Sa tulong ng panawagan ng Deadpool star na si Ryan Reynolds sa Twitter, naibalik na sa isang Filipino-Canadian ang napakaespesyal sa kanyang teddy bear.
Nag-alok ng $5,000 (PHP246,000) reward ang 43-year-old Vancouver-born actor sa makapagsasauli sa custom-made bear ni Mara Soriano, 28.
Nakatira si Mara sa Vancouver, Canada.
Alam ni Ryan kung gaano kaespesyal kay Mara ang bear na iyon, kaya nagpasaklolo ang Hollywood star sa kanyang 16.2 million Twitter followers para matulungan ang Pinay.
Nasa loob kasi ng bear ang kaisa-isang voice recording ng ina ni Mara, si Marilyn Soriano, na pumanaw dahil sa cancer noong June 29, 2019.
Biyernes, July 24, nang nawala ang bear habang naglilipat si Mara sa bago niyang apartment sa Vancouver.
At ngayong Miyerkules, July 29, naibalik na sa Pinay ang pinakamamahal niyang teddy bear.
Kaagad na ipinost ni Mara sa Twitter ang litrato niya, kung saan ngiting-ngiti siya habang hawak ang bear.
Tinag ni Mara si Ryan sa kanyang tweet: “MAMABEAR IS HOME!!!”
Ayon sa reply ni Mara sa isang Twitter user, maayos ang lagay at malinis ang teddy bear. Ibinigay raw ito sa kanya ng “two kind samaritans.”
Tiniyak din ni Mara na nasa bear pa rin ang voice recording ng ina, bagamat nawala ang “glasses” ng stuffed toy.
Ni-retweet ni Ryan ang post na ito ni Mara. Nagpasalamat ang Hollywood actor sa lahat "who searched high and low" para matagpuan ang teddy bear.
Nag-thank you rin ang aktor sa taong kumuha sa bear: "thanks for keeping it safe."
At press time, walang kumpirmasyon kung naibigay na ni Ryan ang pabuya sa mga nagsauli ng teddy bear.
RYAN OFFERS REWARD MONEY, OTHER CELEBS HELP
Linggo, July 26, nang iulat ng CBC (Canadian Broadcasting Corporation) ang kuwento ni Mara.
Nang araw ring iyon ay ni-retweet ni Ryan ang CBC post na kalakip ang litrato ng nawawalang teddy bear.
Tweet ni Ryan: “Vancouver: $5,000 to anyone who returns this bear to Mara. Zero questions asked. I think we all need this bear to come home.”
Umabot sa 100,000 ang nag-retweet sa post na ito ng Hollywood actor, bukod pa sa 340,000 likes na nakuha nito.
Kabilang sa mga nag-retweet ang American actor-producer na si Zach Braff.
Caption ni Zach: “I NEED THIS BEAR TO COME HOME!!!!!!”
Ang Canadian actor-TV personality namang si Dan Levy, ni-retweet din ang post ng CBC.
Apela ni Dan sa kanyang mga kababayan: “Canada, please help find this bear.”
MARA “UNBELIEVABLY GRATEFUL” TO RYAN
Sa interview ng CBC kay Mara nitong Linggo, abut-abot ang pasasalamat ng dalaga sa tulong ni Ryan.
Dahil kasi sa Deadpool star, nakatanggap si Mara ng mga mensahe ng simpatiya mula sa iba’t ibang dako ng mundo.
Hindi raw siya makapaniwalang mapapansin ng Hollywood star ang kuwento ng nawawala niyang teddy bear.
“I’m so unbelievably grateful for the exposure boost that he’s brought to this kind of story,” sabi ni Mara sa CBC. “It is just unbelievable that someone like him would take notice of someone like me.”
SCOURING VANCOUVER STREETS TO FIND THE MISSING BEAR
Kinapanayam ng CBC si Mara nitong Linggo habang namamahinga ang Pinay sa pamimigay ng leaflets sa mga kalsada ng Vancouver.
Nakaimprenta sa leaflets ang litrato ng teddy bear, kasama ang detalye kung gaano ito kahalaga kay Mara.
Sinamahan ng CBC si Mara sa pag-iikot sa mga lansangan ng Vancouver.
Bukod sa pagbibigay ng leaflets, isa-isa ring sinisilip ni Mara ang mga basurahan at tambakan ng kalat sa lungsod sa pag-asang matatagpuan niya roon ang bear.
Nang mawala ang bear nitong Biyernes, nakasilid iyon sa malaking backpack, kasama ang isang iPad, Nintendo Switch, ilang passports, citizenship paperwork, checkbook, at insurance cards.
Sa CCTV (closed-circuit television) footage na nakuha ni Mara, makikitang isang lalaki ang dumampot sa bag nang saglit itong iwan ng Pinay sa labas ng nilipatang apartment.
Iniisip ni Mara na tanging ang mga materyal na bagay sa bag—gaya ng iPad at Nintendo Switch—ang pag-iinteresan ng kumuha ng bag.
Posibleng itapon na lang nito ang teddy bear, dahil hindi naman ito mapakikinabangan, kaya nagbaka-sakali si Mara sa mga basurahan.
“IT’S JUST THE LAST THING I HAVE OF HER”
Pero para kay Mara, walang katumbas ang halaga ng bear na iyon.
Iniregalo raw kasi iyon ng kanyang ina noong Pasko ng 2018, anim na buwan bago ito pumanaw.
“It’s just the last thing I have of her. It has her voice in it,” naiiyak na sabi ni Mara sa CBC.
Kuwento ni Mara, niyayakap niya ang teddy bear tuwing nalulungkot siya kapag naaalala ang ina.
“And when you miss someone that much, sometimes you need to hear that,” dagdag ni Mara.
Ayon sa media reports, ganito ang maririnig sa recording ng ina ni Mara sa bear: “Hi, Ate Mara, mahal na mahal kita, okay? Remember that. You made mommy so proud.
“No matter where you are, a part of you will always be with me forever. I love you to infinity and beyond.”
Sa Pilipinas isinilang si Mara, pero nag-migrate sa Toronto, Canada, ang kanyang pamilya noong nine years old siya, ayon sa media reports.
Taong 2015 naman nang lumipat si Mara sa Vancouver, habang naiwan sa Toronto ang kanyang buong pamilya.
Sa ngayon, isa nang matagumpay na storyboard artist si Mara sa Vancouver.
Isa ka bang showbiz fan na laging updated at naghahanap ng latest chika? Share what you know. Join here! https://bit.ly/PEPChika