Pagkatapos ng ilang taong pagiging single, natagpuan na raw ni Devon Seron ang kanyang Mr. Right.
Pero ayaw pa niyang pangalanan kung sino ang lucky guy, na isa rin daw artista.
"Okey, meron na po, showbiz… pero yung sa amin, hindi pang-showbiz," sabi ni Devon.
Bakit ang tagal bago siya na-in love?
Tugon ng bagong Kapuso artist, "Sabi kasi nila, iba magmahal ang Pinoy.
"Depende kasi sa tao, e... ako kasi, sobrang makilatis ako.
"Hindi naman sa sinasabi ko na choosy.
"Siguro depende kasi sa tao kung papano niya ipapakita sa iyo kung sincere siya, seryoso siya sa iyo and may respeto siya sa iyo.
"Isa kasi iyan sa mga factors na gusto ko sa isang lalaki."
Pareho ba silang ayaw ipaalam sa publiko na sila na?
"Hindi naman. Ang masasabi ko lang, espesyal siya, masaya ako pag kasama ko siya," pakli niya.
Nakausap ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) si Devon sa presscon ng Bakwit Boys na ginanap sa Limbaga 77 Restaurant, sa Quezon City, kahapon, August 8.
Entry ang pelikula sa 2018 Pista ng Pelikulang Pilipino na magsisimula sa August 15.
MUM ABOUT BOYFRIEND
Pero sino nga ba ang kanyang special someone?
Natatawang tugon ni Devon, "Hala! Huwag na po, tsaka na lang. Hahaha!"
Paano sila nagkakilala?
"Secret, huwag na lang po, basta taga-showbiz din po siya."
Ano ang nagustuhan ni Devon sa boyfriend niya?
"Sa akin naman, wala akong standard na hinahanap talaga sa lalaki.
"As long as yung lalaki marespeto, di lang sa akin pati sa parents ko, honest, sincere, maalaga, and gentleman.
"Ako kasi, kapag lahat ng yun nasa isang lalaki, madali ako mahulog.
"Ako kasi, pag nagmahal ako, gusto ko siya na... what I mean, yung pangmatagalan.
"Hindi yung sandali lang, 'tapos hindi na kayo."
Dagdag pa niya, "Sana tumagal kami.
“Feeling ko naman... I'm praying and I'm hoping siya na nga, sana."
May age requirement ba si Devon para magka-pamilya?
"Siguro sagad na sagad yung 35 years old," sagot niya.
"Nag-aalala ako sa baby, e.
“Pag tumungtong ka kasi ng 30, parang mahirap na sa babae.
“Like ako, 25 na, so may 10 years pa ako.”
ALL-OUT FOR LOVE
From 1 to 10, ilan ang ratio na ibibigay ni Devon sa happiness na nararamdaman niya ngayon?
“One hundred. Kasi sa moment na ito, masaya ako.
"Kumbaga, I'm just enjoying the moment."
Naniniwala ba si Devon kapag masaya ang love life, zero ang career?
"Hindi ako naniniwala dun. For me, nakakatulong din naman kapag may inspirasyon ka.
“Kasi masaya ka at makakapagtrabaho ka nang maayos.
"Tsaka kung marunong ka namang mag-balance, win-win situation," saad niya.
Pero kung inspired daw si Devon ngayon, “dagdag” na lang daw iyon.
Sabi niya, “Siyempre, nandiyan ang family ko.”
Siya ba yung tipo na all-out ma-in love?
"Yes, ganun ako, naniniwala kasi ako na kapag all out ka, walang pagsisisi.
“Walang what if, wala kang hinu-hold back kapag mahal mo yung isang tao.
"Mahalin mo siya nang 100 percent, just like doing projects lang.
"Dapat kapag may project ka, ibigay mo yung 200 percent mo, yung all-out na meron ka.
"So to be more effective sa mga tao, para wala kang pagsisisihan.
Paano kapag may problema sa love life, apektado rin ba ang trabaho ni Devon?
"Hindi, ako kasi pag nasa trabaho ako, nati-train ko na yung sarili ko na iwan yung ibang mga iniisip ko, and mag-focus na lang sa character and sa story.
"Kapag nasa set na ako, dapat wala na yun.
"Hindi na ako si Devon, ako na yung character na ginagampanan ko."
Samantala, may bagong project si Devon sa GMA-7, pero ayaw pa niyang magbigay ng detalye.
"Ayoko pa munang sabihin baka kasi maudlot.
"Pero sa sa akin, malaking project daw po ito at maganda yung role ko.
"Pag okey na po, sasabihin ko sa inyo.
"Pero right now, hangang dun lang po muna," pagwawakas niya.