Maine Mendoza says she still is a "reluctant actress"

IMAGE File photo

Maine Mendoza is sticking to her gun when it comes to her private life. "Hindi puwedeng punuin nila ako ng puro trabaho lang. Kailangan na every week, meron akong time to be with my friends and family," she asserts.

 


Sa kabila ng hindi niya inaasahang tagumpay sa showbiz, tila nagsasanay pa rin si Maine Mendoza sa buhay-artista.

Malakas pa rin daw ang hatak sa kanya ng kinagisnang pamumuhay na binago ng showbiz.

Pahayag ni Maine, “Opo, hahanapin mo pa rin po ang private, normal life, kung ano ang nakasanayan mo.

“Unlike yung ibang artista na sa showbiz na po lumaki.

“Minsan lang po, nami-miss ko rin yung buhay, pero siyempre, nandito na po ako.

“Iba pa rin po ang buhay rito.”

Gayunpaman, naniniwala si Maine na mapapanatili pa rin niya ang normal na  buhay maski nasa showbiz na siya.

“Yes, po, parang  yung management ko, naiintindihan po nila na ayokong alisin sa akin yun.

“Every time na magbibigay sila ng schedule sa akin, hindi puwedeng punuin nila ako ng puro trabaho lang.

“Kasi kailangan na every week, meron akong time to be with my friends and family,” sabi ng TV host-actress.

Aminado naman si Maine na kumpara noong unang taon, mas masasabi niyang mas relaxed at kumportable na siya sa industriya ngayon.

“Yes po, yes po, iba po yung first year, although puro endorsements shoot naman po nung first year.

“Ngayon po, pumasok po kasi ang soap, yun po ang kumain ng oras namin.

“Pero mas relax po kahit paano ngayon.” 

Ibig sabihin, nakikita ni Maine ang sarili na magtatagal sa showbiz hanggang sa tumanda siya?

“Ako pa rin po yung reluctant actress!” natawa niyang sabi.

Dugtong pa niya, “Hindi ko pa rin po alam. Kung ano po ang nasa plano.

“Kung magtatagal po ako rito, okey po.

"Pero kung hindi naman po, siguro okey lang din po."

Nakausap ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) si Maine sa print shoot ng kanyang bagong TV commercial, ang CDO Funtastyk Young Pork Tocino.

Sa loob ng isang taon bilang endorser ng produkto, si Maine na yata ang kinikilalang top seller ng tocino sa bansa.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

NO FEAR. Sa loob ng dalawang taon, mabibilang ang pagkakataong nakausap ng entertainment press si Maine nang masinsinan.

Alam din ng lahat na noong unang taon niya sa showbiz, maging ang ka-love team niyang si Alden Richards ay hindi siya nakakausap nang harapan o nakikita man lang.

Kasama yun sa pakulong "Kalyeserye" ng Eat Bulaga!, kung saan nagsimula ang phenomenal na tambalan nila ni Alden, ang AlDub.
 
Sa loob lamang ng dalawang taon ay nakagawa na siya ng malaking marka sa industriya.

“Masaya, unbelievable,” nakangiting reaksiyon dito ni Maine.

“Talaga ba? Bakit ako? Bakit ako ang nabigyan ng pagkakataon at blessing ng Diyos? 

“Pero sobrang thankful po ako. Hindi man po halata, pero sobrang thankful po ako.”

Aware ba siya na kakaiba at mahirap nang matularan ang nangyaring pagsikat niya sa showbiz?

Tila nahihiyang sabi ni Maine, “Sinusubukan ko nga pong i-research kung meron.  

“Wala po, e... pinagtatanong ko rin sa mga nakatatanda kung meron na nga pong nangyaring ganito.”

May takot ba si Maine na maaaring mawala ang lahat ng ito sa isang iglap?

Tugon niya, “Honestly po, fulfilled na po ako sa mga na-achieve ko po, sa mga na-experience ko rito sa showbiz.  

“So, parang hindi na po ako natatakot na mawala sa akin.

“Kasi yung dream ko po, na-achieve ko na, at sobra-sobra pa po siya sa akin.

“So ako, thankful po ako kung bibigyan pa ako ng blessing.

“Pero kung wala na po, okey lang din po sa akin.”


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN