Glaiza de Castro reveals how Anthony Bourdain's suicide affected her

IMAGE Noel Orsal

Glaiza de Castro talks about one of her fears: "Ayokong mag-isa...kahit na sabihin mong may independent spirit ako, at the end of the day, mas masaya talaga kapag may kasama."


Nagkaroon ng post sa kanyang social media account si Glaiza de Castro na tila may pinatatamaan itong katrabaho na ikinapu-frustrate niya.

Nilinaw ng Kapuso actress kung ano ang pinanggalingan nito.

“Wala, general feeling lang yun.

"Mahilig naman talaga akong humugot talaga.

"Minsan, dun ko na lang idinadaan!" natatawang paliwanag niya.

May nakakapagpa-frustrate ba sa kanya sa mga kasamahan o katrabaho niya?

“Hindi…hindi naman ako frustrated, hindi naman ako depressed,” paglilinaw ni Glaiza.

Nakausap ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) si Glaiza sa taping ng pinagbibidahan niyang afternoon drama series sa GMA-7, ang Contessa, sa may Malabon.

FEEDING YOUR SOUL. Dito ay nag-open up ang aktres tungkol sa mga bumabagabag sa kanya ukol sa mental health.

Aniya, “Kasi, sa panahon ngayon, ang daming news sa depression.

"Yung huling naapektuhan talaga ako, yung kay Anthony Bourdain. Sabi ko, ayokong umabot dun.”

Si Anthony Bourdain ay isang sikat na TV host, author, at chef.

Natagpuan siyang patay sa kanyang hotel room sa France, kung saan nagsu-shoot siya ng isang episode para sa kanyang CNN food travelogue na No Reservations. 

Saad pa ni Glaiza, “Di ba, ang saya-saya ng trabaho niya, pinagkukunan siya ng lakas ng mga tao dahil sobrang rock and roll niya?

"'Tapos deep inside... hindi mo alam kung ano ang nasa isip nila."

Kaya labis daw binabantayan ni Glaiza ang kanyang sarili.

“Para sa akin talaga, importante na pini-feed mo ang soul mo.

“Nawalan siya [Anthony] ng faith, parang nawalan siya ng pag-asa sa humanity. 

"Parang, 'Kahit ano ang gawin ko, ganun pa rin ang mga tao.'

“So, para sa akin, importante talaga kung ano ang pini-feed mo sa kaluluwa mo.

"Kung ano ang iniisip mo, yun ang magma-manifest sa actions mo.”

Naikuwento pa ni Glaiza na masaya siya nagkaroon siya ng pagkakataong magnilay-nilay at makasama ang kanyang pamilya kamakailan.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

“Nagkaroon ako ng time na makapag-reflect. Magkausap-usap kaming pamilya.

"Yung simpleng usap lang over dinner, over lunch, sobrang malaking tulong na.

“'Tapos yung prayer.

“Yun ang na-realize ko lately.”

PRONE TO DEPRESSION. Ayon kay Glaiza, mas prone ang mga artista sa depression.

Na sa kabila ng nakikita sa kanilang palaging nakatawa, marami sa kanila ay may mga pinagdadaanan.

Pahayag ng 30-year-old actress, “Well, honestly ako, nararamdaman ko yun, depression.

“Nararamdaman ko yung kapag hopeless ako, may mga bagay na hindi mo masabi sa pamilya mo.

"May mga kaibigan ka na hindi naman always available, di ba?

“So, may mga times na hindi mo maintindihan, pero feeling mo mag-isa ka.”

Ang maganda lang kay Glaiza, alam niya kung ano ang pangontra kung nakararamdam siya ng matinding kalungkutan.

“Music,” pakli niya.

“Kasi, parang feeling ko, yun talaga ang nakakatulong sa akin.

"Yung pagsusulat para ma-release ko lahat ng negative thoughts ko.

"Kasi, kailangan mo siyang i-release.

“Kapag hindi mo siya ni-release, bigla ka na lang sasabog.”

GREATEST FEAR. Nang magbakasyon siya kamakailan sa Australia, may pinuntahan daw siyang cliff kung saan maraming kaso ng mga nagpapakamatay.

“Maraming nagsu-suicide, tatalon na lang.

“Sa sobrang ganda niya, parang yung mga tao, okey na ako rito, pak, talon!  

"'Tapos may mga pictures dun ng mga tao na nagpakamatay."

Kinilabutan daw siyang habang nandoon sa mismong lugar na may mga nagpapakamatay at tumatalon.

“Inisip ko, if I were in their shoes, bakit kaya? 

"Kasi yung moon, nagre-reflect sa dagat. 'Tapos nasa taas ka.

"Parang feeling mo, 'Okay na ‘to.'"

Bilang artista, ayon kay Glaiza, halos lahat ng gawin at sabihin nila ay nabibigyan ng kulay o kahulugan.

“Kami, bilang celebrities, mas magnified ang galaw namin. Mas may pressure. 

"Siguro kapag nagkamali ka, parang twice yung baggage or nae-exaggerate.

“Kapag dine-defend mo ang sarili mo, minsan nakaka-frustrate. Wala man lang naniniwala, yung ganun.”

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Hindi naman siguro siya hahantong sa sobrang made-depress siya?

“Hindi naman po,” sagot niya.

“Tina-try ko talaga at saka may family naman ako, may faith at may conviction.

"Kasi, importante yung may conviction.

“Kahit mag-isa ka na lang at kung anu-anong thoughts ang pumapasok sa isip mo, kabahan ka na kapag medyo sumasadsad ka na sa depression.”

Kung ang ibang artista ay pinaka kinatatakutan ang mawalan na ng proyekto, hindi na maging in demand o malaos na, sa kaso ni Glaiza ay hindi raw ito ang greatest fear niya.

“Siguro ang pinaka-greatest fear ko, yung mga taong totoong nagmahal sa akin, 'tapos eventually mawala.

"Parang, 'Paano ako?' Yung ganun.  Ayokong mag-isa.

“Parang ang hirap mag-isa.

“Tatanda ka, 'tapos iku-conquer mo ang buhay mag-isa.

"Kahit na sabihin mong may independent spirit ako, at the end of the day, mas masaya talaga kapag may kasama."


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN