Nagpaunlak ng isang maiksing panayam ang PBA player na si Doug Kramer hinggil sa pagkakaaresto ng isang driver sa kanyang taxi line na Remark (binaligtad na Kramer).
Nasakote ng Quezon City Police District (QCPD) ang taxi driver na si Eddie Valiente at ilan pang kasabwat nito na nagnakaw sa bahay ng isang negosyante sa Veterans Village sa nasabing lungsod noong July 30.
Ayon kay Doug, hindi talaga siya direktang namamahala sa kanyang taxi company.
“I don’t know. I don’t know because, honestly, it’s my dispatcher who does all my handlings.”
Pero mabuti na rin at nahuli si Valiente upang hindi na makagawa ng iba pang krimen.
Sa ngayon daw ay hindi alam ni Doug ang itinatakbo ng kaso laban sa taxi driver.
Aniya, “Yeah. I haven’t been really following it [the case]. I’m behind the scenes.”
Si Doug mismo ang nagbigay sa pulisya ng address ni Valiente na dahilan upang matunton ito ng pulisya sa kanilang follow-up operations.
Eksklusibong nakapanayam ng PEP.ph si Doug sa launching ng Barangay 143 sa Green Sun Hotel, Makati City, kagabi, August 9.
Isa ang GlobalPort Batang Pier player sa magda-dub sa mga karakter ng kauna-unahang anime drama series sa bansa, at mapapanood na ito sa GMA-7 sa October 2018.