Naghain ng reklamong cyberlibel si Keanna Reves laban sa isang negosyante sa Biñan, Laguna, na nagsampa rin ng parehong reklamo laban sa sexy comedienne.
Nag-ugat ang lahat ng ito nang kinuha ng negosyanteng si Nancy Dimaranan si Keanna at isa pang stand-up comedian upang mag-perform sa pag-aari nitong comedy bar/food park, ang Comikera, noong July 14, 2018.
Base sa Facebook posts ni Keanna, hinayaan lamang daw silang sumakay ng tricycle matapos ang kanilang show.
Kuwento ng dating Pinoy Big Brother big winner, gusto sana niyang umatras sa kanyang gig sa nasabing food park, ngunit sinabihan daw sila ni Dimaranan na mag-Grab na lang sila dahil 24 hours naman daw ang serbisyo nito sa kanilang bayan.
Nag-alok din daw ito ng PHP1,500 na pamasahe papunta, dagdag sa kanyang talent fee na PHP5,000, kaya napagpasyahan niyang tumuloy kasama ng stand-up comedian.
Pagkatapos ng kanilang show, nagbu-book na raw sina Keanna ng Grab car ngunit wala silang makuha. Umaambun-ambon pa raw noong mga panahong yun.
Umaasa raw sina Keanna na ihatid sana sila kung saan puwedeng sumakay ng taxi, ngunit puno raw ang sasakyan ni Dimaranan.
Mabuti na lamang daw at may nagmagandang-loob na manager ng isang 7-11 branch at isinakay sila sa sasakyan nito.
Ilang minuto raw silang nagpahinga sa 7-11 branch sa may San Pedro, Laguna bago sumakay pauwi ng Quezon City.
Habang nasa loob ng convenience store, nag-Facebook live si Keanna.
Dito ay ilang beses niyang minura ang negosyante dahil wala raw itong pakialam sa inimbita niyang mga bisita.
TIRADES AGAINST BUSINESSWOMAN
Kinaumagahan, nag-post din ng isang mensahe sa Facebook si Keanna.
Dito ay muli niyang ikinuwento ang masaklap daw nilang karanasan sa Biñan.
Mula noon, sunud-sunod na ang birada ni Keanna laban kay Dimaranan.
Kasunod nito ay naghain siya ng reklamo sa Actors Guild of the Philippines kung saan ang presidente ay si Imelda Papin.
Nagsampa rin ng reklamo si Keanna sa cybercrime law department ng National Bureau of Investigation (NBI) noong July 30.
Nagpunta rin siya ng city hall at nalaman daw niyang wala pang business permit ang nasabing comedy bar kahit operational na ito.
Si Keanna ang nagbuko na isang transgender si Dimaranan.
NANCY FIRES BACK
Ang latest, nag-file naman si Dimaranan ng cybercrime complaint laban kay Keanna sa Philippine National Police kung saan nakitaan daw ng 17 libelous at defamatory messages ang aktres.
Sa panayam ng 24 Oras ng GMA kagabi, August 9, sinabi ni Dimaranan na naeskandalo ang kanilang pamilya dahil sa mga post ni Keanna.
Pati ang dalawa raw niyang anak ay nanibago nang nalamang hindi siya ang tunay nilang ina dahil isa pala siyang transgender.
Ito rin ang mensaheng ipinost ni Nancy sa Comikera Facebook page.
Sagot naman ni Keanna, "I already told you GO TO COURT!!!
"Where is my SUBPOENA???
"Ano mangyayari puro ka blotter lang???
"Kahit katiting na takot NEVER!!! Pag ikaw umatras NAKAKAHIYA ka sa mga followers mo!
"I want to see your formal complaint or SUBPOENA what name did you USED???"