Mika dela Cruz eyes future in politics: "Buong pamilya ko, nasa politics, wala akong takas."

IMAGE Noel Orsal

Mika dela Cruz is not afraid to enter politics despite its peril. "Hindi ako takot. Binomba na ang bahay namin. Si Ate, muntik nang masaksak. Si Kuya Ed, namatay siya. Kung oras mo, oras mo. Hndi ako takot sa mga ganung bagay," she declared.


Desidido si Mika dela Cruz na mag-aral ng Law at balang araw, katulad ng kapatid niyang si Angelika dela Cruz, ay gusto rin niyang pasukin ang pulitika.

Si Angelika ay nasa kanyang ikalawang termino bilang barangay captain sa Longos, Malabon City.

“Kaya ko po sinasabing marami pa akong gagawin,” nakangiting sabi niya sa panayam ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) sa media conference ng GMA-7 prime-time series na Pamilya Roces noong nakaraang linggo.

May ibang artista na itinatanggi kahit halata namang papasukin talaga ang pulitika, tila kakaiba si Mika.

Hindi pa man ay inaamin na papunta siya rito.

Saad ng 19-year-old Kapuso actress, “Yes, po, kasi masa ako, mahilig talaga ako sa tao.

“So feeling ko, magiging mabuti talaga akong public servant katulad ng daddy ko, kuya ko, ate ko.”

Ang tinutukoy ni Mika ay ang ama nila ni Angelika na si Ernie dela Cuz at ang pumanaw nilang kapatid na si Edward.

Sabi pa niya, “Buong pamilya ko, nasa politics na, wala na kong takas.”

Hindi kaya dahil dito siya nili-lead ng pamilya niya at napipilitan lang si Mika?

“Ay, wala po silang nili-lead nga sa akin,” pagtatama niya.

“Ako lang po talaga, nakikita ko ang sarili ko na ginagawa yun.

“So, kung sakali, ako yung kauna-unahang mag-aaral ng Law sa amin.”

Proud si Mika sa kanyang pamilya at sa mga nagawa ng mga ito sa kapakanan ng iba.

Aniya, “Nakakatuwa, yung family namin, nakikita ko na lahat ng effort, lahat ng pera namin doon nilalagay para mapaganda yung barangay.

“Yung barangay namin ngayon, para nang City Hall. Apat na floor. May sariling balcony, punong-puno ng glass.”

NOT AFRAID

May mga hindi magagandang isyu sa pulitika, hindi ba napanghihinaan ng loob si Mika na pasukin pa rin ang mundong ito?

Tugon niya, “E, kasi para sa akin, ang pulitika at showbiz, pareho lang.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

“Ang showbiz, may pulitiko. Ang pulitiko, may showbiz.

“Ganun siya, e, parehas siya para sa akin… hindi ako takot.

“Kahit yung pamilya ko may mga death threats; binomba na ang bahay namin, in-ambush na ang bahay namin.

“Naabutan ako sa labas ng mall, sakto may nag-death threat sa akin na papatayin ako.

“Nagulat ako may sumusundo na sa aking mga pulis sa Malabon, yun pala, may nag-alert na sa akin na babarilin ako.”

Hindi siya natakot?

“Hindi, kasi ang kuya ko, si Kuya Ed, namatay siya, yun na talaga ang oras niya.

“Kahit saan ka, kung oras mo, oras mo.

"So ako, yun ang maganda sa akin… hindi ako takot sa mga ganung bagay.

“Sa akin, magiging masaya ako na makakapag-serve ako sa public.”

Ang kuya ni Mika na si Edward ay namatay sa isang road accident sa may North Luzon Expressway (NLEX) noong June 2010.

Kahit may mga death threats na hindi pa man siya pulitiko?

“Yes, po, hindi ako takot. Binomba na ang bahay namin, plinantahan ng bomba.

“Bago pa tumakbo ang ate ko, una, in-ambush po yun ng tae, ng poops—in-ambush yung gate namin.

“E, stainless yung gate namin, nagsulat sila na 'simula pa lang ‘to.'

“'Tapos after two weeks, nag-plant ng bomba. Buti walang tao sa bahay at walang nasaktan.

"Si Ate, muntik nang masaksak."

Sa ngayon, Grade 12 pa lang si Mika at online schooling siya.

Pero kapag nag-pre-Law na raw siya, sa regular school na siya papasok.

Pinagpipilian pa raw niya kung Psychology o Political Science ang kukuhanin niyang kurso.


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN