“Ayoko, ayoko!” todo-iling na sabi ni Ogie Alcasid nang tanungin kung papasok ba siya sa pulitika.
Tubong-Batangas ang pamilya Alcasid, at marami ang nag-aalok at kumukumbinsi kay Ogie na tumakbo sa May 2019 elections.
“Madami! Iba-iba, basta sa Batangas, Congress… meron nga senator, e,” sambit niya.
Ayaw niyang maging senador?
Ayon kay Ogie, “Mas masaya ako dito, e. I’d rather be a singer, an actor.
“Ayoko, ayoko!
"Nakikita ko si Herbert, ni hindi ko nakakausap, parang ang dami niyang…”
Kaibigan ni Ogie si Quezon City Mayor Herbert Bautista.
Wala bang pulitiko sa pamilya nina Ogie?
“Parang wala akong alam… parang dignitary, mga ganun, naging ambassador…”
Nagsasalita nang tapos si Ogie na hindi siya tatakbo dahil hindi rin siya papayagan ng misis niyang si Regine Velasquez.
“Ayoko talaga, ayoko. 'Tsaka ayaw ng asawa ko, ayaw niya.”
Nasubukan na ni Ogie minsan na ma-involve sa gobyerno sa administrasyon ni former President Benigno “Noynoy” Aquino III.
Sabi niya, “Nagawa ko na yun when I served a little bit under Noynoy—nang walang bayad, ha.
“I was with the EDSA People Power Commission.
"Bale ang job ko every year, ako ang nagpe-prepare nung concerts, nung anniversary, yun lang naman yun."
Nakausap ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) si Ogie sa presscon ng kanyang OA: Ogie Alcasid 30th Anniversary Concert noong nakaraang linggo.
Gaganapin naman ang concert sa Araneta Coliseum nitong Biyernes, August 24.
SONG FOR REGINE
Ayon kay Ogie, 68 songs na ang naisulat niya. Ano ang paborito niya sa mga kantang isinulat niya para kay Regine?
“Gusto ko yung 'Pangarap Ko Ang Ibigin Ka,' ang ganda nun, e.
"'Tsaka lahat ng mga bading, parang iyon yung kinakanta nila," sagot ng singer-songwriter.
Kilalang idolo ng mga bading at gay icon si Regine.
“Yung 'Pangarap' kasi, lahat ng mga nanggagaya kay Regine, iyon ang laging ginagaya, 'tsaka gusto ko yung melody nun, e.”
Samantala, for the first time ay mage-perform ang tatlong anak ni Ogie na sina Leila, Sarah, at Nate Alcasid sa kanyang concert.
Siyempre, hindi mawawala si Regine sa pinakamalaking concert na ito ni Ogie.
Special guests din sa show sina Vice Ganda, Rey Valera, Michael V, Janno Gibbs, Yeng Constantino, Moira, at si Bansot Mee.
Director ng OA ang anak ni Gary Valenciano na si Paolo Valenciano. Si Maestro Gerard Salonga ang musical director.