“Chill lang, guys, marami pang puwedeng mangyari. Babawi tayo.”
Ito ang mensahe ni Glaiza de Castro sa mga taong umasa ngunit nabigong makita siya bilang Best Actress sa nakaraang 14th Cinemalaya Independent Film Festival.
Si Ai-Ai delas Alas ang itinanghal na Best Actress para sa pelikulang School Service, at isa naman si Glaiza sa crowd favorite dahil sa husay ng pagganap niya sa Liway.
Read: Ai-Ai delas Alas, tinalo ang crowd favorite na si Glaiza de Castro sa Cinemalaya
Bagamat hindi niya nakamit ang award, nananatiling positibo si Glaiza sa mga susunod pang plano para sa pelikula.
Dagdag na mensahe pa niya sa kanyang supporters, “Gusto kong sabihin sa kanila na, 'Guys, kalma lang. Marami pang opportunities, marami pang puwedeng mangyari sa pelikula.'
“Yung makita ko lang na ang daming tao na nare-recognize ako, yung performance ko, it’s more than an award for me.
“Kung yun ang desisyon ng jurors, we should respect that. And we should respect kung sino ang nanalo.”
Sa kabila nito, nagpahayag din si Glaiza ng interes na makatrabaho ang mga naging katunggali niya sa Cinemalaya.
Aniya, “Masaya na ako na makasama sila sa listahan ng mga nominado, gusto ko silang makatrabaho at siyempre, natutuwa ako sa kung anuman ang ibinigay sa akin.”
Nakausap ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) at GMA News si Glaiza sa launch ng OPPO F9 noong Miyerkules, August 15, sa Shangri-La at The Fort, Taguig City.
LIWAY EXPERIENCE
Ayon kay Glaiza, isang napakalaking oportunidad para sa kanya ang gumanap bilang Liway.
Sa katunayan, ikinuwento pa niya ang pagkatuwa dahil personal niyang nakilala ang pinagbasehan ng pangunahing tauhan ng pelikula.
Ani Glaiza, “Hindi ako nagkaroon ng mahabang preparation for the role, e. Hindi katulad ng ilang months o ilang years na research.
“Kasi ito, talagang pagkababa ng memo na gagawin ko siya, the next day, nag-shoot na kami agad.
“So it really helped na na-meet ko siya and ikinuwento niya yung totoong nangyari noong mga panahon na yun, ‘tapos bumibisita siya sa set.
“‘Tapos may isang scene doon na sobrang kabang-kaba ako.
"Para mapalagay ako, para akong may acting coach dun na sinabi niya sa akin, ‘Noong nangyari sa akin ‘yan…’
"Specific na ibinigay niya sa akin kung ano ang na-feel niya, kung paano yung state of mind niya, parang mamamatay siya na, ewan, nilalamig ang katawan niya.
“Sinusubukan ko to get into that emotion or into that state of mind or situation.
“Kasi kung tutuusin, wala naman akong experience ng martial law, di ba?
“Hindi ko naabutan yun, thankfully.
“Pero ang pinaka-challenge doon ay kung paano ko mabibigyan ng hustisya yung mga taong na-experience yung ganung klaseng sitwasyon.
“Para sa akin, noong sinabi niya sa akin na sobrang natutuwa siya at nagkaroon siya ng opportunity at ako yung nakuha para sa role, iyak talaga ako.”
Malaki rin daw ang pasasalamat ni Glaiza dahil mismong si Liway ang nakapagsabi sa kanyang nagawa niya nang maayos ang pagganap sa role.
“Noong sinabi niya sa akin na I gave justice to the role, coming from Liway herself, sobrang thank you.
"Thank you for guiding me kasi hindi madali yung pinagdaanan ko.
“Ang dami kong hesitations, simula pa lang noong nag-iisip sila kung tatanggapin ko ba ito o hindi.
“Kasi, feeling ko may masa-sacrifice talaga at may mako-compromise.”
Ayon sa Facebook post ng Cinemalaya, magkakaroon ng commercial release ang pelikulang Liway ngayong taon.