Dinepensahan ni Paolo Ballesteros si Kris Aquino laban sa netizens na minamaliit ang partisipasyon ng TV host-actress sa Hollywood film na Crazy Rich Asians.
Nagpasaring ang isang netizen na todo-postura si Kris sa Hollywood event gayong extra lang daw ito sa pelikula.
Sabi ng basher, "Haha! sya ba ung nahagip sa camera kung mka pustura daig pa si Nora Aunor sa international gala."
Hindi pinalampas ni Paolo ang panlalait kay Kris.
Buwelta ni Paolo, "@agent_bench_ave nakakamatay ang inggit."
Isa si Paolo sa mga tagasuporta ni Kris na naghayag na "#Filipinopride" ang pagdalo ng huli sa red-carpet premiere ng Crazy Rich Asians, na ginanap sa TCL Chinese Theater along Hollywood Boulevard sa Los Angeles, California, noong August 7 (U.S. time).
Ni-repost pa ni Paolo sa kanyang Instagram account ang kuha ni Kris na nakasuot ng yellow Michael Leyva gown sa Hollywood event.
Makailang-beses na ring binatikos si Kris sa umano'y pagiging "extra" nito sa Crazy Rich Asians.
Ngunit sa halip na mainis, inihayag ni Kris na malaking bagay ang "5 minutes" na exposure niya sa pelikula.
Lalo na at historic para sa Warner Bros. film company ang pagbuo ng "first non-period, all Asian, big Hollywood multi-million production."
Kamakailan lang, ikinatuwa ni Kris na mismong si Kevin Kwan, author ng best-selling novel na Crazy Rich Asians, ang nagsabing "highlight" si Kris sa pelikula.
Ani Kris, "I'm very blessed because I never had to utter a word—the writer & creator of the Crazy Rich Asians trilogy said it all for me. He truly is another of my very special guardian angels."