Itinanggi ni Paulo Avelino na may plano na silang magpakasal ng kanyang Filipino-Australian model girlfriend na si Jodie Elizabeth Tarasek.
Ito ay dahil sa sinabi ni Paulo na iniisip niyang pansamantalang magpahinga sa showbiz, sa presscon ng kanyang latest movie, ang Goyo: Ang Batang Heneral, sa Novotel Manila Araneta Center, Quezon City, noong Agosto 13.
Ngunit sa panayam ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) at Cinema News sa aktor matapos ang presscon proper, nilinaw agad nitong wala pa sa isip niya ang pag-aasawa at pagbuo ng sariling pamilya.
Paliwanag ni Paulo, "It's meant to be a joke.
"Kasi sabi nila, ang ganda raw masyado ng presscon, parang kasal, 'tapos ganito pa ang suot ko."
Dagdag pa ng aktor, "Kasal? Not anytime soon.
"Hindi ko masasagot iyan kung kailan. Kung darating, darating. Pag mangyayari, mangyayari.
"Marami munang magpapakasal diyan bago ako."
Advantage ba ang pagkakaroon ng non-showbiz na karelasyon ang isang arrista katulad niya, lalo't tahimik ang itinatakbo ng relasyon nila ni Jodie?
Sagot ng Kapamilya actor, "Steady lang. Kanya-kanya iyan, e.
"Siyempre, may iba advantage pag same line of work, may iba naman gusto ibang career."
Bukas naman daw si Paulo na makatrabaho ang kanyang mga naging karelasyon.
"Yeah, wala naman akong problema to work with any of them. As long as na maganda yung proyekto, yeah."
Kabilang na rito si KC Concepcion, na kamakailan ay inilantad na rin sa publiko ang bagong karelasyon.
Mukhang hindi naman updated si Paulo sa balitang ito.
"Ah, mayroon na? I didn't know.
"But, of course, ang importante, ang gusto natin masaya sila lagi, masaya sila.
"Basta I'm happy if they are happy."
AUDITIONING FOR A ROLE
Balitang bago napunta kay Paulo ang role bilang Hen. Gregorio del Pilar ay dumaan muna siya sa audition, tulad ng ibang cast members ng pelikula.
Bagay na para sa aktor ay malaki ring tulong sa ikagaganda ng isang pelikula.
Aniya, "Yun na nga, lahat ng pelikula na pumapasok ako, Larawan, 'tapos ito [may audition], I think it's the right way of casting also para makita kung nababagay."
Kumita ang pelikulang Heneral Luna na first installment sa trilogy na gagawin ng TBA Studios, ang producer ng Goyo, na siyang second installment.
Aminado si Paulo na ang pinakamalaking pressure para sa kanya ay kumita ang pelikula.
"Mayroon, actually ang pinaka-pressure sa akin ay gusto kong kumita talaga ang pelikula para di sila mahirapang kumuha ng funds or maghanap ng magpo-produce for next film.
"Sabi nga ni Jerrold [Tarrog, director] kanina, importante na mabuo ang tatlong pelikulang ito para mas maintindihan natin yung timeline kung ano ba talaga yung nangyari.
"Sabi nga, it's an [Emilio] Aguinaldo film, kasi siya lang yung buhay sa tatlo."
Naging pinakamalaking isyu sa presscon ay ang pagbibiro ni Paulo na mag-e-early retirement siya sa pag-aartista.
Binigyang linaw rin ng aktor na hindi siya magre-retire kundi pansamantalang magpapahinga muna pagkatapos ng ilang nakabinbing showbiz commitments.
Paliwanaga niya, "I've been doing this for ten years so I think it's time na pahinga lang.
"Siguro bakasyon nang kaunti and then assess things.
"Mas gusto ko lang mas relax, ayokong naghahabol ng panahon, ayokong nape-pressure sa schedule ko. Sabay-sabay, lagare.
"Gusto ko relax lang. Slower pace lang."
Dugtong niya, "Di ko masabi, malay natin three days lang pala, one week, or one month."
Co-producer din si Paulo sa pelikulang Goyo: Ang Batang Heneral.
Hiningan namin ng reaksiyon ang aktor kung totoong halos lifetime savings na niya ang in-invest niya sa pinagbibidahang pelikula.
Aniya, "I've been producing films on the side ever since. Hindi naman lifetime savings, sapat lang.
"A big chunk of the film [funding] actually came from our major producers.
"My share? Secret na lang natin, mahirap pag-usapan iyan."
Binanggit din ni Paulo na nauna na siyang nag-invest sa 2017 indie film na pinagtambalan nila ni Maja Salvador.
"Well, may ginawa na rin akong isa sa kanila, yung I'm Drunk, I Love You. It's also kind of like a partnership."