Character actor Jim Pebanco opens up about three-decade relationship with Joel Lamangan

IMAGE Noel Orsal / Jocelyn Dimaculangan

Jim Pebanco (right) says he and director Joel Lamangan are not hiding their relationship. "Hindi naman mahirap aminin, hindi nga lang pinapangalanan pero alam naman na, bakit pa kailangang aminin?"


Umamin ang character actor na si Jim Pebanco na matagal na ang relasyon nila ng direktor na si Joel Lamangan.

Parehong dumalo sina Direk Joel at Jim sa grand mediacon 2018 Metro Manila Film Festival entry na Rainbow's Sunset sa Le Reve Events Place, Quezon City, noong December 2.

Si Joel ang direktor ng pelikula at isa naman sa cast members si Jim.

Sa presscon proper, sinabi ni Direk Joel na hindi siya tatandang mag-isa dahil mayroon siyang partner.

Matapos ang presscon proper, eksklusibong nakapanayam ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) si Jim.

Tinanong namin kung siya ba ang tinutukoy na "partner" ni Direk Joel.

“Siguro,” maikli niyang sagot habang nangingiti pa.

Mahirap bang aminin?

Paglilinaw ng film/TV/theater actor, "Hindi naman mahirap aminin.

"Hindi nga lang pinapangalanan, pero alam naman na, bakit pa kailangang aminin?"

Mayroon ba silang prinuprotektahan ni Direk Joel kaya ayaw nilang pag-usapan ang relasyon nila?

Sagot ni Jim, “Hindi naman kasi ako makuwento at hindi rin naman siya makuwento.

"Pero bahala na ang tao kung ano ang sabihin at kung ano ang isipin.

“And it doesn’t matter naman...”

Alam ng karamihan sa mundo ng showbiz ang relasyon nina Direk Joel at Jim.

Kapansin-pansin ding sa halos lahat ng proyekto ni Direk Joel ay kasama si Jim sa cast, katulad ng Rainbow's Sunset at sa GMA-7 prime-time series na Pamilya Roces.

MEETING JOEL

Ayon kay Jim, sa teatro nagsimula ang pagiging malapit nila ni Direk Joel.

“Nag-o-audition ako, nakita niya ako. Nagalingan siguro sa akin.

“Nag-o-audition ako sa mga musical plays before kasi kumakanta ako. 'Tapos, nakakapasa naman ako.

"'Tapos, nagkaroon ako ng scholarship sa CCP and that’s it. And there I was trained."

Patuloy niyang lahad, “Kumakanta ako sa isang piano bar sa Roxas Boulevard during the early '80s.

"Ang mga kasama niya [Joel], mga direktor din—sina Soxie Topacio at Khryss Adalia [na parehong namayapa na]. 

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

“Sa Ryan’s Pub ako kumakanta, kung saan kumakanta sina Vernie Varga dati.

“At saka kumakanta talaga ako dati kay Tita Midz [Armida Siguion-Reyna] sa Aawitan Kita,” pagpapatunay pa ni Jim sa kakayahan niyang kumanta.

“Kaya nga kakilala ko sina Allan K at Leonard Obal,” banggit niya sa Eat Bulaga! host at sa isa pang veteran comedy live entertainer.

30 YEARS 

Anong mayroon sa relasyon nila ni Direk Joel kaya ito nagtagal?

Saad ni Jim, “Ano iyan, e, dapat pati yung kagandahan, kabutihan, at saka medyo yung quirks.

"At saka kailangan dapat tatanggapin mo yun and learn how to compromise.

“At saka araw-araw, learning experience iyan, e. Hindi madali.”

Patuloy niya, “Dapat intindihin mo ang pagkatao ng kasama mo.

"Pati yung kanyang mga topak, yung mga mood swings, and don’t be afraid na matuto ka araw-araw kasi meron kang nakikita, e.

“At saka meron kang nalalaman araw-araw.

“Oo, kailangan mong mag-adjust kaya magku-compromise, e. A part of you will die.”

Ayon kay Jim, may tatlong dekada na ang relasyon nila ni Direk Joel.

Biglang nailang si Jim nang purihin namin ang tibay ng pagmamahalan nila ng direktor.

“Bakit ba iyan ang tanong sa akin? Ano ba naman 'yan!" natatawa niyang sabi.

Ipinaliwanag namin kay Jim na nakaka-inspire ang kuwento ng pagmamahalan nila ni Joel dahil mayroon palang same-sex relationship na umaabot ng ganun katagal.

