Bumisita sina Robin Padilla, Piolo Pascual, Nadia Montenegro, at ang direktor na si Joyce Bernal sa ground zero ng Marawi City kahapon, January 23.
Sa Instagram, nag-post sina Robin at Nadia, pati na ang isa pa nilang kaibigang si Jose Antonio Lopez, ng mga video at larawang kuha sa pagbisita nila sa lugar na sobrang nawasak dahil sa bakbakan sa pagitan ng mga tropa ng gobyerno at teroristang grupong Maute na nagsimula noong May 23, 2017.
Matapos ang limang buwang giyera, idineklara ni Pangulong Rodrigo Duterte ang Marawi liberation noong October 17, 2017.
Ayon sa post ng Pilipinas Got Talent judge na si Robin, sinabi raw ni Piolo na, “Kailangan tulungan natin tumindig ang marawi, Pilipino tayong lahat.”
Sabi naman ni Direk Joyce, base pa rin sa post ni Robin, “Sa Pilipinas ito nangyari! Hindi ito puwedeng kalimutan o makalimutan at lalong hindi pag-usapan! Gera ito eh!”
Dagdag ni Robin, walang pagsidlan ang sayang nararamdaman ng mga kapwa niya Muslim sa pagbisita ng mga kasamahan niya sa showbiz dahil naramdaman daw ng survivors ang pag-aalala ng mga ito.
Sabi niya sa isa pang post: “Masayang Masaya ang mga kapatid ko kasi naramdaman nila na tunay kayong nagmamahal at nag aalala sa kanila batid nila na wala kayong business sa kanila o pangangailangan sa kanila hindi kayo mga politiko at lalong hindi negosyante pero naglakbay kayo ng Malayo at Nagpakahirap!
"Gumastos! at Nakibagay para makita sila at makapiling! Wala na sigurong magiging mas Pilipino pa don @marieltpadilla.
"Ang pakikiramay at pagdamay ay Bayanihan at ito ay ipinagmamalaki nating ating kultura at pagkatao @direkbinibini @piolo_pascual@officialnadiam @joseantoniolopez89@betchayvidanes."
Noong October 24, 2017, nag-donate sina Direk Joyce at Piolo sa foundation ni Robin ng P1.5 million para sa rehabilitasyon ng Marawi.
Narito pa ang ibang larawan at video ng pagbisita nina Piolo, Robin, Direk Joyce, at Nadia sa Marawi: