Kris Bernal opens up about non-showbiz boyfriend, former screen partner Aljur Abrenica

IMAGE Noel Orsal

Kris Bernal sure of her current love life: "This is it na."


Marami ang natuwa at humanga kay Kris Bernal sa pagkakabili niya ng sariling bahay sa Amerika.

Bukod sa bahay sa U.S., mayroon din siyang mga negosyo.

Pero may mga nag-isip nang hindi maganda at pinagdudahan ang perang pinambili ni Kris ng bahay at ipinundar sa kanyang mga negosyo.

“Oo nga! Dahil daw sa dyowa ko! Ano ba ‘yan?!” natatawang reaksiyon ng Kapuso actress.

May kaya ang non-showbiz boyfriend ni Kris na si Perry Choi, isang chef, pero sinigurado ng aktres na wala itong kontribusyon sa kanyang pinagkagastusan.

Diin niya, “Wala siyang contribution to any of my businesses at sa ano nga…

“Grabe akong magtipid at alam ni Lord ‘yan. Kuripot talaga ako to the highest level!”

Kuripot si Kris, pero nakikita rin sa mga social media post niyang mahilig siya sa branded bags at iba pang luxury items.

Paglilinaw ng Asawa Ko, Karibal Ko actress, “Bumibili ako, pero kasi yung mga branded na yun…

“Well, sinasabi nga nila, kinukuwestiyon ng mga tao, 'Nagtitipid ka pero ang gastos-gastos mo sa mga ganun,' may mga nagko-comment.

“Pero kasi, kapag bumili ako ng branded stuff like bags, sine-share ko yun sa mga kapatid ko.

"Apat kaming babae—dalawang ate, nanay ko. So, apat kaming gumagamit ng bag.

"So, alam ko na kapag bumili ako, sulit na sulit yun, gamit na gamit, kaya worth it siya."

Nakausap ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) si Kris sa last shooting day niya ng pelikulang Kontradiksyon ng Bell Films noong November 18.

STEADY RELATIONSHIP

Ang non-showbiz boyfriend ni Kris ang kanyang business partner at chef sa itinayo niyang Korean restaurant sa Banawe, Quezon City.

Kampante si Kris na matatag ang kanilang relationship.

Aniya, “Twenty-nine na ako, e, iniisip ko rin this is it.

“Ayoko nang mag-aksaya ng time kung hindi rin naman.

“So far, parang ito… nandoon na ako sa point na yun na, this is it na.”

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Nag-propose na ba sa kanya ang boyfriend?

“Hindi pa, pero nagpaparamdam na siya sa akin!" natawang sabi ni Kris.

Dagdag niya, “Super supportive kasi siya sa career ko. So, kahit matagal pa, hindi niya iniisip yun.”

Nagsabi rin daw siya na kung puwede siyang pagbigyan kahit mga tatlong taon pa.

“Thirty-two na ako nun, sabi ko another three years pa.”

FORMER LOVE TEAM

Ayon pa kay Kris, tapos na rin siya sa love team kaya walang dahilan para itago pa niya ang kanyang love life.

Popular ang love team nila ni Aljur Abrenica noon, at bukas pa rin daw si Kris na magkatrabaho silang muli.

Malapit nang magpakasal sina Aljur at Kylie Padilla, at isang taon na ang kanilang anak.

Natawa si Kris nang tanungin kung kinuha ba siyang ninang ni Aljur sa anak nito.

“Hindi,” pakli niya.

Dito na ibinunyag ni Kris na hindi sila naging close ni Aljur.

Lahad niya, “Actually, sa tagal naming magkatrabaho, sa sobrang tagal naming love team, hindi rin kami naging close.

“Talagang trabaho lang, matagal na rin naman yun. Talagang trabaho lang yun.”

Pero nag-expect ba siya noon na baka kunin siyang ninang?

“Somehow,” pag-amin ni Kris, “kasi feeling ko isa ako sa nakukuwentuhan niya noon or nasasabihan niya ng mga things.

“Pero kung hindi, hindi talaga.

"Pero medyo nakaka-hurt din kasi yung feeling na isa ako sa nakasama mo for so long.

"Halos araw-araw, tambay sa taping, sa probinsiya, mga shows natin.”

Natatawang sabi pa niya, “Oo, actually, nagtaka rin ako bakit hindi ako naging ninang!”

Pero bawi niya, “Hindi, joke lang!”


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN