Iniurong na ng babaeng complainant ang sexual assault case na isinampa niya laban sa "Tawag ng Tanghalan" champion na si Noven Belleza.
Sa ulat ng SunStar Cebu kahapon, August 31, hiniling daw ng complainant kay Judge James Stewart Himalaluan ng Cebu City Regional Trial Court (Cebu-RTC), sa pamamagitan ng isang pahinang affidavit of desistance, na iatras na ang reklamong isinampa niya laban sa singer.
Ito ay dahil daw sa epekto ng kaso sa kanya at ng pamilya niya.
Nakasaad sa affidavit ng complainant: “After my sober and soul searching assessment and analysis of this case, I have realized that I have reached the point that I am no longer interested in pursuing the case due to inordinately adverse effects it brought to me and my family.”
Dagdag pa sa affidavit, na inihanda ng abugado ng complainant na si Atty. Janice Lape, iniurong na niya ang kasong kriminal laban sa singer para sa ikatatahimik ng kanyang isipan.
Anito, “In my earnest desire to achieve peace of mind, I am permanently withdrawing my complaint against the accused.”
Ang pag-urong ng kaso laban sa kanya marahil ang dahilan kung bakit masaya ang aura ni Noven sa kauna-unahang paglabas niya sa It’s Showtime ngayong araw, September 1, matapos ng pagkaaresto niya noong madaling-araw ng July 16, sa Cebu City.
THE CASE HISTORY. Unang kinumpirma ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) ang pagkaaresto sa 22-year-old singer matapos ang eksklusibong panayam namin kay Chief Inspector Jacinto Mandal Jr., head ng Mabolo Police Station ng Cebu City, noong July 17.
Ayon kay Mandal, inaresto nila si Noven matapos itong mag-guest sa concert ni Vice Ganda na Pusuan Mo si Vice Ganda sa Cebu, na ginanap sa IEC Pavillion, Barangay Mabolo, noong madaling-araw ng July 16, Linggo.
Pinatapos muna raw nila ang concert ni Vice bago nila dalhin sa presinto si Noven.
Hapon ng araw na yun, isinugod si Noven sa isang pribadong ospital dahil daw sa paninikip ng dibdib nito.
Hindi na-inquest si Noven kinabukasan, araw ng Lunes, July 17, dahil hindi pa raw ito maaaring makalabas ng ospital.
Martes, July 18, ang fiscal’s office na mismo ng Cebu-RTC ang nagpunta sa singer na naka-hospital arrest upang i-inquest ito.
Nakitaan daw ng probable cause ang reklamong inihain laban kay Noven.
Ngunit, ibinaba ito ni Fiscal Ma. Theresa Casiño sa sexual assault dahil hindi naman daw naipasok ng singer ang kanyang ari sa ari ng complainant.
Ito ang dahilan kaya pinayagang magpiyansa si Noven sa halangang P120,000.
Nakalaya ito noong July 19, Miyerkules, matapos maglagak ng kanyang piyansa sa korte.