Hangga’t maaari ayaw nang magkomento ni Winwyn Marquez sa nauna niyang statement tungkol sa nanalong Miss Universe Spain 2018, na isang trans woman, at magiging kinatawan sa Miss Universe ngayong taon.
Sinabi ni Winwyn na ipaubaya na lang sana sa natural-born women ang international beauty pageants gaya ng Miss Universe.
Sa pinakabagong panayam ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) kay Winwyn, nilinaw nitong wala siyang isyu sa mga transgender at kanyang opinyon lamang iyon.
May mga nagpahayag kasi ng pagkailang at pagtutol sa kanyang naging statement.
“Grabe, eto na naman tayo,” reaksiyon ng Reina Hispanoamericana 2017.
“No kasi, I think, wala na akong kailangang i-explain kasi pinayagan talaga ng Miss Universe.
“Alam ko rin noon pa puwede na silang sumali, I don’t need to explain anything.
“I respect the decision and I’m happy for Miss Spain.
“Siyempre, good luck sa lahat ng sasali sa Miss Universe.”
Naniniwala si Winwyn na walang kinalaman ang pagkapanalo ng isang trans woman sa Miss Universe Spain sa bansa na pagdadausan ng Miss Universe ngayong taon—ang Thailand.
Kilala sa pagiging open sa sex change at transsexuals ang kalapit na bansa natin sa Southeast Asia.
Sabi ni Winwyn, “No, matagal nang pinayagan ang mga transsexual sa Miss Universe.
“I don’t think na may koneksiyon yun.
"Basta at the end of the day, pinayagan ng Miss Universe, we have to respect that.
“And we just want to wish everyone good luck and let’s just enjoy Miss Universe this coming December.”
Nakausap ng PEP.ph si Winwyn bago magsimula ang presscon proper ng pelikula nila ni Vhong Navarro, ang Unli Life, na ginanap sa Valencia Events Place, kagabi, August 2.
Official entry ng Regal Entertainment ang pelikula sa gaganaping Pista ng Pelikulang Pilipino 2018.
LGBT SUPPORTER
Itinanggi ni Winwyn na may takot siyang ma-bash o makuyog ng LGBTQ community kung magkaroon siya ng stand na hindi dapat sumali ang transgenders sa mga beauty competition ng mga totoong babae.
Paliwanag niya, “Hindi naman ako natatakot, no.
"Sa akin, sobrang I respect them for who they are.
“Ang sinasabi ko lang is the pageant itself.
“I’m not attacking their personality kung ano choice nila. Kasi siyempre, I respect them.”
Umaayon din si Winwyn sa husay ng transgenders sa projection at pagsagot sa pageant question-and-answer portion.
“Ay, I have to say, magagaling talaga!” bulalas niya.
“Pero depende naman sa personality kung sino ang sasali, di ba?
“Lahat naman iyan pantay-pantay sa mata ng mga judges.
“So, kung kanino mapupunta yung attention ng judges, kung sino ang pinakamagaling sumagot, kung deserving naman manalo, deserve niya talagang manalo.”
Hindi rin makapag-comment si Winwyn para sa Reina Hispanoamericana tungkol sa posibilidad ng paglahok ng trans women sa pageant.
Nanalo noong nakaraang taon si Winwyn bilang kauna-unahang Asian candidate na nakoronahan sa nabanggit na Latin beauty-dominated beauty competition.
Iyon ang kauna-unahang paglahok ng Asian country at first time din ng Pilipinas.
Ayon pa kay Winwyn, “Wala pa naman kasi sa rules na ganun.
"So, wala pa akong naririnig na ganun, at wala pa rin namang nababanggit sa akin.
“So, I can’t speak for them, it’s a big organization. I don’t know.”