilang Tita Angge o Tita A, ay nagsimula bilang movie fan na naging radio, television, at film talent.

Kalaunan ay naging talent manager at casting director siya.

Ilan sa mga hinawakan niyang mga artista ay sina Sylvia Sanchez, Smokey Manaloto, at Mickey Ferriols.

Naging presidente siya ng fans club ng King and Queen of Philippine Movies na sina Fernando Poe Jr. at Susan Roces, mga magulang ni Sheryl Cruz na sina Ricky Belmonte at Rosemarie Sonora, at ang '70s love team nina Vilma Santos at Edgar Mortiz.

Ang yumaong direktor na si Pablo Santiago—ama nina Randy, Rowell, at Raymart Santiago—ang nagbigay ng break kay Angge sa pamamagitan ng pelikulang Continental Playboy na pinagbidahan ni Helen Gamboa. Gumanap siya rito bilang turista.

Ilan pa sa mga nilabasan niyang pelikula noong '60s at '70s ay ang mga sumusunod: All Over the World, Way Out in the Country, May Tampuhan Pa-minsan-minsan, Sitting in the Park, Pogi, Joaquin, Petrang Paminta, Servillano Zapata, at Wrong to Be Born.


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN