Pinag-usapan ng netizens kahapon, January 4, 2018, ang "family portrait" ng pamilya ni Ellen Adarna sa Cebu, kung saan kasama ang aktor na si John Lloyd Cruz.
Ang larawang ito ay in-upload ng isang netizen sa Instagram.
Kinagabihan, si Ellen na mismo ang nag-post sa kanyang Instagram account ng naturang larawan.
Nilagyan niya ito ng caption na “Fambam” at may heart emoticon pa.
Tila ito na ang direktang pagpapahiwatig ng sexy star na tanggap na tanggap ng kanyang pamilya si John Lloyd.
Sa comments section, nagpost ang isang kaibigan ni Ellen. Maligaya raw siya para sa sexy star.
Sagot ni Ellen sa wikang Bisaya: "Di ba??? Hahaha kinsay nag too na ma kami diay lol." (Di ba? Hahaha sinong mag-aakala na magiging kami lol.")
Sa isa pang post ng isang netizen, makikita naman ang larawan ni John Lloyd kasama muli si Ellen at ang pamilya nito sa tabi ng isang Christmas tree.
Nobyembre 2017 inilabas ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) ang eksklusibong balitang buntis na si Ellen at si John Lloyd ang ama.
Ngunit hanggang ngayon, wala pang tuwirang announcement mula sa dalawa tungkol sa pagbubuntis ng sexy star.