Willie Revillame exposes modus operandi of syndicates using Wowowin studio audience

IMAGE Courtesy: GMA News Online

Isiniwalat ni Willie Revillame ang modus operandi ng ilang sindikato na ginagamit ang mga studio audience ng programa niyang Wowowin upang makakuha ng pera.


Tinapos na ni Willie Revillame sa Wowowin ngayong Martes ng gabi, September 11, ang mga haka-haka na tatakbo siya sa May 2019 elections.

"Para matapos na, kaya ayokong magpulitika, hindi ko kayang iwanan ang programang ito para sa inyo," ang may finality na pahayag ng host ng toprating game show ng GMA-7.

Nag-ugat ang deklarasyon ni Willie na hindi siya kakandidato nang matuklasan niya ang anomalya na ginagawa ng mga sindikato.

Tinitipon ng mga sindikatong ito ang mga tao na hindi magkakakilala at nagpapanggap na mga residente ng isang lugar para makapasok sa studio ng Wowowin, sumasali sa mga contest, paghahatian ang pera na ipinamimigay ng TV host, at nagde-demand ng komisyon ang lider ng scam.

Dismayadong-dismayado si Willie nang malaman nito ang raket na ginagawa at ang panggagamit ng masasamang loob sa programa niya.

"Ginagawa niyong raket itong show, e. Sino ang nagpagawa ng T-shirts niyo?" tanong ni Willie sa mga contestant na itinuro ang isang Ate Susan na wala sa loob ng studio pero nag-book sa grupo.

"Nasaan yung Susan? Hindi ko kayo paglalaruin hanggang wala si Susan. Dapat nandito si Susan.

"Ginagawa ninyong dayaan itong show na ito! Ginagawa ninyong palabigasan.

"After niyan, panibago, iibahin ang pangalan ng Susan na yun.

"Magpapa-book, magsasama ng tao. Pag nanalo, hihingan ng pera, kakalahatiin.

"Alam ko na lahat iyan, tigilan na iyan. Raket iyan!" sabi ni Willie.

Lalong nagalit ang Wowowin host dahil nakumpirma niyang totoo ang kanyang hinala dahil sa isang matandang babae na nagngangalang Thelma Culimlim mula sa Bulacan, na ni-recruit ni Susan pero hindi nito kilala at pinagpanggap na residente ng Novaliches.

Pumayag si Nanay Thelma na sumama sa grupo na binuo ni Susan dahil sa kagustuhan niyang mabigyan siya ni Willie ng jacket.

Inamin ni Nanay Thelma na hindi niya kilala ang kanyang mga kasama.

Sabi ni Willie, "Alam mo, kawawa yung ibang pumipila, nagpapa-book 'tapos gagastos. Makukuhanan lang kayo ng pera.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"Ang daming raket dito. Saka yung nagpa-book sa inyo, dapat nandito iyan.

"Hindi po puwedeng wala dito yung nagpapa-book."

Awang-awa si Willie kay Nanay Thelma na binigyan niya ng jacket at pera.

WILL CONDUCT AN INVESTIGATION

Nangako si Willie na iimbestigahan ang anomalya sa Wowowin na siya mismo ang nakadiskubre at hindi niya papayagan na muling mangyari.

Saad niya, "Aayusin namin ito. Kaya ko ito ginagawa kasi kawawa naman itong Wowowin.

"Kumbaga, naloloko na ho kami. Hindi puwedeng ganyan, araw-araw tayong lolokohin. Kawawa naman yung show.

"Kaya ho namin kinaklaro ito, maraming nangyayari na hindi tama, sa labas pa lang.

"Kawawa naman yung Wowowin. Kawawa naman kami dito sa GMA.

"Tapat kaming maglingkod, tapat kaming magbigay ng kasiyahan sa inyo, 'tapos ganyan pa ang gagawin niyo sa programa?

"Kawawa naman kami. Lahat na kami dito, hindi na natutulog para lang mapasaya kayo, 'tapos ganyan pa, lolokohin niyo ang programa."

Patuloy ni Willie, "Huwag kayong tatanggap na kahit na sino na hindi niyo kasama.

"Kapag nalaman namin, palalabasin namin kayo kasi niloloko niyo ang programa.

"Magbibigay kami ng kasiyahan, kaligayahan niyo. Magbibigay kami ng tulong.

"Pero dapat tapat, totoo ang ginagawa niyo para sa amin at para sa inyo.

"Ganoon lang kasimple ang Wowowin, sa buong Pilipinas at sa buong mundo, ang Wowowin po, inilaan para sa mga nangangarap.

"Itong programang ito, sa totoo lang, hindi kami kumikita.

"Bakit? Ibinibigay namin sa inyo lahat ng papremyo.

"Ibinibigay namin na pamasahe sa inyo kaya maawa naman kayo," sobrang disappointed na pakiusap ni Willie sa studio audience at televiewers ng Wowowin.


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN