Halu-halong emosyon ang naramdaman ni Miss Universe Philippines 2018 Catrionay Gray sa preliminary competition ng Miss Universe 2018, na ginanap sa IMPACT Arena sa Bangkok, Thailand, Huwebes ng gabi, December 13.
Ngunit walang dudang napagtagumpayan ni Catriona ang preliminary competition.
Pinag-usapan nang husto ng netizens ang kanyang pagrampa sa swimsuit at evening gown round, kung saan mayroon pa siyang "slow motion" na pag-ikot.
Ngayong araw, December 14, nag-post si Catriona ng mensahe sa kanyang Facebook account.
Dito ay inihayag niya ang labis na pasasalamat sa suportang ibinigay sa kanya ng mga Pilipino.
Saad ng 24-year-old model-singer, “how I'm feeling after last night's Miss Universe Preliminary swimsuit and evening gown round.
“Philippines, it brings me so much joy to carry you across my heart. Laban tayo!!!”
Umaasa ang halos lahat ng Pinoy Miss Universe fanatics na maiuwi ni Catriona ang korona sa 67th Miss Universe.
Kung papalarin, si Catriona ang magiging ika-apat na Miss Universe mula sa Pilipinas.
Ang unang Miss Universe galing sa Pilipinas ay si Gloria Diaz taong 1969, at sinundan ni Margie Moran noong 1973.
Halos apat na dekada ang hinintay ng Pilipinas nang koronahan si Pia Wurtzbach bilang Miss Universe noong 2015.