Hindi pa sigurado si Willie Revillame kung papalaot siya sa pulitika sa 2019 mid-term elections.
Pinag-iisipan pa ito nang mabuti ng Wowowin host dahil hindi raw biro ang pagiging public servant.
Sa Funfare column ni Ricky Lo sa The Philippine STAR ngayong Miyerkules, August 22, sinabi ni Willie na maraming personalidad ang kumukumbinsi sa kanyang tumakbo dahil tiyak naman daw siyang mananalo.
Pahayag ng 57-year-old host/comedian/singer/businessman, “I admit that people from different political parties have been inviting me to kung sinu-sino ang kumakausap sa akin.
"But as of now, I haven’t made any decision yet. Pinag-aaralan ko pa ang sitwasyon.”
Noong July 30, nakipagpulong si Willie kay Davao City Mayor Sara Duterte sa Quezon City Hall kaya lalong lumakas ang haka-hakang tatakbo siya sa eleksyon.
Si Mayor Sara ang namumuno ng regional party na Hugpong ng Pagbabago (HNP).
Sabi ni Willie tungkol sa pagkikita nila ng alkalde, “Nung nag-usap kami, she just asked me about my plan, lokal ba o national.
"And I told her that I had no plans yet, that I am still thinking hard about it.
"Mike Defensor [former congressman] also talked to me and I told him the same thing."
Ayon sa mga balita, posibleng tumakbo si Willie bilang mayor ng Quezon City.
Kung sakali, makakalaban niya ang kasalukuyang bise alkalde ng Quezon City na si Joy Belmonte.
Isa rin daw sa mga dahilan kung bakit hindi pa makapagdesisyon si Willie kung tatakbo ba siya o hindi ay ang daily game show niya sa GMA-7 na Wowowin.
Marami raw kasi siyang natutulungan sa kanyang programa at kaka-renew lang niya ng isang-taong kontrata sa Kapuso network noong August 8.