Pag-amin ni Ciara Sotto, alam niya ang pinagdaraanan ng isang taong may depression dahil naranasan niya ito.
Kaya naman isa siya sa mga natuwa sa pagsasabatas ng Mental Health Law dahil malaki ang maitutulong nito sa mga taong nakakaranas ng ganitong kondisyon.
“With the passage of the mental health, I am optimistic that more and more Filipinos who are silently suffering from mental health conditions will get out of their hideaways and face the problem head on,” pahayag ng actress sa ginanap na forum tungkol sa mental health, noong July 27, Biyernes, ayon sa ulat ng Inquirer.net.
Kuwento ni Ciara, nang makaranas siya ng depresyon, ibinaling niya ang atensyon sa mga physical activities, kagaya ng pole dancing, kung saan siya kilala ngayon.
“I myself suffered from depression. Although access to mental health was limited then, I was fortunate because I was able to cope up through various activities such as pole and areal sports and other workouts,” pag-amin ni Ciara.
Dumalo si Ciara sa forum bilang kinatawan ng kanyang ama, si Senate President Tito Sotto, na siyang principal author ng panukalang batas, gayundin si Senator Risa Hontiveros.
Co-authors naman sa panukalang batas ang iba pang senador, kagaya nina Senators Sonny Angara, Bam Aquino, Joel Villanueva, Sonny Trillanes, at Loren Legarda, ayon pa sa ulat ng Inquirer.
Nilagdaan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang Philippine Mental Health Act o Republic Act No. 11036 noong June 21, 2018.
Layon ng batas na makapagbigay ng mental health services at programs sa mga dumaranas ng kondisyon.
Bukod kay Ciara, maraming mga artista ang umamin na nakaranas din sila ng depresyon, kabilang na sina Vice Ganda, Nora Aunor, JM de Guzman, Nadine Lustre, Jake Zyrus, Jed Madela, Kiana Valenciano, Sofia Andres, Ryza Cenon, at Paulo Angeles ng Hashtags.