Pagsang-ayon naman niya, “Oo, kasi dapat may tiwala.”

Gaano kahirap ang journey?

“Hindi ganun kadali. May fights, oo.

"Kaya I opted not to direct kasi baka mag-clash kami kapag ako ang nag-AD [assistant director]. You know, what I mean?

“Baka [yung] hindi puwede sa akin, puwede sa kanya. Magka-clash sa set.”

Pinangarap din daw ni Jim na maging direktor gaya ni Joel.

Pag-amin pa niya, “Pinangarap ko, kaya lang nakita ko kasi yung clash.

"Marunong naman ako kaya lang hindi ko na pinursue.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

“Pinagbuti ko na lang ang aking pag-arte na kung anuman ang ipagawa sa akin kaya kong gawin.”

LOVING AN ARTIST

Mahirap bang magkaroon ng karelasyong kapwa alagad ng sining?

“Oo, hindi madali,” sagot ni Jim.

“Ang maganda lang kasi, intelligent, e. Napag-uusapan iyan.

"Oo, nakukuha 'yan sa usapan, yung problema.

“Saka merong respect, trust, at saka love. Okey yun, okey yun.”

Kilalang mataray sa trabaho si Direk Joel.

Pero ayon kay Jim, “Mataray rin ako, hindi lang halata.”

Nag-aaway rin daw sila at agresibo raw noon ang kanilang pagtatalo.

“Siyempre, nung younger years, medyo violent, especially me.

"Mukha lang akong mabait pero I’m capable of violence... when I was younger. 

“Naku-control na pag nag-i-age ka. At naniniwala ako na nagmi-mellow ang tao.”

May mga instance ba na ang pinagsisimulan ng away ay ang ego o pride?

Ayon kay Jim, “Nung bata ako. Kasi siyempre, hindi ko pa masyadong naiintindihan, especially hindi ako masyadong sociable, e.

“At saka iba rin ang personalidad ko, iba rin siya.

"Mas marunong siyang lumaro, ako kasi hindi masyadong marunong lumaro.

“Masyado akong straight.”

Isa ba sa mga dahilan ng away ay ang selos sa pagkakaroon ng third party?

Pag-amin ni Jim, “Oo, lumampas na kami doon.

"Merong ganyan na panahon noong araw... before. Pero tapos na yun."

Pag nagkakaayos sila, sino ang unang nagkikipagbati?

“Mas nauuna siyang makipagbati, oo... mas mabilis siya,” sabay ngiti ng batikang aktor.

Ano ang mga nabago ngayong nasa 30 years na ang kanilang pagsasama?

Saad ni Jim, “Siyempre, nag-compromise na at saka napag-uusapan na ang mga bagay-bagay, nailagay na sa tamang perspektibo yung mga bagay-bagay.

"So, maayos na."

Nakikita pa ba niya ang kanyang sarili na wala sa tabi si Direk Joel o hindi niya na inaasahang magkakahiwalay pa sila?

“A, siyempre nasanay ka na, e. Pero dapat ready ka and I’m prepared for it,” sagot ni Jim.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

May plano ba silang iwan ang showbiz at magkaroon ng simpleng buhay, i-enjoy ang isa’t isa habang malakas pa?

“Meron kaming bakasyon kapag Holy Week at Christmas season. Yun ang holiday namin.

"Out of the country, out of town," banggit niya.

MMFF ENTRY

Samantala, ibinahagi naman ni Jim ang role niya sa Rainbow's Sunset.

Pagdidetalye niya, “Ako yung pamangkin ng character ni Tony Mabesa.

"Ako yung mahirap na pamangkin na sastre, na asawa ko si Sue Prado.

"Na gusto namin, lalung-lalo na siya, na makuha na namin ang mana na alam namin mamatay na.

“Nagkaroon kami ng problema kasi bumalik yung dati niyang dyowa, yung karakter ni Eddie Garcia na ex-senator.

“Hindi naman bad yung character namin, iniisip lang namin yung future namin. 

"Kasi ako na lang ang natitirang kamag-anak, baka kung saan-saan at kani-kanino lang mapunta.

"Pinangangalagaan lang namin kasi ako ang tagapag-alaga niya.

“Yun ang character ko at yun ang dilemma namin.”

Paano niya nakikita ang sunset sa kanyang sa showbiz at sa personal life?

Sagot ni Jim, “Ganito... dapat araw-araw, yung kinabukasan, paghandaan mo para hindi tayo nakadepende kung kani-kanino.

"Dapat mabuhay ka mag-isa at dapat alagaan mo ang sarili mo."


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN