Isa si former Ilocos Sur Governor Chavit Singson sa mga tumulong mag-finance ng 67th Miss Universe na ginanap sa Bangkok, Thailand nito lamang December 17, kung saan ang ating kandidatang si Catriona Gray ang itinanghal na Miss Universe 2018.
Naging judge pa nga ang anak niyang si Richelle Louise Singson-Michael, na chief executive officer ng Platinum Skies Aviation.
View this post on InstagramA moment that will be remembered forever. ???? Congratulations #MissUniverse 2018 @catriona_gray.
Ayon pa sa politiko, ang Miss Universe 2019 ay sigurado nang gaganapin sa South Korea kung saan siya ay may negosyo roon.
Solo raw niyang ipi-finance ang pageant sa susunod na taon.
Saad niya sa radio program na Mismo sa DZMM noong nakaraang Huwebes, December 20, "Sa South Korea gagawin kasi mas maganda ang mangyayari kasi sasama ang North Korea, first time.
"So, magandang exposure.
"Di ba nag-aaway yung dalawa [North at South Korea], ngayon sasama daw."
MISS UNIVERSE PHILIPPINES FRANCHISE
Samantala, hindi pa raw tinatanggap ni former Ilocos Sur Governor Chavit Singson ang franchise ng Miss Universe Philippines pero in-offer nga raw ito sa kanya ng Miss Universe Organization (MUO).
Aniya, "Totoo, pero di ko pa tinanggap, pinag-aaralan ko pa."
Sa hiwalay na panayam kay Chavit ng DZRH, sinabi niyang kailangan raw niyang pag-isipan kung tatanggapin ang Miss Universe Philippines franchise.
Dagdag pa niya, "Dahil baka dagdag trabaho iyan. Hindi kagaya yung sponsor, hindi masyadong matrabaho."
Ilang taon na ang nakalipas na ang kandidata sa Miss Universe mula sa Pilipinas ay pinipili ng Binibining Pilipinas Charities, Inc. (BPCI) ni Stella Marquez-Araneta.
Pero ayon kay Singson, nag-expire na ang kontrata ng BPCI at MUO.
Kung sakaling tatanggapin niya ang alok, magkakaroon daw ng hiwalay na pageant na ang pangalan ay Miss Universe Philippines.
Sabi pa niya, "If ever na matuloy, wala na yung Binibining Pilipinas. Magiging Miss Universe Philippines na."
Si Singson, sa pamamagitan ng kanyang LCS Group, ang financier ng ika-65 Miss Universe na ginanap sa bansa noong January 2017.