Nilinaw ng Hashtags member na si Vitto Marquez ang usap-usapang may namamagitan sa kanila ng Kapuso actress na si Bea Binene.
“Kaibigan ko siya. Mahal ko siya as a friend,” sagot ni Vitto nang makausap siya ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) sa presscon ng pelikulang Petmalu noong August 12, Linggo.
More than friends?
“Wala, kaibigan!” natawang sabi niya.
Pero sabi namin kay Vitto, lalabas ang interview namin kaya sana seryoso siya sa sinasabi niya.
“Basta, hindi ko dine-deny at ayoko rin kasing mag-namedrop,” pakli niya.
Yung minamahal niya na ayon sa kanya ay hindi niya girlfriend, showbiz o non-showbiz?
“Showbiz,” pag-amin naman niya.
Mahal pa rin niya hanggang ngayon?
“Oo naman,” sagot niya.
Same network ba sila?
“Hindi, pero hindi pa naman kasi ako artista noong time na yun.
"Ngayon kasi, mahal ko talaga ang trabaho ko, sobra.
"Yung love sa tao, hindi naman nawala, nandiyan lang yun, pero mas pina-prioritize ko ang trabaho ko."
NO LOVE CHILD
Natawa naman si Vitto nang tanungin kung may anak na rin siya.
“Ako?!” gulat ngunit mabilis na sagot niya.
May anak na kasi ang ibang kagrupo niya, kagaya ni Jon Lucas, kaya natanong kung hindi ba siya naiinggit.
Naniniwala si Vitto na may dahilan kung bakit nagkaroon na ng anak ang ibang members ng Hashtags.
Saad niya, “May dahilan kung bakit nangyayari.
“Ako po kasi, gusto kong maging successful. Gusto kong mapakita yung platform na gusto kong maiwan sa showbiz.”
Lumaki si Vitto sa showbiz dahil sa mga magulang niyang parehong artista—sina Joey Marquez at Alma Moreno.
Nasa showbiz din ang ate niyang si Winwyn Marquez, pati ang half brothers niyang sina Vandolph at Mark Anthony Fernandez.
“Sa likod po ng camera,” nakangiti niyang paglilinaw.
Ang totoo nga raw, sa edad na 22, "SSB" raw siya.
Ibig sabihin, "single since birth," na parang ayaw naman naming paniwalaan.
Pero nagsasabi raw siya ng totoo na hindi pa talaga siya nagkakaroon ng girlfriend.
“Wala pa akong naging girlfriend, pero may minahal ako.”
Ibig sabihin, hindi naging official na sila?
“Yes,” mabilis niyang sagot.
“Single since birth,” dugtong pa niya.
“Siguro hindi po kasi ako mabilis ma-fall.
"I tried naman, pero may gusto po kasi ako sa buhay na marating na alam ko na kaya ko.
“Siguro po kasi, kapag kinakausap ko ang tatay ko, hindi niya ako kinakausap na parang bata.
"So, lahat ng sinasabi niya sa akin, pumapasok sa isip ko."
May mga gusto raw mapatunayan si Vitto na mag-isa. Para raw sa kanya, sa pamilya, parang siya pa lang ang walang napapatunayan.
“May gusto po talaga akong ipakita sa tao na kaya kong mag-isa. Kasi, underdog ako sa pamilya.
“Parang ako yung nanliliit sa mga kapatid ko. Kasi, ang kapatid ko, lawyer, doctor, businessman. Hindi ko alam kung saan ako pupuwesto.
“Pero dito ko nakita, mahal na mahal ko po ang trabaho ko.
"Lahat ng nangyayari sa Showtime, mga movies, hands-on po talaga ko.”
FAMILY MATTERS
Tinanong din ng PEP.ph si Vitto kung pabor o boto na siya kay Mark Herras para sa ate niyang si Winwyn.
Sabi niya, “Kung saan masaya si Ate. Kasi si Ate, matanda na. So, kung saan siya masaya, support ako.”
Nang tanungin naman kung gusto nitong mag-asawa pang muli ang daddy niya, mas gusto raw niya na kung puwede ay mag-focus na lang ito sa kanilang mga anak niya.
Katuwiran ni Vitto, “Huwag na po sana. Kung tatanungin ako, sana mag-focus na lang sa mga anak.
“Pero hindi ko naman sinasabi na bawal siyang magka-girlfriend.
"At least, may nag-aalaga sa kanya habang kami ay nagtatrabaho. Kasi, matatanda na rin po kami."
Ikalawang pelikula na ni Vitto ang Petmalu. Katulad ng una niyang movie, ang Squad Goals, barkada movie rin ang second movie niya,
“Pareho rin, barkada movie, pero masasabi ko na iba ang twist nito.
"Masasabi ko na parang ang Squad Goals, very light.
"Dito kasi sa Petmalu, nae-explain niya kung ano ang nangyayari sa mga kabataan."
Masaya rin daw siya na sa dalawang pelikulang nagawa niya, may temang pang-barkada dahil marami siyang nakakasama.
Ayon pa kay Vitto, “Nakakasama ko po ang ibang beterano, tulad ni Jairus Aquino. Nakikilala ko yung mga co-actors ko.
“It’s one way to learn din. Kasi, matanong po akong tao. Tanong ako nang tanong. 'Tama ba to, tama ba ‘tong ginawa ko?'”
Kung si Vitto raw ang masusunod, gusto niyang gumawa ng action-comedy roles. Yung mala-Jackie Chan daw sana.
“Gusto ko rin ipakita na kaya kong gumawa ng stunts na walang double.
"Parang feel ko kasi, siguro yun din ang way ko na pag-express ko sa sarili ko sa screen na ganito ko ka-jolly."
Ibang level na comedy naman para kay Vitto ang narating ng kanyang amang si Joey Marquez.
Pero isa rin sa pangarap niya ay makasama ito sa isang proyekto. Ang ate niyang si Winwyn ay kasama ngayon ni Joey sa pelikulang Unli Life.
“Nilapitan ko nga si Kuya Vhong [Navarro], sabi ko sa kanya, 'Bakit hindi ako kasali diyan?'
"Sabi ko, 'Ako na lang kulang dun, ah. Kasama kita araw-araw,' niloloko ko siya!” natatawang kuwento niya.
Magkasama sina Vitto at Vhong sa It’s Showtime.