Feminist at progresibo ang karakter ni Sunshine Dizon sa pelikulang Rainbow’s Sunset, na ididirek ni Joel Lamangan para sa Heaven’s Best Entertainment.
Sa totoong buhay, maikukunsidera ba niyang feminist ang kanyang sarili?
“I don’t know the exact term, ha, to describe... pero oo naman,” seryosong sambit ni Sunshine nang makausap ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) matapos ang storycon ng pelikula nitong Agosto 2, Huwebes ng hapon, sa Salu restaurant, Sct. Torillo St., Quezon City.
Patuloy ng Kapuso actress, “Siyempre, sa panahon ngayon, dapat ina-assert na talaga ang rights ng mga babae, di ba?
“Pero hindi ko naman din puedeng sabihin siguro na... fully feminist.
"Kasi, naiintindihan ko pa rin yung factor na ang pamilya, may mga pagkakataon na kailangan pa rin naman ng may tatay, may lalaki. Alam mo yung ganun?
“Kasi, kumbaga sa society natin dito sa Pilipinas... kumbaga, parte na iyan ng ano, ng kinagisnan natin.
“Pero mainam din na ang babae ay kayang tumayo sa sariling paa, di ba? Katulad ng...”
Katulad ng ginawa niya?
“Ha! Ha! Ha! Ha!” masayang halakhak ni Sunshine. “Di ba? Ganun talaga.”
Noong 2016 ay nasangkot sa kontrobersiya ang aktres dahil natuklasan niya ang relasyon ng kanyang mister na si Timothy Tan sa ibang babae.
Nagsampa ng reklamo si Sunshine sa korte laban sa asawa at sa diumano'y kalaguyo nitong si Clarisma Sison.
Ngunit ngayong 2018 ay nagkaayos na ang aktres at ang kanyang mister, bagamat hindi na sila nagkabalikan.
Naramdaman ba niyang vindicated siya ngayon, matapos ang mga nangyari sa kanilang buhay-pamilya?
Tinimbang-timbang ni Sunshine ang kanyang tugon.
“Ahhh... ang hirap i-describe, pero pasalamat lang ako sa Diyos.
“Truly, thank you, Lord, because I’m still here. My children are OK. I’m doing more than OK.
“So, lahat ‘yan, blessings ni God.
"Minsan, sa buhay kasi, iniikut-ikot tayo, hindi mo alam kung saan ka pupunta, e.
“Pero dapat, marunong ka lang talagang sumunod sa alon ng buhay!” natatawang lahad ng aktres.
“Huwag mo daw labanan at dadalhin ka naman. You just keep the faith, and God will lead you naman.
“So, salamat, I’m still here—standing strong and tall.”
ESTRANGED HUSBAND
Friends na ba sila ng kanyang estranged husband?
“I don’t want to say friends,” mabilis na sagot ni Sunshine.
“But, ahhh.... ang hirap kasi ng friends, e. Hindi ko alam kung tama ang term na iyan, e.
“Yeah, oo... napaka-complicated, e. I could say na lang siguro na... we’re civil.
“And we’re both doing our best.
"And we’re both doing our responsibilities and kung ano man yung dapat naming gawin para sa mga anak namin.”
Happy ba siya sa buhay ngayon?
Napaisip muli si Sunshine kung paano ipapaliwanag ang saloobin, “Ahhh... isa pa iyang complicated, ‘no?! Isa pa rin!
"Hirap i-define ng happiness!
“Well, for that matter, I choose to be happy every day.
"I celebrate my small joys, kung ano man ang dumarating sa buhay ko.
“Kasi, sa panahon ngayon, lahat ng dumarating sa buhay ng tao, the mere fact na gumigising ka araw-araw ay dapat i-celebrate mo iyan at ipagpasalamat.
“Siguro, may mga aspeto ng buhay ko na hindi ko na maibabalik sa kung ano man siya noong nakaraan.
“Pero natututunan kong maging masaya kung ano man ang... may kakulangan ba, o kung ano man ang dapat kong punuan.”
Wala na ba siyang balak magmahal muli?
“I don’t want to close my doors,” matamang sagot ni Sunshine.
“But as of now, my love and my life is my children. And I’m content with that.”
Walang nagpaparamdam? O sinosopla niya agad ang umaali-aligid?
“As of now talaga, my life is my children and work,” pagdidiin ni Sunshine.
“So, I don’t know kung saan ba papasok yun! Ha! Ha! Ha! Ha!” mataginting niyang halakhak.
“I don’t go out! I’m always at home with my children, and busy sa mga itinatayong negosyo, and trabaho.
“So, hindi ko alam kung saan... and feeling ko, parang hindi rin naman tama.
"Kasi, technically, I’m still married. Hindi naman ako hiwalay.
“Parang I don’t want to be judged na... nangyari sa iyo, ginagawa mo rin?
“Pero, di ba, kung dumating ang panahon at talagang may freedom na... bakit hindi?”